Book of Common Prayer
14 Ngunit paano sila tatawag sa hindi nila sinampalatayanan? Paano naman sila sasampalataya sa hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral? 15 At (A) paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? Gaya ng nasusulat, “Napakaganda ng mga paang nagdadala ng mabuting balita!” 16 Subalit (B) hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?” 17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang naririnig ay sa pamamagitan ng pangangaral ng salita ni Cristo.[a] 18 Ngunit (C) sinasabi ko, hindi ba't narinig nila? Talagang narinig nila, ayon sa nasusulat,
“Umabot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
lumaganap ang kanilang mga salita hanggang sa dulo ng daigdig.”
19 Ngunit (D) ang tanong ko, hindi ba nauunawaan ng Israel? Una, sinasabi sa pamamagitan ni Moises,
“Pagseselosin ko kayo sa pamamagitan nila na hindi naman bansa,
gagalitin ko kayo sa pamamagitan ng isang bansang walang pagkaunawa.”
20 At (E) sa pamamagitan ni Isaias ay buong tapang na sinasabi,
“Natagpuan ako ng mga taong hindi humahanap sa akin;
Nagpakita ako sa mga taong hindi naman ako ipinagtatanong.”
21 Subalit (F) tungkol naman sa Israel ay sinasabi niya, “Mga kamay ko'y nag-aanyaya buong araw sa isang matigas ang ulo at suwail na bayan!”
Si Jesus ang Mabuting Pastol
10 “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, sinumang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi dumadaan sa pintuan nito kundi sa ibang daan ay magnanakaw at tulisan. 2 Ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. 3 Ang bantay sa pinto ang nagbubukas para sa kanya, at ang mga tupa ay nakikinig sa tinig niya. Tinatawag niya ang sarili niyang mga tupa sa pangalan at siya ang naglalabas sa kanila. 4 Matapos niyang dalhin sa labas ang lahat ng kanya, pinangungunahan niya sila, at sumusunod sila sa kanya dahil kilala nila ang tinig niya. 5 Hinding-hindi sila susunod sa hindi nila kakilala, kundi tatakbo silang papalayo sa kanya sapagkat hindi nila nakikilala ang tinig ng iba.” 6 Gumamit si Jesus ng ganitong talinghaga sa kanila, subalit hindi nila naintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin.
7 Kaya’t sinabi muli ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa. 8 Ang lahat ng dumating na nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan; ngunit ang mga tupa ay hindi nakinig sa kanila. 9 Ako ang pintuan. Sinumang pumapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay papasok at lalabas at makatatagpo ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at sumira. Dumating ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang sagana. 11 (A)Ako ang mabuting pastol. Ang mabuting pastol ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang taong upahan ay hindi pastol at hindi rin siya ang may-ari ng mga tupa. Kapag nakikita niyang dumarating ang asong gubat, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakbong papalayo. Sinasakmal ng asong gubat ang mga ito at pinagwawatak-watak sila. 13 Tumatakbo ang taong upahan dahil wala siyang malasakit sa mga tupa. 14 (B)Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at ako’y kilala nila, 15 kung paanong ako’y kilala ng Ama at siya’y kilala ko; at iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16 Ngunit mayroon pa akong ibang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kailangang dalhin ko rin sila rito at makikinig sila sa tinig ko. Sa gayon, magkakaroon ng iisang kawan at iisang pastol. 17 Dahil dito, minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang muli ko itong kunin. 18 Walang kumukuha nito sa akin, subalit iniaalay ko ito nang kusang-loob. Mayroon akong kapangyarihang ialay ito, at mayroon din akong kapangyarihang bawiin ito. Tinanggap ko ang utos na ito mula sa aking Ama.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.