Book of Common Prayer
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at ang bawat isa'y bahagi nito. 28 At (A) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una, ng mga apostol, ikalawa, ng mga propeta, ikatlo, ng mga guro, at ng mga himala, at mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga kakayahan sa pamumuno, at iba't ibang uri ng wika. 29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala? 30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng iba't ibang wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag? 31 Ngunit pakamithiin ninyo ang mga mas dakilang kaloob.
At ngayon ay ipapakita ko sa inyo ang walang kapantay na daan.
Ang Pag-ibig
13 Kung makapagsalita man ako ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, wala naman akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw. 2 Kung mayroon man akong kaloob ng propesiya at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at taglayin ko man ang lahat ng pananampalataya upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. 3 Kahit ipamigay ko pa ang lahat ng aking ari-arian, at ibigay ko ang aking katawan upang sunugin,[a] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala itong pakinabang sa akin.
4 Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait; hindi mapanibughuin, hindi mapagmalaki o mayabang; 5 hindi magaspang ang asal; hindi nag-iisip para sa sariling kapakanan, hindi mayayamutin, hindi nagbibilang ng kamalian. 6 Hindi ito nagagalak sa kasamaan, kundi nakikigalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay nagtitiis sa lahat, nagtitiwala sa lahat, may pag-asa sa lahat at may tiyaga sa lahat.
8 Ang pag-ibig ay walang katapusan. Ngunit maging ang mga propesiya ay matatapos; maging ang iba't ibang wika ay titigil; maging ang kaalaman ay lilipas. 9 Sapagkat bahagi lamang ang ating nalalaman at bahagi lamang ang ipinahahayag nating propesiya; 10 ngunit kapag ang lubusan ay dumating na, lilipas na ang bahagi lamang. 11 Nang ako'y bata pa, nagsasalita ako tulad ng isang bata, nag-iisip ako tulad ng isang bata, nangangatwiran ako tulad ng isang bata. Nang sumapit na ako sa hustong gulang ay tinalikuran ko na ang mga bagay ng pagkabata. 12 Sapagkat malabo pa ang ating nakikita sa salamin, ngunit pagkatapos nito ay makakakita tayo nang mukhaan. Ang nalalaman ko ngayon ay bahagi lamang, ngunit pagkatapos ay lubos akong makauunawa kung paanong ako ay lubos na nauunawaan. 13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
21 Noon (A) ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, “Panginoon, hanggang ilang ulit ko po bang patatawarin ang aking kapatid kapag siya'y nagkasala sa akin? Hanggang pitong ulit po ba?” 22 Sumagot (B) si Jesus, “Hindi ko sinasabi sa iyo na hanggang pitong ulit, sa halip ay hanggang sa ikapitong pitumpu.[a]
Ang Talinghaga ng Aliping Hindi Nagpapatawad
23 “Kaya't ang kaharian ng langit ay maihahambing dito: May isang haring nagpasyang ipatawag ang kanyang mga alipin upang sila'y makipag-ayos tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang magsimula na siyang magkuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang sa kanya ng sampung libong talento.[b] 25 Sapagkat wala siyang maibayad, ipinag-utos ng kanyang panginoon na ipagbili siya, gayundin ang kanyang asawa at mga anak, at samsamin ang lahat ng kanyang ari-arian upang siya'y magbayad. 26 Kaya't lumuhod ang alipin, at nakiusap, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng palugit at makababayad din ako sa lahat ng utang ko sa inyo.’ 27 Nahabag naman sa alipin ang kanyang panginoon, kaya't siya'y pinakawalan at pinatawad sa kanyang pagkakautang. 28 Subalit sa paglabas ng alipin ding iyon, ay nakita niya ang isa niyang kapwa alipin na may utang sa kanya ng isandaang denaryo. Bigla niya itong hinawakan at sinakal, ‘Magbayad ka na ng utang mo,’ ang sabi niya. 29 Lumuhod sa harap niya ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng palugit, at babayaran kita.’ 30 Subalit hindi siya mapakiusapan. Sa halip ay umalis siya at ipinakulong ang kapwa alipin[c] hanggang sa makapagbayad ito ng utang. 31 Nang makita ng iba pang mga alipin ang pangyayari, labis nila itong ikinalungkot. Pumunta sila sa kanilang panginoon at isinumbong sa kanya ang buong pangyayari. 32 Ipinatawag nga siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mong alipin! Pinatawad kita sa lahat ng iyong pagkakautang sapagkat nakiusap ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka sa iyong kapwa alipin, kung paanong naawa ako sa iyo?’ 34 At sa galit ay ibinigay siya ng kanyang panginoon sa mga tagapagparusa sa loob ng bilangguan hanggang sa makabayad siya sa lahat ng kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin ng aking Amang nasa langit sa bawat isa sa inyo kung hindi kayo taos-pusong magpapatawad sa inyong kapatid.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.