Book of Common Prayer
Ang Pagkapari ni Melquizedek
7 Ang (A) Melquizedek na ito, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ay sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari, at siya’y binasbasan nito. 2 Sa kanya ibinigay ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una sa lahat, si Melquizedek ay hari ng katuwiran; ito ang kahulugan ng kanyang pangalan. At dahil hari siya ng Salem, siya ay hari din ng kapayapaan. 3 Walang binanggit na ama o ina o talaan ng kanyang angkan o maging tungkol sa kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya ay nanatiling pari magpakailanman.
4 Masdan ninyo kung gaano kadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagkaloob sa kanya ng ikasampung bahagi ng kanyang mga nasamsam mula sa labanan. 5 Ang (B) mga pari mula sa angkan ni Levi ay itinatakda ng Kautusan na tumanggap ang ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. 6 Ngunit si Melquizedek, bagamat hindi mula sa lahi ni Levi, ay tumanggap ng ikasampung bahagi mula kay Abraham. At binasbasan ni Melquizedek si Abraham na siyang pinangakuan ng Diyos. 7 Walang alinlangan na ang mas mababa ay tumatanggap ng basbas mula sa mas nakakataas. 8 Sa isang banda, ang mga pari na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay namamatay; sa kabila naman, ang tumanggap ay pinatutunayang nanatiling buháy. 9 Maaari pang sabihin na maging si Levi na tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham, 10 sapagkat nang siya’y salubungin ni Melquizedek, si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong Abraham.
11 Ngayon, kung ang pagiging sakdal ay makakamit sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, yamang tinanggap ng bayan ang Kautusan sa pamamagitan ng mga paring Levita—bakit kinailangan pa na may lumitaw na isang pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek at hindi ayon sa pagkapari ni Aaron? 12 Sapagkat kapag may pagbabago sa pagkapari, kailangan ding may pagbabago sa Kautusan. 13 Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, at mula sa angkang iyon ay wala pang sinuman na naglingkod sa dambana. 14 Maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda, at walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari kaugnay ng liping iyon. 15 Lalo pa itong naging maliwanag nang lumitaw ang isang pari na kagaya ni Melquizedek, 16 siya ay naging pari, hindi dahil sa itinatakda ng batas ukol sa lahing pinagmulan, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa. 17 Sapagkat (C) pinapatotohanan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Humayo ka at tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.” 17 Sumagot ang babae, “Wala akong asawa.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tama ka sa iyong sinabing wala kang asawa, 18 dahil nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.” 19 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, sa tingin ko'y isa kang propeta. 20 Sumamba sa bundok na ito ang aming mga ninuno; ngunit kayong mga Judio'y nagsasabing sa Jerusalem dapat sumamba.” 21 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, maniwala ka sa akin, na darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama hindi sa bundok na ito, ni sa Jerusalem. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala; kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio. 23 Ngunit ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, kung saan ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat ganito ang hinahanap ng Ama na sasamba sa kanya. 24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” 25 Sinabi ng babae sa kanya, “Alam kong darating ang Mesiyas, siya na tinatawag na Cristo; sa pagdating niya, ipaliliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.” 26 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako mismong nagsasalita sa iyo ang tinutukoy mo.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.