Book of Common Prayer
Ang Halimbawa ni Abraham
4 Ano naman ang ating masasabi tungkol sa natuklasan ni Abraham na ating ninuno sa laman? 2 Kung itinuring siyang matuwid dahil sa mga gawa, mayroon siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa harapan ng Diyos. 3 Ano ba (A) ang sinasabi ng Kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at ito ang pinagbatayan ng kanyang pagiging matuwid.” 4 Sa taong nagtatrabaho, ang kanyang tinatanggap ay hindi itinuturing na kaloob kundi sahod. 5 Sa kanya namang walang kalakip na gawa ngunit sumasampalataya sa Diyos at nagtuturing na matuwid sa masama, ang kanyang pananampalataya ang batayan ng kanyang pagiging matuwid. 6 Ganoon din ang sinasabi ni David, na pinagpala ng Diyos ang taong itinuturing na matuwid hindi batay sa anumang gawa:
7 “Pinagpala (B) ang mga taong pinatawad ang mga pagsuway,
at silang pinawi na ang mga kasalanan.
8 Pinagpala ang taong hindi na kailanman sisingilin ng Panginoon sa kanyang kasalanan.”
9 Ang pagpapala bang ito ay para lamang sa mga tuli, o para din sa mga hindi tuli? Sapagkat sinasabi natin ayon sa kasulatan, “Ang pananampalataya ay pinagbatayan ng pagiging matuwid ni Abraham.” 10 Kailan ito nangyari? Bago o pagkatapos siyang tuliin? Hindi pagkatapos kundi bago siya tinuli. 11 Tinanggap (C) niya ang tanda ng pagtutuli, ang tatak na dahil sa kanyang pananampalataya ay itinuring siyang matuwid sa harapan ng Diyos. Taglay na niya ang pananampalatayang ito bago pa siya tinuli. Sa gayon, siya'y naging ama ng mga sumasampalataya, bagama't hindi mga tuli, ay itinuring na matuwid. 12 Siya rin ang ama ng mga tuli, hindi lamang dahil sila ay tuli, kundi dahil sila ay sumunod din sa mga hakbang ng pananampalataya ng ating amang si Abraham noong hindi pa siya tuli.
23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tinitiyak ko sa inyo, napakahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit. 24 At inuulit ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom, kaysa pumasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng Diyos.” 25 Labis na nagtataka ang mga alagad nang marinig nila ito, kaya't sila'y nagtanong, “Sino, kung gayon, ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng mga tao, ngunit ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 27 Sumagot si Pedro sa kanya, “Tingnan ninyo, tinalikuran namin ang lahat upang sumunod sa inyo. Ano naman po ang makukuha namin?” 28 Sumagot (A) si Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, sa panahon ng pagpapanibago ng lahat ng bagay, sa pag-upo ng Anak ng Tao sa trono ng kanyang kaluwalhatian, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono bilang mga hukom sa labindalawang lipi ng Israel. 29 At sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, ng ama, o ina, ng mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng makaisandaang ulit ng mga bagay na ito at magkakamit ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit (B) maraming mga nauna ang máhuhulí, at mga náhulí ang mauuna.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.