Book of Common Prayer
Ang Pag-ibig ng Dios
103 Pupurihin ko ang Panginoon!
Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
2 Pupurihin ko ang Panginoon,
at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
3 Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
4 Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
5 Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.
6 Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
7 Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
8 Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
9 Hindi siya palaging nanunumbat,
at hindi nananatiling galit.
10 Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan.
Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang.
11 Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa,
ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak,
ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya.
14 Dahil alam niya ang ating kahinaan,
alam niyang nilikha tayo mula sa lupa.
15 Ang buhay ng tao ay tulad ng damo.
Tulad ng bulaklak sa parang, itoʼy lumalago.
16 At kapag umiihip ang hangin,
itoʼy nawawala at hindi na nakikita.
17-18 Ngunit ang pag-ibig ng Panginoon ay walang hanggan sa mga may takot sa kanya, sa mga tumutupad ng kanyang kasunduan, at sa mga sumusunod sa kanyang mga utos.
At ang kanyang katuwirang ginagawa ay magpapatuloy sa kanilang mga angkan.
19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa kalangitan,
at siyaʼy naghahari sa lahat.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong makapangyarihan niyang mga anghel na nakikinig at sumusunod sa kanyang mga salita.
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa langit na naglilingkod sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban.
22 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa lahat ng dako na kanyang pinaghaharian.
Purihin ang Panginoon!
Awit tungkol sa Paglabas ng mga Israelita sa Egipto
114 Nakatira noon ang mga taga-Israel na lahi ni Jacob sa Egipto,
na kung saan iba ang wika ng mga tao.
2 Nang papalabas na sila sa Egipto, ginawa ng Dios na banal na lugar ang Juda,
at ang Israel ay kanyang pinamunuan.
3 Ang Dagat na Pula ay nahawi at ang Ilog ng Jordan ay tumigil sa pag-agos.
4 Nayanig ang mga bundok at burol,
na parang mga lumulundag na kambing at mga tupa.
5 Bakit nahawi ang Dagat na Pula,
at tumigil sa kanyang pag-agos ang Ilog ng Jordan?
6 Bakit nayayanig ang mga bundok at mga burol,
na parang lumulundag na mga kambing at tupa?
7 Nayayanig ang mundo sa presensya ng Panginoong Dios ni Jacob,
8 na siyang gumawa sa matigas na bato upang maging imbakan ng tubig at naging bukal na umaagos.
Iisa ang Tunay na Dios
115 Panginoon, hindi kami ang dapat na parangalan,
kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
2 Bakit kami kinukutya ng ibang bansa at sinasabi nilang,
“Nasaan na ang inyong Dios?”
3 Ang aming Dios ay nasa langit,
at ginagawa niya ang kanyang nais.
4 Ngunit ang kanilang mga dios ay yari sa pilak at ginto na gawa lang ng tao.
5 May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita;
may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
6 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig;
may ilong, ngunit hindi nakakaamoy.
7 May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak;
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at kahit munting tinig ay wala kang marinig.
8 Ang mga gumawa ng mga dios-diosan at nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito.
9-10 Kayong mga mamamayan ng Israel at kayong mga angkan ni Aaron,
magtiwala kayo sa Panginoon.
Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
11 Kayong mga may takot sa Panginoon,
magtiwala kayo sa kanya.
Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
12 Hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon,
pagpapalain niya ang mga mamamayan ng Israel at ang mga angkan ni Aaron.
13 Pagpapalain niya ang lahat ng may takot sa kanya, dakila man o aba.
14 Paramihin sana kayo ng Panginoon,
kayo at ang inyong mga angkan.
15 Sanaʼy pagpalain kayo ng Panginoon na lumikha ng langit at ng lupa.
16 Ang kalangitan ay sa Panginoon, ngunit ang mundo ay ipinagkatiwala niya sa mga tao.
17 Ang mga patay ay hindi na makakapagpuri sa Panginoon, dahil sila ay nananahimik na.
18 Tayong mga buhay ang dapat magpuri sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
3-4 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios, “Binihag kayo na parang mga taong ipinagbili bilang alipin na walang bayad, kaya tutubusin ko kayo ng wala ring bayad. Pumunta kayo noon sa Egipto upang doon manirahan at inapi kayo roon. At noong huli inapi rin kayo ng Asiria. 5 Ngayon, ano na naman ang nangyari sa inyo? Binihag kayo ng Babilonia na parang wala ring bayad. Pinamahalaan nila kayo at nilait. Maging ako ay lagi rin nilang nilalapastangan. 6 Pero darating ang araw na malalaman ninyo kung sino ako, dahil ako mismo ang nagsasalita sa inyo. Oo, ako nga.”
Ang Sulat para sa Iglesya sa Efeso
2 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Efeso:
“Ito ang mensahe ng may hawak ng pitong bituin sa kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto: 2 Alam ko ang mga ginagawa ninyo pati ang inyong mga pagsisikap at pagtitiyaga. Alam ko rin na hindi ninyo kinukunsinti ang masasamang tao. Siniyasat ninyo ang mga nagpapanggap na apostol, at napatunayan ninyong mga sinungaling sila. 3 Tiniis ninyo ang mga kahirapan dahil sa pananampalataya ninyo sa akin, at hindi kayo nanghina. 4 Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: ang inyong pag-ibig sa akin ngayon ay hindi na tulad ng dati. 5 Alalahanin ninyo kung gaano kayo nanamlay sa pananampalataya. Magsisi kayo sa mga kasalanan ninyo at gawing muli ang dati ninyong ginagawa. Kung hindi, pupuntahan ko kayo at kukunin ang inyong ilawan. 6 Ngunit ito ang gusto ko sa inyo: kinasusuklaman ninyo ang mga ginagawa ng mga Nicolaita,[a] na kinasusuklaman ko rin.
7 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.
“Ang magtatagumpay ay papayagan kong kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay. Ang punong ito ay nasa paraiso ng Dios.”
Ang Kasalan sa Cana
2 Pagkalipas ng dalawang araw, may ginanap na kasalan sa bayan ng Cana na sakop ng Galilea. Naroon ang ina ni Jesus. 2 Inimbita rin si Jesus at ang mga tagasunod niya. 3 Nang maubos ang alak sa handaan, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.” 4 Sumagot si Jesus, “Babae,[a] huwag po ninyo akong pangunahan. Hindi pa po dumarating ang panahon ko.” 5 Sinabi ng ina ni Jesus sa mga katulong, “Sundin ninyo ang anumang iutos niya.”
6 May anim na tapayan doon na ginagamit ng mga Judio sa ritwal nilang paghuhugas.[b] Ang bawat tapayan ay naglalaman ng 20 hanggang 30 galon ng tubig. 7 Sinabi ni Jesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila ang mga ito. 8 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumalok kayo at dalhin sa namamahala ng handaan.” Sumalok nga sila at dinala sa namamahala. 9 Tinikman ng namamahala ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang alak. (Pero alam ito ng mga katulong na sumalok ng tubig.) Kaya ipinatawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, “Karaniwan, ang pinakamainam na alak muna ang inihahanda, at kapag marami nang nainom ang mga tao, saka naman inilalabas ang ordinaryong alak. Pero iba ka, dahil ngayon mo lang inilabas ang espesyal na alak.”
11 Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea ay ang unang himala na ginawa ni Jesus. Sa ginawa niyang ito, ipinakita niya ang kanyang kapangyarihan, at sumampalataya sa kanya ang mga tagasunod niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®