Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 24

24 Ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito; ang sanglibutan, at silang nagsisitahan dito.

Sapagka't itinatag niya sa ibabaw ng mga dagat, at itinatayo sa ibabaw ng mga baha.

Sinong aahon sa bundok ng Panginoon? At sinong tatayo sa kaniyang dakong banal?

Siyang may malinis na mga kamay at may dalisay na puso; na hindi nagmataas ang kaniyang kaluluwa sa walang kabuluhan, at hindi sumumpa na may kabulaanan.

Siya'y tatanggap ng pagpapala sa Panginoon, at ng katuwiran sa Dios ng kaniyang kaligtasan.

Ito ang lahi ng mga nagsisihanap sa kaniya, na nagsisihanap ng iyong mukha, sa makatuwid baga'y Jacob. (Selah)

Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan; at kayo'y mangataas, kayong mga walang hanggang pintuan: at ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.

Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Ang Panginoong malakas at makapangyarihan, ang Panginoong makapangyarihan sa pagbabaka.

Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan; Oo, magsitaas kayo, kayong mga walang hanggang pintuan: at ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.

10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian? Ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang Hari ng kaluwalhatian. (Selah)

Awit 29

29 Mangagbigay kayo sa Panginoon, Oh kayong mga anak ng makapangyarihan, mangagbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.

Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: inyong sambahin ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan.

Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng tubig: ang Dios ng kaluwalhatian ay kumukulog, sa makatuwid baga'y ang Panginoon sa ibabaw ng maraming tubig.

Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan; ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kamahalan.

Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga cedro; Oo, pinagpuputolputol ng Panginoon ang mga cedro ng Libano.

Kaniya namang pinalulukso na gaya ng guya: ang Libano at Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.

Humahawi ng liyab ng apoy ang tinig ng Panginoon.

Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang: niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kades.

Pinapanganganak ng tinig ng Panginoon ang mga usa, at hinuhubdan ang mga gubat: at sa kaniyang templo ay nagsasabi ang bawa't bagay: kaluwalhatian.

10 Ang Panginoon ay naupo sa baha na parang Hari; Oo, ang Panginoon ay nauupong parang Hari magpakailan man.

11 Ang Panginoon ay magbibigay ng kalakasan sa kaniyang bayan; pagpapalain ng Panginoon ang kaniyang bayan ng kapayapaan.

Awit 8

Oh Panginoon, aming Panginoon, pagkarilag ng iyong pangalan sa buong lupa! na siyang naglagay ng inyong kaluwalhatian sa mga langit.

Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong itinatag ang kalakasan, dahil sa iyong mga kaaway, upang iyong patahimikin ang kaaway at ang manghihiganti.

Pagka binubulay ko ang iyong mga langit, ang gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inayos;

Ano ang tao upang iyong alalahanin siya? At ang anak ng tao, upang iyong dalawin siya?

Sapagka't iyong ginawa siyang kaunting mababa lamang kay sa Dios, at pinaputungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.

Iyong pinapagtataglay siya ng kapangyarihan sa mga gawa ng iyong mga kamay; iyong inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa:

Lahat na tupa at baka, Oo, at ang mga hayop sa parang;

Ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat, anomang nagdaraan sa mga kalaliman ng mga dagat.

Oh Panginoon, aming Panginoon, pagkarilag ng iyong pangalan sa buong lupa!

Awit 84

84 Kay iinam ng iyong mga tabernakulo, Oh Panginoon ng mga hukbo!

Ang kaluluwa ko'y aasamasam, oo, nanglulupaypay sa mga looban ng Panginoon; ang puso ko't laman ay dumadaing sa buhay na Dios.

Oo, ang maya ay nakasumpong ng bahay, at ang langaylangayan ay nagpugad para sa kaniya, na mapaglalapagan niya ng kaniyang inakay, sa makatuwid baga'y iyong mga dambana, Oh Panginoon ng mga hukbo, Hari ko, at Dios ko.

Mapalad silang nagsisitahan sa iyong bahay: kanilang pupurihin kang palagi. (Selah)

Mapalad ang tao na ang kalakasan ay nasa iyo; na may mga daan sa kaniyang puso na tungo sa Sion.

Na nagdaraan sa libis ng iyak na ginagawa nilang dako ng mga bukal; Oo, tinatakpan ng pagpapala ng maagang ulan.

Sila'y nagsisiyaon sa kalakasa't kalakasan, bawa't isa sa kanila ay napakikita sa harap ng Dios sa Sion.

Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, dinggin mo ang aking dalangin: pakinggan mo, Oh Dios ni Jacob. (Selah)

Masdan mo, Oh Dios na aming kalasag, at tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis.

10 Sapagka't isang araw sa iyong mga looban ay mabuti kay sa isang libo. Aking minagaling na maging tagatanod-pinto sa bahay ng aking Dios, kay sa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.

11 Sapagka't ang Panginoong Dios ay araw at kalasag: ang Panginoo'y magbibigay ng biyaya at kaluwalhatian: hindi siya magkakait ng anomang mabuting bagay sa nagsisilakad ng matuwid.

12 Oh Panginoon ng mga hukbo, mapalad ang tao na tumitiwala sa iyo.

Error: 'Karunungan ni Solomon 7:22-8:1' not found for the version: Ang Dating Biblia (1905)
2 Tesalonica 2:13-17

13 Nguni't kami ay nararapat magpasalamat sa Dios dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sa pagkakahirang sa inyo ng Dios buhat nang pasimula sa ikaliligtas sa pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan:

14 Sa kalagayang ito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming evangelio, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo.

15 Kaya nga, mga kapatid, kayo'y mangagpakatibay, at inyong panghawakan ang mga aral na sa inyo'y itinuro, maging sa pamamagitan ng salita, o ng aming sulat.

16 Ngayon ang ating Panginoong Jesucristo rin, at ang Dios na ating Ama na sa amin ay umibig at sa amin ay nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pagasa sa pamamagitan ng biyaya,

17 Aliwin nawa ang inyong puso, at patibayin kayo sa bawa't mabuting gawa at salita.

Mateo 7:7-14

Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan:

Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.

O anong tao sa inyo, ang kung siya'y hingan ng tinapay ng kaniyang anak, ay bato ang ibibigay;

10 O kung hingan siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas?

11 Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?

12 Kaya nga lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila: sapagka't ito ang sa kautusan at ang mga propeta.

13 Kayo'y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka't maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo'y nagsisipasok.

14 Sapagka't makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain