Book of Common Prayer
20 Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa sa batas? Nasaan ang magaling makipagtalo ng kapanahunang ito? Hindi ba't ginawa ng Diyos na kahangalan ang karunungan ng sanlibutan? 21 Sapagkat yamang ayon sa karunungan ng Diyos ay hindi kumilala sa Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng karunungan nito, minabuti ng Diyos na sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral ay iligtas ang mga sumasampalataya. 22 Sapagkat ang mga Judio ay pilit na humihingi ng mga himala, at ang mga Griyego ay naghahanap ng karunungan, 23 subalit ang Cristong ipinako sa krus ang ipinapangaral namin. Para sa mga Judio ito ay katitisuran at sa mga Hentil naman ay kahangalan. 24 Ngunit para sa mga tinawag, Judio man o Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang itinuturing na kahangalan ng Diyos ay higit sa karunungan ng mga tao, at ang itinuturing na kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng mga tao.
26 Mga kapatid, tingnan ninyo ang inyong kalagayan nang kayo ay tinawag: hindi naman marami sa inyo ang marurunong ayon sa pamantayan ng tao, hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang galing sa mararangal na angkan. 27 Sa halip, pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan ng sanlibutan upang hiyain niya ang marurunong, at pinili niya ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan upang hiyain niya ang malalakas. 28 Pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa at minamaliit sa sanlibutan, kahit ang mga bagay na walang halaga upang pawalang-saysay ang mga bagay na mahalaga, 29 upang walang taong makapagmalaki sa harapan ng Diyos. 30 Ngunit dahil sa kanya, kayo ay iniugnay kay Cristo Jesus, na para sa atin ay naging karunungan mula sa Diyos, at naging ating katuwiran, kabanalan, at katubusan. 31 Kaya tulad ng nasusulat, “Hayaang ang nagmamalaki'y ang ipagmagmalaki ay ang Panginoon.”
Ang Pasimula ng Pangangaral sa Galilea(A)
14 Nang maibilanggo na si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at nangaral ng Magandang Balita mula sa Diyos. 15 Sinabi niya, (B) “Dumating na ang takdang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos. Kaya magsisi na kayo at sumampalataya sa Magandang Balitang ito!”
Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad
16 Habang dumaraan si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon at Andres. Naghahagis sila noon ng lambat sa dagat. 17 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.” 18 Kaagad iniwan ng dalawa ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus. 19 Nang makalakad pa nang kaunti ay nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila noon at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila kaagad ni Jesus. Sumunod naman sila sa kanya at iniwan ang ama nilang si Zebedeo at ang kanilang mga upahang tauhan.
Ang Lalaking may Masamang Espiritu(C)
21 Nagpunta sila sa Capernaum, at nang dumating ang araw ng Sabbath ay pumasok sa sinagoga si Jesus at kaagad nagturo. 22 Namangha (D) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya tulad ng may awtoridad at hindi gaya ng mga tagapagturo ng Kautusan. 23 Naroon sa sinagoga ang isang lalaking sinasaniban ng maruming espiritu. Bigla itong sumigaw: 24 “Ano'ng kailangan mo sa amin, Jesus na taga-Nazareth? Pumunta ka ba rito upang puksain kami? Kilala kita—ang Hinirang ng Diyos.” 25 Subalit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu, “Tumahimik ka! Lumayas ka sa kanya!” 26 Pinangisay ng maruming espiritu ang lalaki, nagsisigaw at pagkatapos ay lumabas mula dito. 27 Labis na namangha ang mga tao, at nag-usap-usap, “Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihang inuutusan niya maging ang maruruming espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya!” 28 Mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.