Book of Common Prayer
18 Sa isang dako'y pinawalang bisa ang naunang alituntunin sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang, 19 yamang hindi nagawa ng Kautusan na maging sakdal ang sinuman. Sa kabilang dako nama'y ipinakilala ang higit na mabuting pag-asa, at sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos.
20 At ang pagiging pari ni Jesus ay may kasamang panunumpa, hindi kagaya ng mga nauna na naging pari na walang kasamang panunumpa. 21 Subalit (A) siya ay naging pari na mayroong panunumpa nang sabihin ng Diyos sa kanya,
“Nanumpa ang Panginoon
at hindi siya magbabago ng kanyang isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman.’ ”
22 Dahil dito, si Jesus ang naging katiyakan ng mas mabuting tipan. 23 Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari sapagkat hinahadlangan ng kamatayan ang pagpapatuloy nila sa tungkulin. 24 Subalit dahil nananatili si Jesus magpakailanman, ang kanyang pagkapari ay walang katapusan. 25 Dahil dito, sa lahat ng panahon ay kaya niyang iligtas ang lahat[a] ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.
26 Nararapat lang, kung gayon, na magkaroon tayo ng ganoong Kataas-taasang Pari na banal, walang sala, walang dungis, inihiwalay sa mga makasalanan, at naging mas mataas kaysa mga langit. 27 Hindi (B) katulad ng ibang mga Kataas-taasang Pari, hindi niya kailangang maghandog ng alay araw-araw, una'y para sa kanyang sariling mga kasalanan, at para na rin sa mga kasalanan ng bayan. Nang ihandog niya ang kanyang sarili, ang kanyang handog ay minsan lamang, at ang bisa'y magpakailanman. 28 Sapagkat ang hinihirang ng Kautusan bilang mga Kataas-taasang Pari ay mga taong may kahinaan; ngunit ang salita ng panunumpa sa pagkapari na dumating pagkatapos ng Kautusan ay humirang sa Anak, na ginawang sakdal magpakailanman.
27 Dumating ang kanyang mga alagad at nagtaka sila dahil nakikipag-usap siya sa isang babae, ngunit wala ni isa mang nagtanong sa babae, “Anong gusto mo?” o kay Jesus, “Bakit kayo nakikipag-usap sa kanya?” 28 Pagkatapos ay iniwan ng babae ang kanyang sisidlan ng tubig at umalis papuntang lungsod, at sinabi niya sa mga tao, 29 “Halikayo, tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na nga kaya ang Cristo?” 30 Kaya't sila'y lumabas ng lungsod at nagpunta kay Jesus. 31 Samantala, pinilit siya ng mga alagad niya at sinabi, “Rabbi, kumain po kayo.” 32 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Mayroon akong pagkaing hindi ninyo alam.” 33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “Wala namang nagdala sa kanya ng pagkain, hindi ba?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko'y gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin, at tuparin ang kanyang gawain. 35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan na lang at anihan na?’ Sinasabi ko sa inyo, imulat ninyo ang inyong mga mata at tingnan ninyo ang mga bukirin at handa na ang mga iyon para anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran, at nagtitipon ng bunga tungo sa buhay na walang hanggan. Sa gayon, ang nagtatanim at ang umaani ay magkasalong magagalak. 37 Dahil dito, totoo nga ang kasabihan, ‘Iba ang nagtatanim, at iba naman ang nag-aani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran. Iba ang nagpagod, at kayo'y umaani sa kanilang pinagpaguran.” 39 Maraming taga-Samaria mula sa lungsod na iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa patotoong ito ng babae: “Sinabi niya ang lahat ng ginawa ko.” 40 Kaya noong pumunta sa kanya ang mga taga-Samaria, hiniling nila kay Jesus na manatili sa kanila. Dalawang araw siyang nanatili roon. 41 At marami pa ang sumampalataya dahil sa salita ni Jesus. 42 Sinabi nila sa babae, “Hindi na dahil sa mga salita mo kung bakit kami sumasampalataya, sapagkat kami mismo ang nakarinig sa kanya. Nalalaman naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.