Book of Common Prayer
Ang Nakasakay sa Puting Kabayo
11 Pagkatapos, (A) nakita kong bumukas ang langit, at doon ay lumitaw ang isang puting kabayo. Tapat at Totoo ang tawag sa nakasakay dito, at makatarungan siyang humahatol at nakikipagdigma. 12 Ang (B) mga mata niya ay parang ningas ng apoy, at sa ulo niya ay maraming korona. Mayroon sa kanyang nakasulat na pangalan na siya lamang ang nakakaalam. 13 Ang (C) suot niyang damit ay itinubog sa dugo, at siya'y tinatawag sa pangalang Ang Salita ng Diyos. 14 At ang mga hukbo ng langit na nakasuot ng pinong lino, puti at dalisay ay sumusunod sa kanya; sila'y nakasakay sa mga puting kabayo. 15 Mula (D) sa kanyang bibig ay lumalabas ang isang matalas na tabak na pantaga sa mga bansa, at siya ay maghahari sa kanila gamit ang tungkod na bakal. Tatapak-tapakan niya ang mga ubas sa pisaan upang lumabas ang katas ng bagsik ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 Sa kanyang damit at hita ay may nakasulat na pangalan, “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
17 Pagkatapos, nakita (E) ko ang isang anghel na nakatayo sa araw, at siya'y sumigaw ng malakas na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa himpapawid, “Halikayo, magsama-sama kayo upang dumalo sa malaking piging na inihanda ng Diyos. 18 Halikayo at kainin ninyo ang karne ng mga hari, ang karne ng mga kapitan, ang karne ng mga taong makapangyarihan, ang karne ng mga kabayo at ng mga nakasakay sa kanila—ang karne ng lahat ng tao, malaya man o alipin, hamak man o dakila.” 19 At nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa daigdig kasama ang kanilang mga hukbo na nagsama-sama upang makidigma sa nakasakay sa kabayo at sa kanyang hukbo. 20 Hinuli (F) ang halimaw, kasama ang kanyang huwad na propeta na sa kanyang harapan ay gumawa ng tanda na ginamit niya upang linlangin ang mga tumanggap ng tanda ng halimaw at sa mga sumamba sa larawan niya. Ang dalawang ito ay itinapon nang buháy sa lawa ng nagliliyab na asupre. 21 At ang mga iba naman ay pinatay sa pamamagitan ng tabak ng nakasakay sa kabayo, ang tabak na lumabas mula sa kanyang bibig; at lahat ng mga ibon ay nabusog sa kanilang mga laman.
Ang Nawalang Tupa(A)
15 Lumalapit noon kay Jesus ang lahat ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan upang makinig sa kanya. 2 Nagbulungan ang mga Fariseo at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at nakikisalo siya sa kanila.” 3 Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito: 4 “Sino sa inyo na may isandaang tupa at mawala ang isa, ang hindi mag-iiwan sa siyamnapu't siyam sa ilang at maghahanap sa nawala hanggang ito'y matagpuan? 5 Kapag natagpuan na niya ito ay nagagalak niya itong papasanin, 6 at pagdating sa bahay ay aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking nawalang tupa.’ 7 Sinasabi ko sa inyo, sa gayunding paraan, magkakaroon ng higit pang kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisi kaysa siyamnapu't siyam na matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.”
Ang Nawalang Pilak
8 “O sino kayang babaing may sampung pirasong salaping pilak, kung mawawalan ng isang piraso ay hindi magsisindi ng ilawan at magwawalis ng bahay at matiyagang maghahanap hanggang sa matagpuan iyon? 9 At kapag natagpuan na niya ito ay tatawagin ang mga kaibigan at kapitbahay at magsasabing, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking salaping pilak na nawawala.’ 10 Sinasabi ko sa inyo, sa gayunding paraan, magkakaroon ng kagalakan ang mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.