Book of Common Prayer
Tungkulin sa mga nasa Kapangyarihan
13 Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga nasa kapangyarihan[a], sapagkat walang kapangyarihang hindi mula sa Diyos; at ang mga kapangyarihang umiiral ay itinatag ng Diyos. 2 Kaya't ang lumalaban sa maykapangyarihan ay sumasalungat sa itinatag ng Diyos. At ang mga sumasalungat ay tatanggap ng hatol sa kanilang sarili. 3 Ang mga namumuno ay hindi nagdadala ng takot sa mga gumagawa ng mabuti kundi sa mga gumagawa ng masama. Kung ayaw mong matakot sa maykapangyarihan, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka niya. 4 Sapagkat siya'y lingkod ng Diyos sa ikabubuti mo. Ngunit matakot ka kung masama ang ginagawa mo, sapagkat may dahilan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos upang igawad ang poot ng Diyos sa gumagawa ng masama. 5 Kaya nga, dapat kayong pasakop, hindi lamang upang iwasan ang poot ng Diyos, kundi alang-alang na rin sa budhi.[b] 6 Ito (A) rin ang dahilan kung bakit nagbabayad kayo ng buwis. Sapagkat ang mga namamahala ay mga lingkod ng Diyos na nagtalaga ng kanilang sarili sa gawaing ito. 7 Ibigay ninyo sa lahat ang nararapat sa kanila: buwis sa dapat buwisan; bayad sa dapat bayaran; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.
Tungkulin sa Kapatid
8 Huwag kayong manatiling may pagkakautang kaninuman, maliban sa pagkakautang na magmahalan kayo, sapagkat ang nagmamahal sa kanyang kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. 9 Ang (B) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang maging sakim;” at ang iba pang utos, ay nabubuo sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 10 Sapagkat ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa, kaya ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.
11 Gawin ninyo ito dahil alam na ninyong panahon na ngayon upang kayo'y gumising mula sa inyong pagkakahimbing. Ang ating kaligtasan ay mas malapit na ngayon kaysa noong una nang tayo ay sumampalataya. 12 Lumalalim na ang gabi, at papalapit na ang araw. Kaya't hubarin na natin ang mga gawa ng dilim, at isuot ang kasuotang pandigma mula sa liwanag. 13 Mamuhay tayo nang marangal, gaya ng paglakad sa liwanag, hindi sa kalayawan at paglalasing, sa kalaswaan at kahalayan, sa mga away at pagseselos. 14 Sa halip, isapuso ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag bigyang-daan ang hilig ng laman patungo sa mga pagnanasa nito.
33 (A)Sumagot sila sa kanya, “Kami ay mga lahi ni Abraham at kailanma'y hindi naging alipin nino man. Bakit mo sinasabing, ‘magiging malaya kayo’?” 34 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi nananatili sa bahay habang buhay; ang anak ay nananatili habang buhay. 36 Kaya nga kung palalayain kayo ng Anak, magiging malaya nga kayong tunay. 37 Alam kong kayo ay mga lahi ni Abraham; pero pinagsisikapan ninyo akong patayin dahil walang lugar ang salita ko sa inyo. 38 Sinasabi ko kung ano ang nakita ko sa aking Ama, at ginagawa naman ninyo kung ano ang narinig ninyo sa inyong ama.” 39 Sumagot sila at sinabi sa kanya, “Ama namin si Abraham.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gagawin ninyo ang ginawa ni Abraham. 40 Subalit ngayon ay gusto ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko sa Diyos; hindi ito ang ginawa ni Abraham. 41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid, mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako dahil ako ay galing sa Diyos at naparito. Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan, dahil isinugo niya ako. 43 Bakit hindi ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Dahil hindi ninyo kayang pakinggan ang salita ko. 44 (B)Kayo ay mula sa inyong amang diyablo, at ang hangarin ninyo ay gawin ang mga gusto ng ama ninyo. Siya ay mamamatay-tao mula pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsisinungaling, nangungusap siya ayon sa kanyang kalikasan, dahil siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan. 45 Pero dahil nagsasabi ako ng katotohanan, hindi kayo naniniwala sa akin. 46 Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin ng kasalanan? Kung nagsasabi ako ng katotohanan, bakit hindi kayo naniniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos; ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay dahil hindi kayo nagmula sa Diyos.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.