Book of Common Prayer
18 Timoteo, anak ko, itinatagubilin ko sa iyo ang mga bagay na ito ayon sa mga propesiya noon ukol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay masigla kang makipaglaban gaya ng mabuting kawal, 19 tumitibay sa pananampalataya at nagtataglay ng malinis na budhi. Tinalikuran ito ng iba, kaya naman natulad sa isang barkong nawasak ang kanilang pananampalataya. 20 Kasama sa mga ito ay sina Himeneo at Alejandro na mga ipinaubaya ko na kay Satanas upang sila ay maturuang huwag nang lumapastangan.
Mga Tagubilin tungkol sa Pananalangin
2 Una sa lahat, hinihimok ko kayong ipanalangin ang lahat ng tao. Idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, dalangin, pagsamo at pasasalamat para sa kanila. 2 Ipanalangin ninyo ang mga hari at ang lahat ng may mataas na tungkulin, upang tayo ay mamuhay nang tahimik, payapa, marangal at may kabanalan. 3 Ito'y mabuti at kinalulugdan ng Diyos na ating Tagapagligtas. 4 Ibig niyang ang lahat ay maligtas at makaalam sa katotohanan. 5 Iisa ang Diyos at iisa ang Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. 6 Ibinigay niya ang kanyang sarili bilang pantubos para sa lahat; isang patotoong pinatunayan sa takdang panahon. 7 Ito ang dahilan kung bakit ako'y hinirang na maging tagapangaral at apostol, tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi kong ito, at hindi ako nagsisinungaling!
8 Ibig kong ang mga lalaki sa lahat ng dako ay manalangin nang may malinis na puso,[a] walang sama ng loob at galit sa kapwa.
Sa Bunga Nakikilala(A)
33 “Alinman sa (B) gawin ninyong mabuti ang puno at mabuti ang bunga nito o gawin ninyong masama ang puno at masama rin ang bunga nito. Sapagkat nakikilala ang puno sa pamamagitan ng bunga nito. 34 Kayong (C) lahi ng mga ulupong! Sadyang hindi kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay sapagkat kayo'y masasama! Sapagkat kung ano ang nilalaman ng dibdib, iyon ang mamumutawi sa bibig. 35 Ang mabuting tao mula sa kanyang mabuting kayamanan ay naglalabas ng mabubuting bagay, at ang masamang tao mula sa kanyang masamang kayamanan ay naglalabas ng masasamang bagay. 36 Sinasabi ko sa inyo, pananagutan ng mga tao sa araw ng paghuhukom ang bawat salitang walang habas na binigkas. 37 Sapagkat batay sa iyong mga salita, ikaw ay mapapawalang-sala o mahahatulan.”
Ang Tanda ni Jonas(D)
38 Pagkatapos, (E) may mga guro ng Kautusan at mga Fariseo na sumagot sa kanya, “Guro, nais naming makakita mula sa iyo ng isang himala bilang tanda.” 39 Sumagot (F) siya sa kanila, “Ang isang masama at taksil na lahi ay humahanap ng mahimalang tanda; subalit walang mahimalang tanda na ibibigay sa kanya, maliban sa mahimalang tanda ng propetang si Jonas. 40 Sapagkat (G) kung paanong tatlong araw at tatlong gabi si Jonas sa loob ng tiyan ng isang dambuhalang isda, gayundin ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing mapapasailalim ng lupa. 41 Tatayo ang (H) mga taga-Nineve sa paghuhukom laban sa lahing ito at hahatulan ito, sapagkat nagsisi sila nang mangaral si Jonas. At ngayon, narito ang isang mas dakila kaysa kay Jonas. 42 Ang (I) Reyna ng Timog ay tatayo sa paghuhukom laban sa lahing ito, at hahatulan ito, sapagkat nanggaling pa siya sa kadulu-duluhan ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang isang mas dakila kaysa kay Solomon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.