Book of Common Prayer
Ang Masasamang Bansa
83 O Dios, huwag kayong manahimik.
Kumilos po kayo!
2 Masdan ang inyong mga kaaway,
maingay silang sumasalakay at ipinagyayabang na mananalo sila.
3 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyong mga mamamayan na inyong kinakalinga.
4 Sinabi nila, “Halikayo, wasakin natin ang bansang Israel upang makalimutan na siya magpakailanman.”
5 At nagkasundo sila sa masamang plano nila.
Gumawa sila ng kasunduan laban sa inyo.
6 Sila ay mga taga-Edom, mga Ishmaelita, mga taga-Moab, mga Hagreo,
7 mga taga-Gebal, taga-Ammon, taga-Amalek, mga taga-Filistia at mga taga-Tyre.
8 Kumampi rin sa kanila ang Asiria, isang bansang malakas na kakampi ng lahi ni Lot.[a]
9 Talunin nʼyo sila Panginoon,
katulad ng ginawa nʼyo sa mga Midianita at kina Sisera at Jabin doon sa Lambak ng Kishon.
10 Namatay sila sa Endor at ang mga bangkay nilaʼy nabulok at naging pataba sa lupa.
11 Patayin nʼyo ang mga pinuno nila katulad ng ginawa ninyo kina Oreb at Zeeb at kina Zeba at Zalmuna.
12 Sinabi nila, “Agawin natin ang lupain ng Dios.”
13 O Dios ko, ikalat nʼyo sila na parang alikabok o ipa na nililipad ng hangin.
14-15 Tulad ng apoy na tumutupok sa mga puno sa kagubatan at kabundukan,
habulin nʼyo sila ng inyong bagyo at takutin ng malalakas na hangin.
16 Hiyain nʼyo sila Panginoon hanggang sa matuto silang lumapit sa inyo.
17 Sana nga ay mapahiya at matakot sila habang buhay.
Mamatay sana sila sa kahihiyan.
18 Para malaman nilang kayo, Panginoon, ang tanging Kataas-taasang Dios sa buong mundo.
Ang Hangad ng Taong Lumapit sa Piling ng Panginoon
42 Tulad ng usang sa tubig ng ilog ay nasasabik,
O Dios, ako sa inyoʼy nananabik.
2 Akoʼy nauuhaw sa inyo, Dios na buhay.
Kailan pa kaya ako makakatayo sa presensya nʼyo?
3 Araw-gabiʼy, luha ko lang ang pagkain ko,
habang sinasabi sa akin ng aking mga kaaway,
“Nasaan na ang Dios mo?”
4 Sumasama ang loob ko kapag naaalala ko na dati ay pinangungunahan ko ang maraming tao na pumupunta sa templo.
At kami ay nagdiriwang, sumisigaw sa kagalakan at nagpapasalamat sa inyo.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
6-7 Nanghihina ang loob ko.
Akoʼy parang tinabunan nʼyo ng malalaking alon,
na umuugong na parang tubig sa talon.
Kaya dito ko muna kayo inaalala sa paligid ng Ilog ng Jordan at Hermon, sa Bundok ng Mizar.
8 Sa araw, Panginoon, ipinapakita nʼyo ang inyong pag-ibig.
Kaya sa gabi, umaawit ako ng aking dalangin sa inyo,
O Dios na nagbigay ng buhay ko.
9 O Dios, na aking batong kanlungan, akoʼy nagtatanong,
“Bakit nʼyo ako kinalimutan?
Bakit kinakailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?”
10 Para bang tumatagos na sa aking mga buto ang pang-iinsulto ng aking mga kaaway.
Patuloy nilang sinasabi, “Nasaan na ang Dios mo?”
11 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
Ang Panalangin sa Panahon ng Kagipitan
43 Patunayan nʼyo, O Dios, na akoʼy walang kasalanan,
at akoʼy inyong ipagtanggol sa mga hindi matuwid.
Iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sa masasama.
2 Kayo ang Dios na nag-iingat sa akin,
bakit nʼyo ako itinakwil?
