Book of Common Prayer
ALEPH.
119 Mapalad silang sakdal ang landas,
na sa kautusan ng Panginoon ay lumalakad!
2 Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo,
na hinahanap siya ng buong puso,
3 na hindi rin gumagawa ng kasamaan,
kundi lumalakad sa kanyang mga daan.
4 Iniutos mo ang iyong mga tuntunin,
upang masikap naming sundin.
5 O maging matatag nawa ang pamamaraan ko
sa pag-iingat ng mga tuntunin mo!
6 Kung gayo'y hindi ako mapapahiya,
yamang itinuon ko sa lahat ng iyong mga utos ang aking mga mata.
7 Pupurihin kita ng may matuwid na puso,
kapag aking natutunan ang matutuwid mong mga batas.
8 Aking tutuparin ang mga tuntunin mo;
O huwag mong ganap na talikuran ako!
BETH.
9 Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita nang buong puso ko;
O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Purihin ka, O Panginoon;
ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13 Ipinahahayag ng mga labi ko
ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14 Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
gaya ng lahat ng kayamanan.
15 Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
at igagalang ang mga daan mo.
16 Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
hindi ko kalilimutan ang iyong salita.
GIMEL.
17 Gawan ng mabuti ang iyong lingkod,
upang mabuhay ako, at sundin ang salita mo.
18 Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko,
ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo.
19 Ako'y isang dayuhan sa lupain,
huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
20 Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik
sa lahat ng panahon sa mga batas mo.
21 Iyong sinasaway ang mga walang galang,
ang mga sinumpa na lumalayo sa iyong mga utos.
22 Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo,
sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23 Bagaman ang mga pinuno ay umuupong nagsasabwatan laban sa akin;
ang lingkod mo'y magbubulay-bulay sa iyong mga tuntunin.
24 Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo,
ang mga iyon ay aking mga tagapayo.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Sheminith. Awit ni David.
12 Panginoon, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo,
sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao.
2 Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa,
sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya.
3 Nawa'y putulin ng Panginoon ang lahat ng mapanuyang mga labi,
ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki,
4 ang mga nagsasabi, “Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami,
ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?”
5 “Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan,
titindig na ako ngayon,” sabi ng Panginoon;
“Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi.”
6 Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita,
gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
na pitong ulit na dinalisay.
7 O Panginoon, sila ay iyong iingatan,
iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman.
8 Gumagala ang masasama sa bawat dako,
kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
13 O Panginoon, hanggang kailan? Kalilimutan mo ba ako magpakailanman?
Hanggang kailan mo ikukubli ang iyong mukha sa akin?
2 Hanggang kailan ako kukuha ng payo sa aking kaluluwa,
at magkaroon ng kalungkutan sa aking puso buong araw?
Hanggang kailan magtatagumpay ang aking kaaway laban sa akin?
3 O Panginoon kong Diyos, bigyang-pansin at sagutin mo ako,
ang aking mga mata'y paliwanagin mo, baka sa kamatayan matulog ako;
4 baka sabihin ng aking kaaway, “Laban sa kanya, ako'y nagtagumpay;”
sapagkat ako'y nayayanig; baka magalak ang aking kaaway.
5 Ngunit ako'y nagtiwala sa tapat mong paglingap,
sa iyong pagliligtas, puso ko'y magagalak.
6 Ako'y aawit sa Panginoon,
sapagkat ako'y pinakitunguhan niya na may kasaganaan.
Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.
14 Sinasabi(A) ng hangal sa kanyang puso, “Walang Diyos.”
Sila'y masasama, sila'y gumagawa ng kasuklamsuklam na mga gawa;
walang gumagawa ng mabuti.
2 Ang Panginoon ay nakadungaw mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
upang tingnan kung may sinumang kumikilos na may talino,
na hinahanap ang Diyos.
3 Silang lahat ay naligaw, sila ay pare-parehong naging masasama;
walang sinumang gumagawa ng mabuti,
wala kahit isa.
4 Hindi ba alam ng lahat ng gumagawa ng kasamaan,
na siyang kumakain sa aking bayan gaya ng kanilang pagkain ng tinapay,
at hindi tumatawag sa Panginoon?
5 Sa malaking pagkasindak sila'y malalagay,
sapagkat ang Diyos ay kasama ng salinlahi ng mga banal.
6 Ang panukala ng dukha sa kahihiyan ay ilalagay mo,
ngunit ang Panginoon ang kanyang saklolo.
