Book of Common Prayer
23 Ngunit bago dumating ang panahon ng pananampalataya ay nasa ilalim tayo ng kapangyarihan ng Kautusan hanggang ang pananampalataya kay Cristo ay mahayag. 24 Kaya't ang Kautusan ay naging tagapagturo natin hanggang dumating si Cristo, upang tayo'y ituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya. 25 Subalit ngayong dumating na ang panahon ng pananampalataya kay Cristo ay wala na tayo sa pangangalaga ng Kautusan. 26 Sapagkat kayong lahat ay anak ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo Jesus. 27 Nang kayo'y mabautismuhan kay Cristo, mismong siya ay parang damit na isinuot sa inyo. 28 Wala nang pagkakaiba ang Judio at Griyego, ang alipin at malaya, ang lalaki at babae; kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 29 At (A) kung kayo'y nakipag-isa kay Cristo, kayo'y kabilang na sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ayon sa pangako ng Diyos.
4 Ito ang ibig kong sabihin: habang bata pa ang tagapagmana ay wala siyang pagkakaiba sa isang alipin kahit na siya ang may-ari ng lahat. 2 Sa halip ay nasa ilalim siya ng mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang dumating ang panahong itinakda ng kanyang ama. 3 Ganoon din tayo. Noong tayo'y mga bata pa, inalipin din tayo ng mga espiritung naghahari sa sanlibutan. 4 Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae, at namuhay sa ilalim ng Kautusan, 5 upang (B) palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan, nang sa gayo'y matanggap natin ang karapatang maging mga anak ng Diyos. 6 Sapagkat kayo ngayon ay mga anak na ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak, ang Espiritung sumisigaw sa ating[a] mga puso, “Ama,[b] aking Ama!” 7 Kaya't hindi ka na alipin kundi anak. At dahil ikaw ay anak, ikaw ay ginawa na ring tagapagmana sa pamamagitan ng Diyos.
Pinagsabihan ni Pablo ang mga Taga-Galacia
8 Kayo'y alipin ng mga diyus-diyosan noong hindi pa ninyo kilala ang Diyos. 9 Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihing, kilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik na naman sa mahihina at hamak na mga espiritung iyan? Bakit ibig ninyong muling maalipin ng mga iyon? 10 Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon! 11 Nangangamba akong ang mga pagpapagal ko para sa inyo'y mawalan ng kabuluhan.
Mga Minanang Kaugalian(A)
15 Pagkatapos, dumating kay Jesus ang mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, 2 “Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang kaugalian ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago kumain.” 3 Sumagot siya sa kanila, “At bakit nilalabag naman ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian? 4 Sapagkat (B) iniutos ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama't ina;’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat mamatay.’ 5 Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang mapapakinabangan mo mula sa akin ay ibinigay ko na sa Diyos, 6 at ang nagsabi niyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.’ Kaya't masunod lamang ang inyong kaugalian ay binabale-wala na ninyo ang salita[a] ng Diyos. 7 Kayong mapagkunwari! Angkop na angkop sa inyo ang ipinahayag ni Isaias nang sabihin niya,
8 ‘Iginagalang (C) ako ng mga taong ito sa kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
9 Pagsamba sa aki'y walang kabuluhan;
pawang gawa ng tao ang kanilang katuruan.’ ”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
10 Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ninyo ito: 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang sanhi ng kanyang pagiging marumi.” 12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam ba ninyong nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang sinabi ninyong ito?” 13 Ngunit sumagot siya, “Bubunutin ang lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit. 14 Hayaan (E) ninyo sila. Sila'y mga bulag na tagaakay.[b] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.” 15 Sumagot naman si Pedro, “Ipaliwanag mo po sa amin ang talinghaga.” 16 At sinabi niya, “Hanggang ngayon ba'y hindi pa rin kayo marunong umunawa? 17 Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at idinudumi? 18 Ngunit (F) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at iyon ang nagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nagmumula ang masasamang pag-iisip, pagpaslang, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsisinungaling, at panlalait. 20 Ang mga ito ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, subalit ang kumain nang hindi nahugasan ang mga kamay nang ayon sa minanang turo ay hindi nakapagpaparumi sa sinuman.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.