Book of Common Prayer
30 “Nang (A) lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita. Nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, dumating ang tinig ng Panginoon: 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi nangahas tumingin. 33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Tanggalin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay lupang banal. 34 Kitang-kita ko ang pang-aapi sa aking bayang nasa Ehipto, narinig ko ang kanilang hinaing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayon, lumapit ka at isusugo kita sa Ehipto.’ 35 “Ang (B) Moises na ito na kanilang itinakwil nang sabihin nilang, ‘Sino'ng nagsabing ikaw ay pinuno at hukom namin?’ ang siyang isinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagpalaya sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Ang taong ito (C) ang humango sa kanila sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghang ginawa niya sa Ehipto, sa Dagat na Pula, at sa ilang, sa loob ng apatnapung taon. 37 Ang (D) Moises na ito ang nagsabi sa mga anak ni Israel, ‘Mula sa inyong mga kapatid, pipili ang Diyos ng propeta para sa inyo, tulad ng pagpili niya sa akin.’ 38 Siya (E) ang kasama ng kapulungan sa ilang. Kasama siya ng anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ng ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga salitang nagbibigay-buhay upang ibigay sa atin. 39 Ngunit ayaw siyang sundin ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at sa mga puso nila'y bumalik sila sa Ehipto, 40 nang sabihin nila kay Aaron, (F) ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat hindi na namin alam ang nangyayari sa Moises na ito na naglabas sa amin sa Ehipto.’ 41 Gumawa (G) nga sila noon ng diyus-diyosan sa anyo ng isang guya. Naghandog sila sa diyus-diyosang ito at ipinagdiwang ang gawa ng kanilang mga kamay. 42 Ngunit (H) tinalikuran sila ng Diyos, at pinabayaan silang sumamba sa hukbo ng kalawakan.[a] Nasusulat sa aklat ng mga propeta:
‘O, sambahayan ni Israel, sa akin ba kayo nag-alay ng mga hayop na pinatay
at mga handog sa loob ng apatnapung taon sa ilang?
43 Dinala ninyo ang tolda ni Moloc,
at ang bituin ng diyos ninyong si Refan,
ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin;
at itatapon ko kayo sa kabila pa ng Babilonia.’
Pinagaling ni Jesus ang mga may Sakit
5 Matapos ang mga ito, habang nagdiriwang ng Pista ang mga Judio, pumunta si Jesus sa Jerusalem. 2 Sa Jerusalem, sa tabi ng Bakod ng mga Tupa ay may imbakan ng tubig na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bethzatha na may limang malaking haligi. 3 Sa mga ito'y nakahiga ang maraming may sakit—mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. 4 Sapagkat isang anghel ng Panginoon ang bumababa sa imbakan ng tubig at kinalawkaw ang tubig doon; ang sinumang maunang makarating doon ay gagaling.[a] 5 Naroon ang isang lalaking tatlumpu't walong taon nang may karamdaman. 6 Nakita ni Jesus ang lalaking ito at alam niyang ito'y nakahiga na roon nang mahabang panahon, kaya't sinabi niya sa kanya, “Gusto mo bang gumaling?” 7 Sinagot siya ng lalaki, “Ginoo, wala po akong kasama na maglulusong sa akin sa imbakan ng tubig habang ito'y kinakalawkaw, at kapag ako'y papunta na roon, may nauuna na sa akin.” 8 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” 9 At gumaling kaagad ang lalaki, dinala niya ang kanyang higaan at siya'y naglakad. Nangyari ito nang araw ng Sabbath. 10 (A)Kaya't sinabi ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Sabbath ngayon, at hindi naaayon sa batas na dalhin ang iyong higaan.” 11 Ngunit sila'y kanyang sinagot, “Ang lalaking nagpagaling sa akin ang nagsabi na dalhin ko ang aking higaan at lumakad ako.” 12 Siya'y kanilang tinanong, “Sino ang nagsabi sa iyong dalhin mo ang iyong higaan at lumakad?” 13 Ngunit hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, dahil umalis si Jesus nang dumami na ang tao sa lugar na iyon. 14 Pagkalipas ng mga ito, natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, magaling ka na! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan upang wala nang masamang mangyari sa iyo.” 15 Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Kaya, inusig ng mga Judio si Jesus, sapagkat ginawa niya ang mga ito sa araw ng Sabbath. 17 Ngunit sinagot sila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa gawain at ako'y ganoon din.” 18 (B)Dahil dito, lalong nagsumikap ang mga Judio na patayin siya, dahil hindi lamang niya nilabag ang tuntunin ukol sa Sabbath, kundi sinabi rin niyang sarili niyang Ama ang Diyos, sa gayo'y ipinapantay ang sarili niya sa Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.