Book of Common Prayer
4 Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay sumusuway din sa Kautusan. Sa katunayan, ang pagsuway sa kautusan ay kasalanan. 5 Nalalaman ninyo na nahayag ang Anak upang alisin ang mga kasalanan, at sa kanya ay walang kasalanang matatagpuan. 6 Ang sinumang nananatili sa kanya ay hindi patuloy na nagkakasala; ang sinumang patuloy na nagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala sa kanya. 7 Mga anak, huwag kayong magpalinlang kaninuman. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, katulad ni Cristo na matuwid. 8 Ang patuloy na gumagawa ng kasalanan ay kakampi ng diyablo, sapagkat sa simula pa ay nagkakasala na ang diyablo. Ito ang dahilan na nahayag ang Anak ng Diyos: upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. 9 Ang bawat taong anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan, sapagkat nananatili sa kanya ang binhi ng Diyos. Hindi niya kayang magpatuloy sa pagkakasala sapagkat anak siya ng Diyos. 10 Sa ganitong paraan mahahayag ang pagkakaiba ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng diyablo: ang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, gayundin ang hindi umiibig sa kanyang kapatid.
7 Kaya’t sinabi muli ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa. 8 Ang lahat ng dumating na nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan; ngunit ang mga tupa ay hindi nakinig sa kanila. 9 Ako ang pintuan. Sinumang pumapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay papasok at lalabas at makatatagpo ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at sumira. Dumating ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang sagana. 11 (A)Ako ang mabuting pastol. Ang mabuting pastol ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang taong upahan ay hindi pastol at hindi rin siya ang may-ari ng mga tupa. Kapag nakikita niyang dumarating ang asong gubat, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakbong papalayo. Sinasakmal ng asong gubat ang mga ito at pinagwawatak-watak sila. 13 Tumatakbo ang taong upahan dahil wala siyang malasakit sa mga tupa. 14 (B)Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at ako’y kilala nila, 15 kung paanong ako’y kilala ng Ama at siya’y kilala ko; at iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16 Ngunit mayroon pa akong ibang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kailangang dalhin ko rin sila rito at makikinig sila sa tinig ko. Sa gayon, magkakaroon ng iisang kawan at iisang pastol.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.