Bakit kailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?
3 Paliwanagan nʼyo ako at turuan ng inyong katotohanan,
upang akoʼy magabayan pabalik sa inyong templo sa banal na bundok.
4 Nang sa gayon, makalapit ako sa inyong altar, O Dios,
na nagpapagalak sa akin.
At sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa ay pupurihin ko kayo, O aking Dios.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
Panalangin para sa Kabutihan ng Bansa
85 Panginoon, naging mabuti kayo sa inyong lupain.
Ibinalik nʼyo sa magandang kalagayan ang Israel.[a]
2 Pinatawad nʼyo ang kasamaan ng inyong mga mamamayan;
inalis nʼyo ang lahat ng aming kasalanan.
3 Inalis nʼyo na rin ang inyong matinding galit sa amin.
4 Minsan pa, O Dios, na aming Tagapagligtas, ibalik nʼyo kami sa magandang kalagayan.
Kalimutan nʼyo na ang inyong galit sa amin.
5 Habang buhay na ba kayong magagalit sa amin,
hanggang sa aming mga salinlahi?
6 Hindi nʼyo na ba kami ibabalik sa magandang kalagayan upang kami ay magalak sa inyo?
7 Panginoon, ipakita nʼyo sa amin ang inyong pag-ibig at kami ay iligtas.
8 Pakikinggan ko ang sasabihin ng Panginoong Dios,
dahil mangangako siya ng kapayapaan sa atin na kanyang mga tapat na mamamayan;
iyan ay kung hindi na tayo babalik sa ating mga kamangmangan.
9 Tunay na ililigtas niya ang may takot sa kanya,
upang ipakita na ang kapangyarihan niya ay mananatili sa ating lupain.
10 Ang pag-ibig at katapatan ay magkasama at ganoon din ang katarungan at kapayapaan.
11 Ang katapatan ng tao sa mundo ay alam ng Dios sa langit,
at ang katarungan ng Dios sa langit ay matatanggap ng tao sa mundo.
12 Tiyak na ibibigay sa atin ng Panginoon ang mabuti
at magkakaroon ng ani ang ating lupain.
13 Ang katarungan ay parang tagapagbalita na mauunang dumating para ihanda ang daan ng Panginoon.
Panalangin ng Paghingi ng Tulong sa Dios
86 Panginoon, dinggin nʼyo at sagutin ang aking panalangin sapagkat akoʼy naghihirap at nangangailangan.
2 Ingatan nʼyo ang buhay ko dahil akoʼy tapat sa inyo.
Kayo ang aking Dios, iligtas nʼyo ang inyong lingkod na nagtitiwala sa inyo.
3 Panginoon, maawa kayo sa akin dahil buong araw akong tumatawag sa inyo.
4 Bigyan nʼyo ng kagalakan ang inyong lingkod, Panginoon, dahil sa iyo ako nananalangin.
5 Tunay na napakabuti nʼyo at mapagpatawad,
at puno ng pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa inyo.
6 Pakinggan nʼyo ang aking dalangin, Panginoon.
Ang pagsusumamo koʼy inyong dinggin.
7 Tumatawag ako sa inyo sa oras ng kagipitan dahil sinasagot nʼyo ako.
8 Walang dios na katulad nʼyo, Panginoon;
walang sinumang makakagawa ng mga ginawa ninyo.
9 Ang lahat ng bansa[b] na ginawa nʼyo ay lalapit at sasamba sa inyo.
Pupurihin nila ang inyong pangalan,
10 dahil makapangyarihan kayo at ang mga gawa nʼyo ay kahanga-hanga.
Kayo ang nag-iisang Dios.
11 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong pamamaraan,
at susundin ko ito nang may katapatan.[c]
Bigyan nʼyo ako ng pusong may takot sa inyo.
12 Panginoon kong Dios, buong puso ko kayong pasasalamatan.
Pupurihin ko ang inyong pangalan magpakailanman,
13 dahil ang pag-ibig nʼyo sa akin ay dakila.
Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
14 O Dios, sinasalakay ako ng grupo ng mayayabang na tao para patayin.
Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
15 Ngunit kayo, Panginoon, ay Dios na nagmamalasakit at mahabagin.
Wagas ang pag-ibig nʼyo, at hindi madaling magalit.
16 Bigyang pansin nʼyo ako at kahabagan;
bigyan nʼyo ako ng inyong kalakasan at iligtas ako na inyong lingkod.
17 Ipakita sa akin ang tanda ng inyong kabutihan,
upang makita ito ng aking mga kaaway at nang silaʼy mapahiya.
Dahil kayo, Panginoon, ang tumutulong at umaaliw sa akin.
Pumunta si Jacob sa Egipto
46 Umalis si Jacob papuntang Egipto kasama ang sambahayan niya na dala ang lahat ng kanyang ari-arian. Pagdating niya sa Beersheba, naghandog siya sa Dios ng ama niyang si Isaac.
2 Kinagabihan, nakipag-usap ang Dios sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain. Tinawag ng Dios si Jacob, at sumagot si Jacob sa kanya.
3 Pagkatapos, sinabi niya, “Ako ang Dios, na siyang Dios ng iyong ama. Huwag kang matakot pumunta sa Egipto, dahil gagawin ko kayong isang kilalang bansa roon. 4 Ako mismo ang kasama mo sa pagpunta sa Egipto at muli kitang ibabalik dito sa Canaan. At kung mamamatay ka na, nandiyan si Jose sa iyong tabi.”
5 Pinasakay si Jacob ng mga anak niya sa karwaheng ibinigay ng Faraon para sakyan niya. Pinasakay din nila ang mga asawaʼt anak nila, at lumipat sila mula sa Beersheba. 6-7 Dinala nila ang mga hayop at mga ari-ariang naipon nila sa Canaan. Dinala rin ni Jacob sa Egipto ang lahat ng kanyang lahi: ang mga anak niya at mga apo.
28 Nang hindi pa sila nakakarating sa Egipto, inutusan ni Jacob si Juda na maunang pumunta kay Jose para ituro sa kanila ang lugar ng Goshen. Nang dumating na sina Jacob sa Goshen, 29 sumakay si Jose sa karwahe niya at pumunta roon sa Goshen para salubungin ang kanyang ama. Nang magkita sila, niyakap ni Jose ang kanyang ama at tuloy-tuloy ang pag-iyak niya.
30 Sinabi ni Jacob kay Jose, “Ngayon, handa na akong mamatay dahil nakita na kita ng buhay.”
31 At sinabi ni Jose sa mga kapatid niya at sa buong sambahayan ng kanyang ama, “Aalis ako at sasabihin sa Faraon na narito na ang mga kapatid ko at ang buong sambahayan ng aking ama na nakatira sa Canaan. 32 Sasabihin ko rin sa kanya na nagpapastol kayo ng mga hayop, at dinala ninyo ang mga hayop ninyo at ang lahat ng ari-arian ninyo. 33 Kaya kapag ipinatawag niya kayo at itinanong kung ano ang trabaho ninyo, 34 sabihin nʼyo na nagpapastol kayo ng mga hayop mula pagkabata katulad ng mga magulang ninyo, para patirahin niya kayo sa Goshen. Sapagkat nasusuklam ang mga Egipcio sa mga nagpapastol ng hayop.”
Mga Karapatan at Responsibilidad ng Isang Apostol
9 Hindi baʼt malaya ako? Hindi baʼt isa akong apostol? Hindi baʼt nagpakita mismo sa akin ang ating Panginoong Jesus? Hindi baʼt dahil sa akin kaya kayo naging mga mananampalataya? 2 Kahit hindi man ako kilalanin ng iba bilang apostol, alam kong kikilalanin ninyo ako dahil kayo mismo ang katunayan ng aking pagiging apostol, at dahil sa akin kaya ngayon kayo ay nasa Panginoon. 3 At ito nga ang isinasagot ko sa mga taong hindi kumikilala sa akin bilang apostol.
