Book of Common Prayer
Ang mga Gawa ng Laman
16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu, at huwag na huwag kayong susunod sa hilig ng laman. 17 Sapagkat (A) ang mga hilig ng laman ay laban sa nais ng Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa mga hilig ng laman. Laging naglalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang nais ninyong gawin. 18 Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan. 19 Hindi naman maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, karumihan, kahalayan, 20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi, 21 pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng babala ko noon, na ang mga gumagawa ng ganitong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
Ang Bunga ng Espiritu
22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, 23 kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito. 24 Ipinako na sa krus ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makalamang pagkatao, kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
13 Nang dumating si Jesus sa pook ng Cesarea Filipos, nagtanong siya sa kanyang mga alagad ng ganito, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?” 14 At (B) sumagot sila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias, at ang iba naman ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.” 15 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” 16 Sumagot (C) si Simon Pedro, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” 17 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang nagpahayag nito sa iyo ay hindi laman at dugo kundi ang aking Amang nasa langit. 18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro,[a] at sa ibabaw ng batong[b] ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay (D) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay ang natalian na sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay ang nakalagan na sa langit.” 20 Pagkatapos ay mahigpit niyang pinagbilinan ang mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.