7 Ang pagliligtas para sa Israel ay manggaling nawa mula sa Zion!
Kapag ang kayamanan ng kanyang bayan ay ibinalik ng Panginoon,
magagalak si Jacob, at matutuwa ang Israel.
17 Pumasok si Daniel sa kanyang bahay at ipinaalam ang pangyayari kina Hananias, Mishael, at Azarias na kanyang mga kaibigan.
18 Kanyang sinabihan sila na humingi ng awa sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang ito, upang si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay huwag mamatay na kasama ng ibang mga pantas ng Babilonia.
19 At ang hiwaga ay inihayag kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo'y pinuri ni Daniel ang Diyos sa langit.
20 Sinabi ni Daniel:
“Purihin ang pangalan ng Diyos magpakailanman,
sapagkat sa kanya ang karunungan at kapangyarihan.
21 Siya ang nagbabago ng mga panahon at mga kapanahunan;
siya'y nag-aalis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari;
siya'y nagbibigay ng karunungan sa marunong
at ng kaalaman sa may pang-unawa;
22 siya ang naghahayag ng malalalim at mahihiwagang bagay;
kanyang nalalaman kung ano ang nasa kadiliman,
at ang liwanag ay naninirahan sa kanya.
23 Sa iyo, O Diyos ng aking mga ninuno,
ako'y nagpapasalamat at nagpupuri,
sapagkat binigyan mo ako ng karunungan at kapangyarihan,
at ipinaalam mo sa akin ang aming hinihiling sa iyo;
sapagkat iyong ipinaalam sa amin ang nangyari sa hari.”
24 Kaya't pinuntahan ni Daniel si Arioc na siyang hinirang ng hari upang patayin ang mga pantas ng Babilonia at sinabi sa kanya ang ganito, “Huwag mong patayin ang mga pantas ng Babilonia; dalhin mo ako sa harapan ng hari, at aking ipapaalam sa hari ang kahulugan.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari
25 Nang magkagayo'y nagmamadaling dinala ni Arioc si Daniel sa harapan ng hari, at sinabi ang ganito sa kanya, “Ako'y nakatagpo sa mga bihag mula sa Juda ng isang lalaking makapagsasabi ng kahulugan sa hari.”
26 Sinabi ng hari kay Daniel na ang pangalan ay Belteshasar, “Kaya mo bang ipaalam sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan nito?”
27 Si Daniel ay sumagot sa hari, “Walang pantas, mga engkantador, o mga salamangkero man ang makapagpapakita sa hari ng hiwaga na hiningi ng hari.
28 Ngunit may isang Diyos sa langit na naghahayag ng mga hiwaga, at kanyang ipinaalam sa Haring Nebukadnezar kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang iyong panaginip at pangitain habang ikaw ay nakahiga sa higaan ay ang mga ito:
29 Tungkol sa iyo, O hari, habang ikaw ay nasa iyong higaan ay bumaling ang iyong mga pag-iisip kung ano ang mangyayari sa hinaharap; at siya na naghahayag ng mga hiwaga ay ipinaalam sa iyo kung ano ang mangyayari.
30 Ngunit tungkol sa akin, ang hiwagang ito ay hindi ipinahayag sa akin dahil sa anumang higit na karunungan mayroon ako kaysa sinumang may buhay, kundi upang ang kahulugan ay maipaalam sa hari, at upang iyong maunawaan ang mga nilalaman ng iyong isipan.
12 Mga munting anak, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat ipinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan.
13 Mga ama, kayo'y sinusulatan ko,
sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula.
Mga kabataang lalaki, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong dinaig ang masama.
14 Mga anak, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong nakilala ang Ama.
Mga ama, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula.
Mga kabataan, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat kayo'y malalakas,
at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo, at inyong dinaig ang masama.
15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang pag-ibig ng Ama ay wala sa sinumang umiibig sa sanlibutan.
16 Sapagkat ang lahat na nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay, ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan.
17 Ang sanlibutan at ang pagnanasa nito ay lumilipas, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.
20 Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita,
21 upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako'y sa iyo, sana sila'y manatili sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.
22 At ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.
23 Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang sila'y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila'y iyong minahal kung paanong ako'y iyong minahal.
24 Ama, nais kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang makita nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat ako'y iyong minahal bago pa natatag ang sanlibutan.
25 O Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita, at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin.
26 Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo, at aking ipapakilala, upang ang pag-ibig mo sa akin ay mapasakanila, at ako'y sa kanila.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001