Book of Common Prayer
18 Tatlong taon pa ang nagdaan (A) bago ako nagtungo sa Jerusalem upang dalawin si Pedro.[a] Namalagi akong kasama niya ng labinlimang araw. 19 Ngunit wala akong nakitang ibang apostol, maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon. 20 Sa harap ng Diyos ay tinitiyak ko sa inyo na ang lahat ng isinusulat kong ito'y hindi pagsisinungaling. 21 Pagkatapos ay nagtungo ako sa mga lupain ng Syria at Cilicia. 22 Hindi pa ako kilala noon ng mga mananampalataya kay Cristo na kaanib sa mga iglesya ng Judea. 23 Narinig lamang nila ang ganitong mga salita tungkol sa akin, “Ang lalaking dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng pananampalatayang dati'y sinikap niyang wasakin.” 24 Kaya't kanilang niluwalhati ang Diyos dahil sa akin.
Tinanggap si Pablo ng mga Apostol
2 Pagkalipas (B) ng labing-apat na taon, muli akong nagtungo sa Jerusalem kasama sina Tito at Bernabe. 2 Ang pagtungo ko roon ay dahil sa pahayag ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Palihim akong nakipagpulong sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang ebanghelyong aking ipinangaral sa mga Hentil. Ginawa ko ito sapagkat ayokong mawalan ng kabuluhan ang lahat ng aking ginawa at ginagawa. 3 Subalit maging ang kasama kong si Tito, kahit na siya'y isang Griyego, ay hindi pinilit na magpatuli, 4 bagama't pinagtangkaan ng ilan na gawin iyon. Nagkunwari silang mga kapatid at nakihalubilo sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay namin kay Cristo-Jesus. Ginawa nila ito upang kami'y muling maging alipin. 5 Subalit hindi kami sumuko sa kanila kahit isang saglit, sapagkat layunin naming maingatan ang katotohanan ng ebanghelyo para sa inyo. 6 Tungkol sa mga kinikilalang pinuno—(C) ang totoo ay walang anuman sa akin sino man sila sapagkat walang kinikilingan ang Diyos—wala naman silang pinuna tungkol sa aking ipinapangaral. 7 Sa halip, kinilala nilang sa akin ipinagkatiwala ng Diyos ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga hindi tuli, kung paanong kay Pedro niya ipinagkatiwala ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga tuli. 8 Sapagkat ang Diyos na nagbigay kay Pedro ng tungkuling maging apostol sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng tungkuling maging apostol sa mga Hentil. 9 Nang makita ng mga kinikilalang haligi ng iglesya na sina Santiago, Pedro, at Juan, na ibinigay sa akin ng Diyos ang tanging kaloob na ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan naming kami ni Bernabe ay mangangaral sa mga Hentil, at sila nama'y sa mga Judio. 10 Ang hiniling lamang nila ay ang patuloy naming pagmamalasakit sa mga dukha, na siya namang gusto kong gawin.
Itinakwil si Jesus sa Nazareth(A)
53 Pagkatapos isalaysay ni Jesus ang mga talinghagang ito, nilisan niya ang lugar na iyon. 54 Pagdating niya sa sarili niyang bayan, nagturo siya sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha sila sa kanya, at nagsabi, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan? Paano niya nagagawa ang himalang ito? 55 Hindi ba't ito ang anak ng karpintero? Di ba't Maria ang pangalan ng kanyang ina? Di ba't mga kapatid niya sina Santiago, Jose, Simon, at Judas? 56 Hindi ba't narito sa bayan natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan nakuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?” 57 At (B) natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay kinikilala kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” 58 Kaya't hindi siya gumawa roon ng maraming himala dahil sa hindi nila pagsampalataya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.