Book of Common Prayer
Ang Mensahe para sa Smirna
8 (A) “At sa anghel ng iglesya sa Smirna, isulat mo: Ito ang sinasabi niya na una at huli, na namatay at nabuhay: 9 ‘Alam ko ang iyong pagdurusa at ang iyong pagiging dukha, bagaman ikaw ay mayaman. Alam ko ang paninira sa iyo ng mga nagsasabing sila ay mga Judio ngunit hindi naman, kundi isang sinagoga ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa pagdurusang malapit mo nang maranasan. Mag-ingat kayo dahil malapit nang itapon ng diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang kayo ay subukin. At sa loob ng sampung araw ay magdurusa kayo. Maging tapat ka hanggang kamatayan at igagawad ko sa iyo ang korona ng buhay. 11 Sinumang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay hindi kailanman magdurusa ng ikalawang kamatayan.’
Ang Mensahe para sa Pergamo
12 “At sa anghel ng iglesya sa Pergamo, isulat mo: Ito ang sinasabi niya na may tabak na may dalawang talim na matalas:
13 “Alam ko kung saan ka naninirahan doon, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa aking pangalan, at hindi mo itinakwil ang pananampalataya sa akin maging noong mga araw ng tapat kong saksi na si Antipas, na pinatay diyan sa inyo na tinitirhan ni Satanas. 14 Subalit (B) mayroon akong ilang bagay laban sa iyo: ikaw ay may ilan na naninindigan sa turo ni Balaam, na nagturo kay Balak na maglagay ng dahilan upang magkasala ang Israel at kumain ng pagkaing inialay sa diyus-diyosan at makiapid. 15 Mayroon din sa iyo na naninindigan sa turo ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi ka. Kung hindi, pupuntahan kita agad at makikipagdigma sa kanila gamit ang tabak ng aking bibig. 17 Ang (C) sinumang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya, ang magtagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong manna. Bibigyan ko rin siya ng puting bato na may bagong pangalan na nakasulat dito, na walang nakakaalam kundi ang tumatanggap lamang nito.
13 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat isinasara ninyo ang kaharian ng langit sa harap ng mga tao; palibhasa, kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga nagnanais pumasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok. 14 [Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at idinadahilan pa ninyo ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa.][a] 15 Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang makahikayat ng kahit isa, at kapag nahikayat na siya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno na doble pang masahol kaysa inyong mga sarili.
16 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga bulag na tagaakay. Sinasabi ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng templo, ay wala iyong kabuluhan. Subalit kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng gintong nasa templo, siya ay mananagot.’ 17 Mga hangal at mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpabanal sa ginto? 18 At sinasabi pa ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa pamamagitan ng dambana, wala iyong kabuluhan; subalit kung sinuma'y manumpa sa pamamagitan ng alay na nasa ibabaw ng dambana, siya ay mananagot.’ 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang alay o ang dambana na nagpabanal sa alay? 20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw niyon. 21 At ang nanunumpa sa ngalan ng templo ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa kanya na naninirahan doon. 22 Ang (A) nanunumpa sa ngalan ng langit ay nanunumpa sa harapan ng trono ng Diyos at sa kanyang nakaupo roon.
23 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, (B) mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng inyong mga gulayin gaya ng yerbabuena, ng anis at ng komino, subalit kinakaligtaan ninyo ang mas mahahalagang bagay ng Kautusan tulad ng katarungan, kahabagan, at katapatan. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, nang hindi pinababayaan ang iba. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang niknik, nilulunok naman ninyo ang kamelyo!
25 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punung-puno ang mga ito ng katakawan at kalayawan. 26 Bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan,[b] at magiging malinis din ang labas nito.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.