Book of Common Prayer
Mamuhay Bilang mga Lingkod ng Diyos
11 Mga minamahal, ipinapakiusap ko sa inyo bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan sa daigdig na ito, iwasan ninyo ang makamundong pagnanasa na nakikipaglaban sa inyong kaluluwa. 12 Mamuhay kayo nang kagalang-galang sa gitna ng mga di-sumasampalataya upang kahit na pinaparatangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at luluwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kanyang paghuhukom. 13 Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa bawat pamahalaan ng tao, maging sa haring pinakamataas, 14 o sa mga gobernador na inatasan niya upang parusahan ang mga gumagawa ng masama at parangalan ang mga gumagawa ng mabuti. 15 Sapagkat kalooban ng Diyos na sa paggawa ninyo ng mabuti ay inyong mapatahimik ang mga hangal dahil sa kanilang kamangmangan. 16 Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya, ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaang ito upang bigyang-katwiran ang pantakip sa paggawa ng masama, sa halip, mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ninyo ang mga kapatid kay Cristo. Matakot kayo sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.
Ang Halimbawa ng Pagdurusa ni Cristo
18 Mga alipin, buong galang kayong magpasakop sa inyong mga panginoon; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi maging sa malulupit. 19 Sapagkat kapuri-puri, na dahil sa pagkakilala ninyo sa Diyos, ay magtiis kayo ng parusa kahit walang kasalanan. 20 Ano'ng pakinabang kung kayo'y parusahan dahil sa paggawa ng masama? Ngunit kalulugdan kayo ng Diyos kung kayo'y magtiis ng dusa dahil sa paggawa ng mabuti. 21 Ito ang dahilan kung bakit kayo tinawag, sapagkat si Cristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng halimbawa upang inyong sundan.
22 “Wala (A) siyang ginawang anumang kasalanan,
at sa bibig niya'y walang kasinungalingang natagpuan.”
23 Nang (B) siya'y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya'y nagdusa, hindi siya nagbanta, sa halip, nagtiwala siya sa Diyos na Makatarungang humatol. 24 Sa (C) kanyang pagkamatay sa krus,[a] pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay sa kasalanan at mamuhay sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo ay gumaling. 25 Sapagkat kayo'y tulad ng mga tupang naligaw ng landas, ngunit ngayon ay nagbalik na kayo sa kanya, siya na Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa.
12 (A)Ito ang aking utos: kayo’y magmahalan gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang hihigit pa sa pag-ibig ng taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Kayo'y mga kaibigan ko kung sumusunod kayo sa ipinag-uutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip itinuturing ko kayong mga kaibigan, sapagkat lahat ng narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin sa halip ako ang pumili sa inyo. Isinugo ko kayo upang humayo at mamunga ng mga bungang nananatili sa inyo. Sa gayon, anumang hilingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ipagkakaloob sa inyo. 17 Ito ang ipinag-uutos ko sa inyo: mahalin ninyo ang isa't isa. 18 Kung kinapopootan kayo ng sanlibutan, dapat ninyong malaman na ako muna ang kinapootan nito bago kayo. 19 Kung kayo ay kabilang sa sanlibutan, mamahalin kayo ng sanlibutan bilang kabahagi nito. Dahil hindi kayo kabilang sa sanlibutan, sa halip ay pinili ko kayo mula sa sanlibutan, kaya kinapopootan kayo nito. 20 (B)Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: ‘Walang aliping mas dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung ako ay pinahirapan nila, pahihirapan din nila kayo. Kung sinunod nila ang salita ko, susunod din sila sa salita ninyo. 21 Subalit gagawin nila ang lahat ng ito sa inyo dahil sa taglay ninyo ang pangalan ko, at hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila, hindi mahahayag na sila'y nagkasala, ngunit ngayon, wala na silang maidadahilan para sa kanilang pagkakasala. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa Ama. 24 Kung hindi ko ginawa sa harap nila ang mga gawang wala pang sinumang nakagawa, hindi mahahayag na sila'y nagkasala. Ngunit ngayo'y nakita na nila ang mga gawa ko, gayunma'y kinapopootan nila ako at ang aking Ama. 25 (C)Ito ay katuparan ng salita na nakasulat sa kanilang kautusan, ‘Kinapootan nila ako nang walang dahilan.’ 26 Pagdating ng Kaagapay na aking isusugo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na darating mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin. 27 At maging kayo ay magpapatotoo sapagkat kayo ay kasama ko mula pa sa simula.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.