Book of Common Prayer
Panalangin ng Pasasalamat dahil sa Tagumpay
118 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sabihin ngayon ng Israel,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
3 Sabihin ngayon ng sambahayan ni Aaron,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
4 Sabihin ngayon ng mga natatakot sa Panginoon,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
5 Tumawag ako sa Panginoon mula sa aking pagkabalisa,
sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako sa maluwag na dako.
6 Ang(B) Panginoon ay para sa akin, hindi ako matatakot.
Anong magagawa ng tao sa akin?
7 Ang Panginoon ay kakampi ko, kasama ng mga tumutulong sa akin,
ako'y titinging may pagtatagumpay sa mga napopoot sa akin.
8 Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
kaysa magtiwala sa tao.
9 Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
kaysa magtiwala sa mga pinuno.
10 Pinalibutan ako ng lahat ng mga bansa;
sa pangalan ng Panginoon, tiyak na pupuksain ko sila.
11 Pinalibutan nila ako, oo, pinalibutan nila ako,
sa pangalan ng Panginoon, sila ay tiyak na pupuksain ko.
12 Pinalibutan nila akong gaya ng mga pukyutan,
sila'y nasunog na parang apoy ng mga dawagan;
sa pangalan ng Panginoon sila'y tiyak na pupuksain ko.
13 Itinulak mo ako nang malakas, anupa't ako'y malapit nang mabuwal,
ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang(C) Panginoon ay aking awit at kalakasan,
at siya'y naging aking kaligtasan.
15 Ang tunog ng masayang sigawan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid:
“Ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan,
16 ang kanang kamay ng Panginoon ay parangalan,
ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan!”
17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay,
at ang mga gawa ng Panginoon ay isasalaysay.
18 Pinarusahan akong mabuti ng Panginoon;
ngunit hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.
19 Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran;
upang ako'y makapasok doon
at makapagpasalamat sa Panginoon.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon;
ang matuwid ay papasok doon.
21 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat sinagot mo ako
at ikaw ay naging kaligtasan ko.
22 Ang(D) (E) batong itinakuwil ng mga nagtayo,
ay naging panulok na bato.
23 Ito ang gawa ng Panginoon;
ito ay kagila-gilalas sa ating mga mata.
24 Ito ang araw na ang Panginoon ang gumawa,
tayo'y magalak at matuwa.
25 O(F) Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, ikaw ay magligtas!
O Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, magsugo ka ng kaginhawahan.
26 Mapalad(G) siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Pinupuri ka namin mula sa bahay ng Panginoon.
27 Ang Panginoon ay Diyos, at binigyan niya kami ng liwanag!
Talian ninyo ang hain ng mga panali,
sa mga sungay ng dambana.
28 Ikaw ay aking Diyos, at ako'y magpapasalamat sa iyo;
ikaw ay aking Diyos, ikaw ay pupurihin ko.
29 O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman!
Awit ng Papuri. Kay David.
145 Aking Diyos at Hari, ika'y aking papupurihan,
at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailanpaman.
2 Pupurihin kita araw-araw,
at pupurihin ko ang pangalan mo magpakailanpaman.
3 Dakila ang Panginoon, at sa papuri'y lubhang karapat-dapat,
at ang kanyang kadakilaan ay hindi masukat.
4 Ipagmamalaki ng isang salinlahi sa kasunod nito ang iyong mga gawa,
at ipahahayag ang iyong mga gawang dakila.
5 Sa maluwalhating kaningningan ng iyong karangalan,
at sa iyong kahanga-hangang mga gawa, ako'y magbubulay-bulay.
6 Ipahahayag ng mga tao ang kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa;
at akin namang ipahahayag ang iyong kadakilaan.
7 Kanilang sabik na sasambitin ang alaala ng iyong masaganang kabutihan,
at isisigaw nang malakas ang iyong katuwiran.
8 Ang Panginoon ay mapagpala at punô ng awa,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
9 Ang Panginoon ay mabuti sa lahat;
at ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa.
10 Lahat mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa iyo,
at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo!
11 Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian,
at ibabalita ang iyong kapangyarihan;
12 upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong[a] mga gawang makapangyarihan,
at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat ng nalulugmok,
at itinatayo ang lahat ng nakayukod.
15 Ang mga mata ng lahat sa iyo ay nakatingin,
at ibinibigay mo sa kanila sa tamang panahon ang kanilang pagkain.
16 Binubuksan mo ang iyong kamay,
binibigyang-kasiyahan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.
17 Ang Panginoon ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya,
at mabait sa lahat niyang mga gawa.
18 Ang Panginoon ay malapit sa lahat ng sa kanya'y nananawagan,
sa lahat ng tumatawag sa kanya sa katotohanan.
19 Kanyang ibinibigay ang nasa ng lahat ng natatakot sa kanya;
kanya ring dinirinig ang kanilang daing, at inililigtas sila.
20 Iniingatan ng Panginoon ang lahat ng umiibig sa kanya;
ngunit lahat ng masama ay lilipulin niya.
21 Ang aking bibig ay magsasalita ng papuri sa Panginoon;
at pupurihin ng lahat ng laman ang kanyang banal na pangalan magpakailanpaman.
16 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Huwag ninyong pakinggan ang mga salita ng mga propeta na nagpapahayag sa inyo na kayo'y pinupuno ng mga walang kabuluhang pag-asa. Sila'y nagsasalita ng pangitain mula sa kanilang sariling isipan, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.
