Book of Common Prayer
3 Sa pamamagitan nito, natitiyak nating kilala natin siya, kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. 4 Ang sinumang nagsasabing, “Kilala ko ang Diyos,” subalit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay isang sinungaling; wala sa taong iyon ang katotohanan. 5 Ngunit ang sinumang tumutupad sa salita ng Diyos, magiging ganap ang kanyang pag-ibig sa Diyos. Sa pamamagitan nito ay matitiyak natin na tayo ay nasa kanya. 6 Ang sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay kung paano namuhay si Jesus.
Ang Bagong Utos
7 Mga minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo. Sa halip, ito ay dating utos na tinanggap na ninyo noong una pa man. Ang utos na ito'y ang salita na inyo nang narinig. 8 Gayunman, bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, na totoong nasa kanya at nasa inyo, sapagkat ang kadiliman ay naglalaho at ang tunay na liwanag ay tumatanglaw na. 9 Ang sinumang nagsasabing siya ay nasa liwanag subalit napopoot naman siya sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. 10 Ang sinumang nagmamahal sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at hindi siya matitisod sa anuman. 11 Ngunit ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman, at namumuhay pa sa kadiliman. Hindi niya alam kung saan siya pumupunta sapagkat binulag siya ng kadiliman.
12 (A)At muling nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan; ang sumusunod sa akin kailanma'y hindi mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.” 13 (B)Kaya sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka para sa iyong sarili; hindi tunay ang iyong patotoo.” 14 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Kahit na nagpapatotoo ako para sa aking sarili, ang patotoo ko ay tunay, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta, ngunit hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humuhusga kayo nang naaayon sa laman, ako'y hindi humuhusga kanino man. 16 Ngunit kahit na humusga ako, ang paghuhusga ko ay totoo, sapagkat hindi lang ako mag-isang humuhusga, kundi ako at siya na nagsugo sa akin. 17 (C)Nakasulat sa inyong batas na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18 Nagpapatotoo ako sa sarili ko, at ang Ama na nagsugo sa akin ang nagpapatotoo tungkol sa akin.” 19 Dahil dito ay sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako nakikilala, maging ang aking Ama; kung kilala ninyo ako, kilala ninyo rin sana ang Ama ko.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.