Book of Common Prayer
13 Nangangahulugan bang ang mabuting bagay ang nagdulot sa akin ng kamatayan? Huwag nawang mangyari! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting Kautusan. Nangyari ito upang ipakita ang kasalanan bilang kasalanan, at upang sa pamamagitan ng Kautusan ay mapatunayan na ang kasalanan ay napakasama.
14 Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, at aliping ipinagbili sa kasalanan. 15 Hindi (A) ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat kung ano ang nais kong gawin ay hindi ko ginagawa, at kung ano ang kinamumuhian kong gawin ay siya namang aking ginagawa. 16 At kung ginagawa ko ang hindi ko nais, sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. 17 Kung gayon, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 18 Alam kong walang anumang mabuting naninirahan sa aking likas na pagkatao. Sapagkat ang pagnanais na gumawa ng mabuti ay nasa akin, ngunit hindi ko ito maisagawa. 19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuti na nais kong gawin, kundi ang masama na ayaw kong gawin ang aking ginagawa. 20 At kung ang ayaw kong gawin ang aking ginagawa, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 21 Kaya nga natuklasan ko ang isang tuntunin: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit sa akin. 22 Sa kaloob-looban ng aking pagkatao ay nasisiyahan ako sa Kautusan ng Diyos. 23 Subalit may nakikita akong ibang kautusan sa mga bahagi ng aking pagkatao na nakikipaglaban sa kautusan ng aking pag-iisip, at binibihag ako sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking pagkatao. 24 Napakalungkot kong tao! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawang ito na nagdudulot ng kamatayan? 25 Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Kaya nga, sa aking isip ako ay alipin sa Kautusan ng Diyos, ngunit sa aking laman ako'y alipin sa kautusan ng kasalanan.
16 Kinagabihan, pumunta sa lawa ang kanyang mga alagad. 17 Sumakay sila ng bangka at nagsimulang baybayin ang lawa patungong Capernaum. Madilim na noon, at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus. 18 Lumaki ang alon sa lawa dahil sa malakas na ihip ng hangin. 19 Nang makasagwan sila nang lima hanggang anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig ng lawa papalapit sa bangka, at sila'y natakot. 20 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!” 21 Kaya pinasakay nila si Jesus sa bangka; at nakarating agad ang bangka sa lugar na kanilang pupuntahan.
22 Kinabukasan, nakita ng mga taong nakatayo sa kabilang dako ng lawa na isang bangka lamang ang naroon. Nakita din nilang hindi sumama si Jesus sa bangkang iyon nang umalis ang kanyang mga alagad. 23 Gayunman, may mga bangka mula sa Tiberias na dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24 Kaya nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus pati ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at pumuntang Capernaum upang hanapin si Jesus. 25 At nang matagpuan nila si Jesus sa ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan pa kayo rito?” 26 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako hindi dahil nakakita kayo ng mga himala, kundi dahil nabusog kayo sa tinapay. 27 (A)Huwag kayong magpagod para sa pagkaing nabubulok, kundi para sa pagkaing nananatili tungo sa buhay na walang hanggan, na siyang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.