4 Bilang apostol, wala ba kaming karapatang tumanggap ng pagkain at inumin mula sa mga napangaralan namin? 5 Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang mananampalataya sa aming mga paglalakbay, tulad ng ginagawa ng mga kapatid sa Panginoon, ni Pedro, at ng iba pang mga apostol? 6 Kami lang ba ni Bernabe ang kinakailangang magtrabaho para sa aming ikabubuhay? 7 Mayroon bang sundalo na siya pa ang gumagastos para sa kanyang paglilingkod? Mayroon bang nagtatanim na hindi nakikinabang sa mga bunga nito? At mayroon bang nag-aalaga ng kambing na hindi nakikinabang sa gatas nito?
8 Ang sinasabi kong ito ay hindi lamang opinyon ng tao, kundi itinuturo mismo ng Kautusan. 9 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik.”[a] Ang mga baka lamang ba ang tinutukoy dito ng Dios? 10 Hindi. Maging tayo ay tinutukoy niya, kaya ito isinulat. Sapagkat ang nag-aararo at ang gumigiik ay umaasang makakabahagi sa aanihin. 11 Nagtanim kami sa inyo ng mga espiritwal na pagpapapala. Malaking bagay ba kung umani naman kami ng mga materyal na pagpapala sa inyo? 12 Kung ang ibang mga mangangaral ay may karapatang tumanggap mula sa inyo, hindi baʼt lalo na kami? Ngunit kahit may karapatan kami ay hindi kami humingi sa inyo. Tiniis namin ang lahat upang sa ganoon ay walang maging hadlang sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. 13 Hindi nʼyo ba alam na ang mga naglilingkod sa templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa altar ay tumatanggap din ng parte sa mga bagay na inialay sa altar? 14 Sa ganito rin namang paraan, iniutos ng Panginoon na ang mga tumanggap ng Magandang Balita ay dapat tumulong sa mga pangangailangan ng mga nangangaral ng Magandang Balita para mabuhay sila.
15 Ngunit hindi ko ginamit ang karapatan kong iyan. At hindi ako sumusulat sa inyo upang magbigay kayo sa akin ng tulong. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa sa maalis ang karapatan kong ipagmalaki ito.[b]
Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(A)
30 Bumalik ang mga apostol na inutusan ni Jesus na mangaral, at ikinuwento nila sa kanya ang lahat ng ginawa at ipinangaral nila. 31 Dahil sa dami ng mga taong dumarating at umaalis, wala na silang panahon kahit kumain man lang. Kaya sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iwan muna natin ang mga taong ito. Pumunta tayo sa ilang para makapagpahinga.” 32 Kaya sumakay sila sa isang bangka at pumunta sa isang ilang.
33 Pero marami ang nakakita at nakakilala sa kanila noong umalis sila. Kaya mabilis namang naglakad ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan papunta sa lugar na pupuntahan nina Jesus. At nauna pa silang dumating doon. 34 Kaya nang bumaba si Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila, dahil para silang mga tupa na walang pastol. Kaya tinuruan niya sila ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Nasa ilang po tayo at malapit nang gumabi. 36 Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa mga karatig nayon at bukid para makabili ng pagkain.” 37 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayo ang magpakain sa kanila.” Sumagot sila, “Aabutin po ng walong buwang sahod ang gagastusin para sa kanila! Bibili po ba kami ng ganoong halaga ng tinapay para ipakain sa kanila?” 38 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ba ang dala ninyong tinapay? Sige, tingnan nga ninyo.” Tiningnan nga nila, at sinabi kay Jesus, “Mayroon po tayong limang tinapay at dalawang isda.”
39 Pagkatapos, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na paupuin ng grupo-grupo ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya umupo nga sila ng grupo-grupo, tig-100 at tig-50 bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya para ipamigay sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 42 Kumain silang lahat at nabusog. 43 Pagkatapos, tinipon nila ang natirang tinapay at isda, at nakapuno sila ng 12 basket. 44 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay 5,000.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)
45 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa bayan ng Betsaida, sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 46 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siya sa isang bundok upang manalangin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®