Book of Common Prayer
Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya
13 Sapagkat (A) ang pangako kay Abraham at sa kanyang mga supling na mamanahin nila ang sanlibutan ay dumating hindi dahil sa pamamagitan ng Kautusan, kundi ng pagiging matuwid mula sa pananampalataya. 14 Sapagkat (B) kung silang nasa ilalim ng Kautusan ang magiging mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at wala na ring saysay ang pangako. 15 Sapagkat ang Kautusan ay may dalang poot sa mga lumalabag, at kung walang Kautusan, wala ring paglabag. 16 Ang pangako, (C) kung gayon, ay batay sa pananampalataya, upang ito'y maging isang kaloob na makakamit ng buong lahi ni Abraham, hindi lamang ng mga nasa ilalim ng Kautusan, kundi pati naman ng mga nanampalataya tulad ni Abraham na ama nating lahat. 17 Tulad (D) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Tinanggap niya ang pangako sa harap ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, ang Diyos na nagbibigay-buhay sa mga patay, at lumilikha ng mga bagay na dati ay wala. 18 Sa kabila (E) ng kawalan ng pag-asa, umasa si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa sapagkat sinabi sa kanya, “Magiging gayon karami ang iyong lahi.” 19 Hindi (F) nanghina ang kanyang pananampalataya, sa kabila ng katotohanang maituturing na patay na noon ang kanyang katawan, palibhasa'y halos isandaang taon na siya, at baog pa ang kanyang asawang si Sarah. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Sa halip, lalo siyang pinatatag ng kanyang pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos. 21 Lubos na nagtiwala si Abraham na kayang tuparin ng Diyos ang kanyang ipinangako. 22 Sa pagtitiwalang ito ibinatay ng Diyos ang pagiging matuwid ni Abraham.[a] 23 Ang salitang “ibinatay ang kanyang pagiging matuwid” ay isinulat hindi lamang para sa kanya, 24 kundi para rin sa atin. Ituturing tayong matuwid ng Diyos, tayong sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon. 25 Ibinigay (G) siya upang mamatay dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ituring na matuwid.
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
20 “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: May isang taong may-ari ng lupain, isang umaga, maaga siyang lumabas upang kumuha ng mauupahang mga manggagawa para sa kanyang ubasan. 2 Pagkatapos silang magkasundo ng mga manggagawa sa halagang isang denaryo sa isang araw, pinapunta niya ang mga ito sa kanyang ubasan. 3 At paglabas niya nang mag-iikasiyam ng umaga,[a] nakakita siya sa pamilihan ng ibang taong nakatayo lamang at walang ginagawa. 4 Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at ibibigay ko sa inyo kung anuman ang nararapat.’ 5 At pumunta nga sila. Sa paglabas niyang muli nang magtatanghaling-tapat na[b] at nang ikatlo ng hapon,[c] ay ganoon din ang ginawa niya. 6 At nang malapit na ang ikalima ng hapon,[d] muli siyang lumabas at nakakita ng iba pang nakatayo. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo rito at walang ginagawa?’ 7 ‘Wala po kasing umuupa sa amin,’ sagot nila. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’ 8 (A) Papalubog na ang araw, nang sabihin ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at ibigay mo sa kanila ang sahod nila, buhat sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’ 9 Nang lumapit ang mga nagsimulang magtrabaho nang mag-iikalima ng hapon, ang bawat isa sa kanila'y tumanggap ng isang denaryo. 10 At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y mas malaki ang kanilang matatanggap; ngunit tumanggap din silang lahat ng tig-iisang denaryo. 11 Pagkatapos nilang tanggapin ito ay nagreklamo sila sa may-ari ng lupain. 12 Sinabi nila, ‘Silang huling dumating ay isang oras lamang nagtrabaho, ngunit ang ibinayad mo sa kanila ay pareho lang ng sa amin na maghapong nagtiis ng hirap at matinding init.’ 13 Ngunit sumagot siya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, wala akong ginagawang masama sa iyo. Di ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? 14 Kunin mo ang nauukol sa iyo at umalis ka na. Napagpasyahan kong ibigay sa huling manggagawa ang katulad ng ibinigay ko sa iyo. 15 Wala ba akong karapatang gawin ang naisin ko sa sarili kong lupain? O minamasama mo ba ang aking kabutihang-loob?’ 16 Kaya nga (B) ang hulí ay mauuna, at ang una ay máhuhulí.”[e]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.