Book of Common Prayer
9 Kinabukasan, nang magtatanghaling tapat,[a] samantalang naglalakbay at malapit na sa lungsod ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin. 10 Siya'y nagutom at nais nang kumain. Samantalang inihahanda ang kanyang pagkain, nawalan siya ng malay at nagkaroon ng pangitain. 11 Nakita niyang nabuksan ang langit, at may isang bagay tulad ng isang malapad na kumot ang ibinababa sa lupa, nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon ang lahat ng uri ng mga hayop na lumalakad at mga gumagapang sa lupa, maging mga lumilipad sa himpapawid. 13 May tinig na nagsabi sa kanya, “Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.” 14 Subalit sumagot si Pedro, “Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumal-dumal.” 15 Muling sinabi sa kanya ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Nangyari ito ng tatlong ulit, at pagkatapos ay agad binatak pataas sa langit ang kumot.
17 Samantalang iniisip ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, natagpuan naman ng mga taong inutusan ni Cornelio ang bahay ni Simon. Tumayo sila sa harapan ng pintuan 18 at tumawag upang tanungin kung doon nanunuluyan si Simon, na kilala ring Pedro.
19 Pinag-iisipan pa noon ni Pedro ang tungkol sa pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Bumaba ka at huwag kang mag-atubiling sumama sa kanila sapagkat ako ang nagsugo sa kanila.” 21 Bumaba nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang pakay ninyo?”
22 Sumagot ang mga lalaki, “Si Cornelio na isang senturyon ang nagsugo sa amin. Siya'y isang taong matuwid, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Pinagbilinan siya ng isang anghel na papuntahin ka sa kanyang bahay upang marinig ang iyong sasabihin.” 23 Kaya't inanyayahan sila ni Pedro at doon na pinagpalipas ng gabi.
Kinabukasan, sumama siya sa kanila. Sumama din ang ilang mga kapatid mula sa Joppa.
32 Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipamigay sa mga dukha. Igawa ninyo ang inyong sarili ng mga sisidlang hindi naluluma, isang di-maubos na kayamanan sa langit, doo'y hindi makalalapit ang magnanakaw at makapaninira ang mga bukbok. 34 Sapagkat kung saan nakalagak ang inyong kayamanan, doon din naman malalagak ang inyong puso.”
Mga Lingkod na Handa(A)
35 “Humanda kayo sa paglilingkod[a] at paliwanagin ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pagbabalik ng kanilang panginoon mula sa kasalan upang sa pagbabalik nito at pagkatok ay agad nila siyang mapagbuksan. 37 Pinagpala ang mga lingkod na madaratnang nagbabantay hanggang sa pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya upang maglingkod, sila ay pauupuin niya sa hapag-kainan at sila'y kanyang paglilingkuran. 38 Pinagpala ang mga lingkod na matagpuan ng panginoon na handa sa kanyang pagdating, hatinggabi man o madaling-araw. 39 Unawain ninyo ito: kung alam ng panginoon ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay. 40 Kaya dapat din kayong maging handa! Sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.