Book of Common Prayer
29 At kung walang muling pagkabuhay, ano'ng gagawin ng mga binabautismuhan para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, bakit may mga taong binabautismuhan para sa kanila? 30 At bakit namin inilalagay sa panganib ang aming buhay sa bawat sandali? 31 Araw-araw akong humaharap sa kamatayan! Ipinapahayag ko ito, mga kapatid, dahil sa aking pagmamalaki tungkol sa inyo, na tinataglay ko kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 32 Kung (A) sa makataong dahilan lamang kaya ako lumaban sa maiilap na hayop sa Efeso, ano ang mapapakinabang ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.” 33 Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasamahan ay sumisira ng magagandang asal.” 34 Magpakatino kayo gaya ng nararapat at huwag na kayong magkasala, sapagkat may mga taong hindi pa nakakakilala sa Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.
Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay
35 Ngunit may magtatanong, “Paano muling bubuhayin ang mga patay? Anong uri ng katawan ang tataglayin nila?” 36 Ikaw na hangal! Dapat munang mamatay ang binhing iyong itinatanim bago ito mabuhay. 37 Kapag ikaw ay nagtatanim, hindi malaking katawan na ng halaman ang iyong itinatanim, kundi binhi lamang, maaaring ng trigo o ng ibang uri ng mga butil. 38 Subalit binibigyan ito ng Diyos ng katawang ayon sa kanyang kagustuhan, at ang bawat uri ng binhi ay binibigyan niya ng sariling katawan. 39 Hindi lahat ng laman ay magkakatulad. May isang uri ng laman ang mga tao, at ibang laman naman ang sa mga hayop, ibang laman sa mga ibon, at iba rin sa mga isda. 40 May mga katawang panlangit, at may mga katawang panlupa, ngunit may sariling kaluwalhatian ang panlangit, at iba naman ang panlupa. 41 May isang uri ng kaningningan ang araw, at iba ang kaningningan ng buwan, at iba rin ang kaningningan ng mga bituin; at ang mga bituin ay magkakaiba rin ng kaningningan.
Muling Nabuhay si Jesus(A)
28 Pagkatapos ng Sabbath, sa pagbubukang-liwayway ng unang araw ng linggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay pumunta sa libingan upang ito'y tingnan. 2 At biglang lumindol nang malakas, sapagkat may isang anghel ng Panginoon na bumaba mula sa langit. Pumunta iyon sa libingan, iginulong ang bato, at umupo sa ibabaw nito. 3 Parang kidlat ang kanyang anyo at parang busilak sa kaputian ang kanyang pananamit. 4 At dahil sa takot sa anghel, nanginig at hinimatay ang mga bantay. 5 Subalit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot. Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. 6 Wala siya rito, sapagkat nabuhay siyang muli, tulad ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang kanyang hinigaan.[a] 7 Magmadali kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay mula sa mga patay. Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo.” 8 Nagmamadali nga silang umalis sa libingan nang may magkahalong takot at malaking tuwa. Tumakbo sila upang magbalita sa mga alagad niya. 9 At biglang sinalubong sila ni Jesus, binati sila at sinabi, “Magalak kayo!” Lumapit sila sa kanya at yumakap sa kanyang mga paa at sumamba sa kanya. 10 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea, at doon nila ako makikita.”
Nag-ulat ang mga Bantay
11 Habang papaalis ang mga babae, ang ilan sa mga bantay ay pumasok sa lungsod at kanilang ibinalita sa mga punong pari ang lahat ng mga nangyari. 12 Pagkatapos nilang makipagpulong sa matatandang pinuno at nagkasundo sa balakin, nagbigay sila ng malaking halaga sa mga kawal. 13 Sinabi nila, “Sabihin ninyo, ‘Dumating kagabi ang kanyang mga alagad at siya'y kanilang ninakaw habang kami'y natutulog.’ 14 Kung sakaling mabalitaan ito ng gobernador, kami na ang magpapaliwanag sa kanya, at ilalayo namin kayo sa gulo.” 15 Tinanggap nila ang salapi at ginawa nila ang ipinagbilin sa kanila. At ang ulat na ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa araw na ito.
Sinugo ni Jesus ang mga Alagad(B)
16 Samantala, (C) ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na ipinagbilin sa kanila ni Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.