Book of Common Prayer
Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan
Isang Maskil[a] ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
55 Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
mga daing ko ay huwag namang layuan.
2 Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
sa bigat ng aking mga suliranin.
3 Sa maraming banta ng mga kaaway,
nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
namumuhi sila't may galit ngang tunay.
4 Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
sa aking takot na ako ay pumanaw.
5 Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
sinasaklot ako ng sindak na labis.
6 Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
hahanapin ko ang dakong panatag.
7 Aking liliparin ang malayong lugar,
at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)[b]
8 Ako ay hahanap agad ng kanlungan
upang makaiwas sa bagyong darating.”
9 Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
pati pang-aapi ay nasasaksihan.
12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,
kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
aking kaibigang itinuturing pa!
14 Dati'y kausap ko sa bawat sandali
at maging sa templo, kasama kong lagi.
15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,
ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.
16 Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo;
aking natitiyak, ililigtas ako.
17 Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin.
Aking itataghoy ang mga hinaing,
at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
18 Ililigtas ako mula sa labanan,
at pababaliking taglay ang tagumpay,
matapos gapiin ang mga kaaway.
19 Ang Diyos na hari sa mula't mula pa
ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah)[c]
pagkat ni sa kanya'y wala silang takot,
ayaw nang magbago at magbalik-loob.
20 Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban;
at hindi tumupad sa 'ming kasunduan.
21 Ang dulas ng dila'y parang mantekilya,
ngunit nasa puso pagkapoot niya;
ang mga salita niya'y tulad ng langis,
ngunit parang tabak ang talas at tulis.
22 Ilagak kay Yahweh iyong suliranin,
aalalayan ka't ipagtatanggol rin;
ang taong matuwid, di niya bibiguin.
23 Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao,
O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo.
Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig,
ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig.
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David.
138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
2 Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
5 ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
7 Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
8 O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos
Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
139 Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
2 Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
3 Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
4 Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
5 Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
6 Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.
7 Saan ako magpupunta, upang ako'y makatakas?
Sa iyo bang Espiritu,[a] ako ba'y makakaiwas?
8 Kung langit ang puntahan ko, tiyak na naroroon ka,
sa daigdig ng mga patay, humimlay man ako'y ikaw din ang kasama;
9 kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko'y ang duluhan ng kanluran;
10 tiyak ikaw ay naroon, upang ako'y pangunahan,
matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
11 Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit,
padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid;
12 maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim,
at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning,
madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin.
13 Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14 Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15 Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16 Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17 Tunay,(A) Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18 kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.
19 Ang hangad ko, aking Diyos, patayin mo ang masama,
at ang mga mararahas ay iwanan akong kusa.
20 Mayroon silang sinasabing masasama laban sa iyo,
at kanilang dinudusta, pati na ang pangalan mo.
21 Lubos akong nasusuklam sa sinumang muhi sa iyo,
ang lahat ng nag-aalsa laban sa iyo'y di ko gusto.
22 Lubos akong nagagalit, lubos din ang pagkasuklam,
sa ganoong mga tao ang turing ko ay kaaway.
23 O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip,
subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;
Ang Sagot ng Diyos kay Job
38 Pagkatapos nito, sumagot ang Diyos kay Job sa pamamagitan ng malakas na bagyo,
2 “Sino kang mag-aalinlangan sa aking kaalaman?
Lalo lamang lumilitaw ang iyong kamangmangan.
3 Tumayo ka riyan at magpakalalaki,
tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
4 Nasaan ka nang likhain ko ang mundo?
Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo.
5 Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito?
Sino ang sumukat, alam mo ba ito?
6 Sino ang may hawak ng mga haligi ng mundo?
Sino ang naglagay ng mga panulukang-bato?
7 Noong(A) umagang iyon, ang mga bitui'y nag-awitan,
at mga nilalang sa langit, sa tuwa'y nagsigawan.
8 “Sino(B) ang humarang sa agos ng dagat,
nang mula sa kalaliman ito'y sumambulat?
9 Tinakpan ko ang dagat ng ulap na makapal,
at binalutan ito ng kadiliman.
10 Ang dagat ay nilagyan ko ng hangganan,
upang ito'y manatili sa likod ng mga harang.
11 Sinabi kong sila'y hanggang doon na lang,
at huwag lalampas ang alon na naglalakihan.
12 Job, nakalikha ka ba kahit isang bukang-liwayway?
13 Ang daigdig ba ay naigawa mo ng tanglaw,
upang ang masasama'y mabulabog sa taguan?
14 Malinaw na gaya ng tatak sa putik,
nang makulayan ay tumingkad gaya ng damit.
15 Masasamang tao'y nasisilaw sa liwanag ng araw,
sa paggawa ng karahasan sila'y napipigilan.
16 “Nakapunta ka na ba sa mga bukal ng karagatan?
Ang sahig ng dagat ay iyo bang nalakaran?
17 May nakapagturo na ba sa iyo sa mga pintuan
na pasukan tungo sa madilim na daigdig ng mga patay?
Ang Sulat sa mga Hentil na Sumasampalataya
22 Kaya't minabuti ng mga apostol, ng matatandang pinuno ng iglesya, at ng buong iglesya na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang mga napili nila ay si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas, na mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. 23 Ipinadala nila sa kanila ang sulat na ganito ang nilalaman:
“Kaming mga apostol at ang matatandang pinuno ng iglesya, inyong mga kapatid, ay bumabati sa mga kapatid naming Hentil na nasa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia. 24 Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahan naming galing dito, kahit na hindi namin sila inutusan. At binabagabag nila kayo sa pamamagitan ng kanilang itinuturo, 25 kaya't napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na sina Bernabe at Pablo, 26 mga taong hindi nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Isinugo namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag ang sinasabi sa sulat na ito. 28 Sapagkat minabuti namin at ng Espiritu Santo na huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na ito na talagang kailangan: 29 huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga iyan para sa ikabubuti ninyo. Paalam.”
30 At pinalakad nila ang mga sugo. Pagdating sa Antioquia, tinipon ng mga ito ang mga kapatid at ibinigay ang sulat. 31 Pagkabasa sa sulat, nagalak ang lahat dahil sa mensaheng nagpalakas ng kanilang loob. 32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay maraming itinuro sa mga kapatid na nakapagpasigla at nakapagpatibay ng kanilang pananampalataya. 33 Ang dalawa'y tumigil doon nang kaunting panahon. Pagkatapos, sila'y pinabalik na taglay ang pagbati ng mga kapatid para sa mga nagsugo sa kanila. [34 Ngunit minabuti ni Silas ang manatili doon.][a]
35 Subalit nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, at kasama ng marami pang iba ay nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon.
Ang Balak Laban kay Jesus(A)
45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya. 46 Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Kanilang sinabi, “Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito. 48 Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo at ang ating bansa.”
49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, ay nagsabing, “Wala kayong alam! 50 Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa inyo na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?” 51 Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, nagpahayag siya ng propesiya na dapat mamatay si Jesus alang-alang sa bansa 52 at hindi lamang para sa bansa kundi upang tipunin ang mga anak ng Diyos na nasa iba't ibang dako. 53 Mula noon, pinagplanuhan na nila kung paano maipapapatay si Jesus. 54 Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglakad sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad.
by