17 Patuloy nilang sinasabi sa mga humahamak sa akin, sinabi ng Panginoon, ‘Magkakaroon kayo ng kapayapaan’; at sa bawat isa na may katigasang sumusunod sa kanyang sariling puso ay sinasabi nila, ‘Walang kasamaang darating sa inyo.’”
18 Sapagkat sino ang tumayo sa sanggunian ng Panginoon,
upang malaman at pakinggan ang kanyang salita,
o sinong pumansin sa kanyang salita at nakinig?
19 Narito, ang bagyo ng Panginoon
sa poot ay lumabas,
isang paikut-ikot na unos;
ito'y sasabog sa ulo ng masama.
20 Ang galit ng Panginoon ay hindi babalik,
hanggang sa kanyang maigawad at maisagawa
ang mga layunin ng kanyang pag-iisip.
Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito nang maliwanag.
21 “Hindi ko sinugo ang mga propeta,
gayunma'y nagsitakbo sila;
ako'y hindi nagsalita sa kanila,
gayunma'y nagpahayag sila ng propesiya.
22 Ngunit kung sila'y tumayo sa aking sanggunian,
kanila sanang naipahayag ang aking mga salita sa aking bayan,
at kanila sanang naihiwalay sila sa kanilang masamang lakad,
at sa kasamaan ng kanilang mga gawa.
23 “Ako ba'y Diyos lamang sa malapit at hindi sa malayo? sabi ng Panginoon.
24 Makapagtatago ba ang isang tao sa mga lihim na dako upang hindi ko siya makita? sabi ng Panginoon. Hindi ba pinupuno ko ang langit at ang lupa? sabi ng Panginoon.
25 Narinig ko kung ano ang sinabi ng mga propeta na nagpahayag ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip!’
26 Hanggang kailan magkakaroon ng kasinungalingan sa puso ng mga propeta na nagpapahayag ng mga kasinungalingan at ng daya ng kanilang sariling puso,
27 na nag-aakalang ipalilimot sa aking bayan ang aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasabi nila sa isa't isa, gaya ng kanilang mga ninuno na lumimot sa aking pangalan dahil kay Baal?
28 Hayaang ang propeta na may panaginip ay isalaysay ang panaginip; ngunit siya na may taglay ng aking salita ay bigkasin niya ang aking salita na may katapatan. Anong pagkakahawig mayroon ang dayami sa trigo? sabi ng Panginoon.
29 Hindi ba ang aking salita ay parang apoy at parang maso na dumudurog ng bato? sabi ng Panginoon.
30 Kaya't ako'y laban sa mga propeta na ninanakaw ang aking mga salita sa kanyang kapwa, sabi ng Panginoon.
31 Ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na ginagamit ang kanilang mga dila at nagsasabi, ‘Sinasabi ng Panginoon.'
32 Ako'y laban sa kanila na ang propesiya ay mga sinungaling na panaginip na nagsasalaysay ng mga iyon, at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan at kawalang-ingat, gayong hindi ko sila sinugo, o inatasan man sila. Kaya't wala silang anumang pakinabang na dulot sa bayang ito, sabi ng Panginoon.
19 Sapagkat bagaman malaya ako sa lahat ng mga tao, ay nagpaalipin ako sa lahat, upang higit na marami ang aking mahikayat.
20 Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng isang Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng isang nasa ilalim ng kautusan, bagaman ako ay wala sa ilalim ng kautusan upang aking mahikayat ang mga nasa ilalim ng kautusan.
21 Sa mga nasa labas ng kautusan, ako ay naging tulad sa walang kautusan, bagama't hindi ako malaya mula sa kautusan sa Diyos kundi nasa ilalim ng kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga nasa labas ng kautusan.
22 Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay makapagligtas ako ng ilan.
23 Ginawa ko ang lahat ng mga bagay dahil sa ebanghelyo, upang ako'y magkaroon ng bahagi sa mga pagpapala nito.
24 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga tumatakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Kaya't tumakbo kayo sa gayong paraan upang iyon ay inyong mapagwagian.
25 Ang bawat nakikipaglaban sa mga palaro ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng mga bagay; ginagawa nila iyon upang sila ay makatanggap ng isang korona na may pagkasira, ngunit tayo'y sa walang pagkasira.
26 Kaya't ako'y tumatakbo na hindi gaya ng walang katiyakan; hindi ako sumusuntok na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin.
27 Ngunit sinusupil ko ang aking katawan, at ginagawa itong alipin, upang pagkatapos na makapangaral ako sa iba, ako mismo ay hindi itakuwil.
Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
31 Pagkatapos ay pinasimulan niyang ituro sa kanila na ang Anak ng Tao ay kinakailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda, ng mga punong pari, at ng mga eskriba, at patayin at pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay.
32 At maliwanag na sinabi niya ang salitang ito. Inilayo siya ni Pedro at pinasimulang siya'y sawayin.
33 Subalit paglingon niya at pagtingin sa kanyang mga alagad, sinaway niya si Pedro at sinabi, “Umalis ka diyan,[a] Satanas! Sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay na ukol sa tao.”
34 Tinawag(B) niya ang maraming tao pati ang kanyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, siya ay tumanggi sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.
35 Sapagkat(C) ang sinumang nagnanais iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas iyon.
36 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay?
37 Sapagkat anong maibibigay ng tao na kapalit ng kanyang buhay?
38 Sapagkat ang sinumang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng Tao, pagdating niyang nasa kaluwalhatian ng kanyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.”
9 Sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001