Book of Common Prayer
4 At ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na buháy na nilalang ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. At sila'y nagsabi,
“Amen. Aleluia!”
5 Mula (A) sa trono ay lumabas ang isang tinig,
“Purihin ninyo ang ating Diyos,
kayong lahat na mga lingkod niya,
kayong mga natatakot sa kanya,
mga hamak man o dakila.”
6 At (B) narinig ko ang parang tinig ng napakaraming tao, tulad ng lagaslas ng maraming tubig at tulad ng malalakas na dagundong ng kulog, na nagsasabi,
“Aleluia!
Sapagkat ang Panginoon nating Diyos
na Makapangyarihan sa lahat ay naghahari.
7 Magalak tayo at magdiwang,
luwalhatiin natin siya,
sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero,
at inihanda ng kanyang kasintahan ang kanyang sarili.
8 Binigyan siya ng pinong lino
makintab at malinis upang isuot niya”—
sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal.
9 At (C) sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Pinagpala ang mga inanyayahan sa handaan ng kasal ng Kordero.” At sinabi niya sa akin, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.” 10 Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sumamba sa kanya, subalit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapwa mo lingkod na kasama mo at ng iyong mga kapatid na naninindigan sa patotoo ni Jesus. Sa Diyos ka sumamba! Sapagkat ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya.”
Ang Nakasakay sa Puting Kabayo
11 Pagkatapos, (D) nakita kong bumukas ang langit, at doon ay lumitaw ang isang puting kabayo. Tapat at Totoo ang tawag sa nakasakay dito, at makatarungan siyang humahatol at nakikipagdigma. 12 Ang (E) mga mata niya ay parang ningas ng apoy, at sa ulo niya ay maraming korona. Mayroon sa kanyang nakasulat na pangalan na siya lamang ang nakakaalam. 13 Ang (F) suot niyang damit ay itinubog sa dugo, at siya'y tinatawag sa pangalang Ang Salita ng Diyos. 14 At ang mga hukbo ng langit na nakasuot ng pinong lino, puti at dalisay ay sumusunod sa kanya; sila'y nakasakay sa mga puting kabayo. 15 Mula (G) sa kanyang bibig ay lumalabas ang isang matalas na tabak na pantaga sa mga bansa, at siya ay maghahari sa kanila gamit ang tungkod na bakal. Tatapak-tapakan niya ang mga ubas sa pisaan upang lumabas ang katas ng bagsik ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 Sa kanyang damit at hita ay may nakasulat na pangalan, “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
Ang Kordero ng Diyos
29 Nang sumunod na araw, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya, at sinabi niya, “Narito ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! 30 Siya ang binanggit ko sa inyo, ‘Kasunod ko ang lalaking mas una kaysa sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’ 31 Hindi ko siya nakilala; ngunit ako'y dumating at nagbabautismo sa tubig, upang siya'y maihayag sa Israel.” 32 Pagkatapos nito'y nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumaba gaya ng isang kalapati mula sa langit at nanatili ito sa kanya. 33 Hindi ko siya nakilala; ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makikitang bababa at mananatili ang Espiritu ay siyang magbabautismo sa inyo sa Banal na Espiritu.’ 34 Nakita ko't napatunayan na ito ang Anak ng Diyos.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.