Book of Common Prayer
Sa Corinto
18 Pagkatapos nito umalis si Pablo sa Atenas at nagtungo sa Corinto. 2 Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating lamang niya mula sa Italia kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila ng Roma sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis doon. Nakipagkita si Pablo sa kanila. 3 Dahil pareho ang kanilang hanapbuhay, ang paggawa ng tolda, si Pablo ay doon na sa kanilang tahanan nakitira. Doon sila magkasamang nagtrabaho. 4 Siya'y nakikipagpaliwanagan tuwing araw ng Sabbath sa sinagoga at nagsisikap na mahikayat sa pananampalataya ang mga Judio at mga Griyego. 5 Nang dumating na sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang sarili sa pangangaral at pagpapatotoo sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. 6 Nang siya'y salungatin nila at laitin, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, “Hindi ko na ságutin ang inyong dugo! Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Mula ngayo'y pupunta na ako sa mga Hentil.” 7 Kaya siya'y umalis doon at tumira sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, isang taong may takot sa Diyos. Ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga. 8 Sumampalataya sa Panginoon si Crispo na pinuno ng sinagoga, kasama ang kanyang buong sambahayan. Sumampalataya at nabautismuhan ang maraming taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo. 9 Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot! Patuloy kang mangaral at huwag kang tumahimik. 10 Sapagkat kasama mo ako. Walang sinumang taong mananakit sa iyo sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” 11 Kaya't nanatili siya roon ng isang taon at anim na buwan, habang itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.
Layunin ng Aklat
1 Yamang marami ang nagsikap bumuo ng isang maayos na salaysay tungkol sa mga naganap sa ating kalagitnaan, 2 ayon sa inilahad sa atin ng mga taong noon pa mang simula ay mga saksi na at mga lingkod ng salita; 3 at, matapos ang aking masusing pagsisiyasat sa lahat buhat sa simula, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo, 4 upang maunawaan mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
3 Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Emperador Tiberio, habang si Poncio Pilato ang gobernador ng Judea, si Herodes ang pinuno[a] ng Galilea, si Felipe na kanyang kapatid ang pinuno ng Iturea at Traconite, at si Lysanias naman ang pinuno ng Abilinia; 2 at sina Anas at Caifas naman ang mga Kataas-taasang Pari, dumating ang salita ng Diyos sa anak ni Zacarias na si Juan na nasa ilang. 3 Tinungo niya ang buong lupain sa palibot ng Jordan upang ipangaral ang bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng kasalanan. 4 Gaya ng nasusulat sa aklat ni propetang si Isaias,
“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.
5 Tatambakan ang bawat lambak,
at papatagin ang bawat bundok at burol.
Itutuwid ang likong daan,
at papatagin ang daang lubak-lubak.
6 At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Diyos.’ ”
7 Sinabi ni Juan sa maraming mga taong nagdatingan upang magpabautismo sa kanya, “Mga anak ng ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa darating na poot? 8 Kaya mamunga kayo ng mga bungang karapat-dapat sa pagsisisi. Huwag ninyong sabihin sa isa't isa, ‘Ama namin si Abraham.’ Sinasabi ko sa inyo na mula sa mga batong ito ay kaya ng Diyos na lumikha ng mga anak para kay Abraham. 9 Ngayon pa man ay nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy. Pinuputol ang bawat punongkahoy na hindi nagbubunga ng mabuti at itinatapon sa apoy.” 10 Kaya't tinanong siya ng maraming tao, “Ano ngayon ang kailangan naming gawin?” 11 At pagsagot ay sinabi niya sa kanila, “Ang may dalawang damit panloob ay bigyan ang wala at ang may pagkain ay gayon din ang gawin.” 12 May mga nagdatingan ding mga maniningil ng buwis na magpapabautismo na nagsabi sa kanya, “Guro, ano ang nararapat naming gawin?” 13 Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong sumingil nang labis sa ipinag-uutos sa inyo.” 14 Nagtanong din sa kanya ang mga kawal, “At kami naman, ano naman ang dapat naming gawin?” At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong mangikil ni magbintang nang mali. Makuntento kayo sa inyong sinasahod.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.