Book of Common Prayer
Mga Dapat na Katangian ng mga Tagapangasiwa ng Iglesya
3 Mapagkakatiwalaan ang salitang ito: “Ang nagnanais maging tagapangasiwa[a] ay naghahangad ng marangal na gawain.” 2 Kaya nga, dapat walang maipipintas sa isang tagapangasiwa, asawa ng iisang babae, marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, may magandang loob sa panauhin, at may kakayahang magturo. 3 Hindi siya dapat naglalasing, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi. 4 Dapat ay mahusay siyang mamahala sa kanyang sariling sambahayan, tinitiyak niyang sinusunod at iginagalang siya ng kanyang mga anak. 5 Kung hindi siya marunong mamahala sa kanyang sariling sambahayan, paano niya mapapangasiwaan nang maayos ang iglesya ng Diyos? 6 Dapat ay hindi siya baguhang mananampalataya; sapagkat baka siya'y yumabang at mapahamak gaya ng sinapit ng diyablo. 7 Kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi mananampalataya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.
Mga Dapat na Katangian ng mga Tagapaglingkod ng Iglesya
8 Ang mga tagapaglingkod[b] naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat sa kanyang salita, hindi naglalasing at hindi sakim sa salapi. 9 Kailangang matibay ang kanilang paninindigan sa pananampalataya nang may malinis na budhi. 10 Kailangang patunayan muna nila ang kanilang sarili, at saka hahayaang maging tagapaglingkod kung mapatunayang karapat-dapat. 11 Ang mga kababaihan nama'y dapat maging kagalang-galang, hindi tsismosa, kundi mapagtimpi at mapagkakatiwalaan sa lahat ng mga bagay. 12 Ang tagapaglingkod ay asawa ng iisang babae, at maayos na mamahala ng kanyang mga anak at sariling sambahayan. 13 Igagalang ng mga tao ang mga tagapaglingkod na tapat sa kanilang tungkulin, kasama na ang kanilang pananampalataya kay Cristo Jesus.
Ang Hiwaga ng ating Pananampalataya
14 Umaasa akong makapupunta ako sa iyo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko sa iyo ang mga ito 15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung paano ang dapat maging ugali ng bawat kaanib sa sambahayan ng Diyos, na siyang iglesya ng buháy na Diyos, haligi at sandigan ng katotohanan. 16 Sadyang dakila ang hiwaga ng ating sinasampalatayanan:
Pag-aalinlangan sa Awtoridad ni Jesus(A)
27 Muli silang pumunta sa Jerusalem. Habang naglalakad si Jesus sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga tagapagturo ng Kautusan, at ang matatandang pinuno. 28 Nagtanong sila sa kanya, “Ano ang kapangyarihan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang gawin ito?” 29 Sinabi ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga ito. 30 Ang bautismo ni Juan, ito ba'y mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.” 31 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa langit, itatanong niya sa atin kung bakit hindi tayo naniwala kay Juan. 32 Ngunit sasabihin ba nating mula sa mga tao?” Natatakot sila sa mga taong bayan sapagkat naniniwala silang lahat na si Juan ay tunay na propeta. 33 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang kapangyarihan kong gawin ang mga ito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Katiwala(B)
12 Nagsimulang (C) magsalita si Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. “May isang taong nagtanim ng mga ubas sa kanyang bukirin. Binakuran niya ang ubasan, humukay ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng mataas na bantayan. Pagkatapos, pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka, bago siya nagpunta sa ibang lupain. 2 Nang dumating na ang panahon ng pag-aani, sinugo niya ang isa niyang alipin upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi mula sa mga bunga ng ubasan. 3 Ngunit sapilitang kinuha ng mga magsasaka ang alipin, binugbog at pinaalis na walang dala. 4 Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito'y kanilang hinampas sa ulo at hiniya. 5 Nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba. Binugbog ang iba at ang iba nama'y pinatay. 6 Iisa na lamang ang maaaring isugo ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Sa dakong huli'y pinapunta nga niya ito, at iniisip, ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 7 Ngunit nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 8 Kaya't sapilitan nilang kinuha ang anak at pinatay, pagkatapos ay itinapon sa labas ng ubasan. 9 Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasaka, at ang ubasan ay ibibigay sa iba. 10 Hindi (D) pa ba ninyo nabasa ang kasulatang ito:
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong panulukan.
11 Ito'y gawa ng Panginoon,
at sa ati'y kahanga-hangang pagmasdan’?”
12 Nang mabatid nilang sinabi ni Jesus ang talinghagang ito laban sa kanila, pinagsikapan nilang siya'y dakpin. Ngunit natakot sila sa maraming tao, kaya umalis sila at iniwan si Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.