Book of Common Prayer
11 Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at mga pagnanasang makasanlibutan, upang mabuhay tayong may pagpipigil sa sarili, matuwid at maka-Diyos sa kasalukuyang panahon, 13 habang hinihintay natin ang katuparan ng ating mapagpalang pag-asa, ang maluwalhating pagdating ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Siya (A) ang naghandog ng kanyang sarili para sa atin upang tayo'y palayain sa lahat ng kasamaan, at linisin upang maging sambayanang kanyang pag-aari at masigasig sa paggawa ng mabuti. 15 Ituro mo ang lahat ng ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan upang magpalakas ng loob ng tao at sa pagsaway. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.
Ang Mabuting Pamumuhay
3 Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga pinuno at maykapangyarihan, maging masunurin, at laging maging handa sa paggawa ng mabuti. 2 Turuan mo rin silang huwag manira ng kapwa, huwag makipag-away, maging mahinahon, at maging magalang sa lahat. 3 Tayo rin noong una ay mga hangal, mga suwail, naliligaw, at naging alipin ng sari-saring pagnanasa at layaw. Namuhay tayo sa kasamaan at inggit. Kinapootan tayo ng iba at sila nama'y kinapootan natin. 4 Ngunit nang mahayag ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, 5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag. Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng paglilinis ng muling kapanganakan at pagbabagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu, 6 na masaganang ibinuhos ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas. 7 Nangyari ito upang tayo'y maging tagapagmana ayon sa pag-asa sa walang hanggang buhay, yamang tayo'y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob. 8 Mapagkakatiwalaan ang salitang ito kaya't nais kong bigyang-diin mo ito sa iyong pagtuturo sa mga mananampalataya sa Diyos upang italaga nila ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti, na siya namang kapaki-pakinabang sa mga tao.
Dinalaw ni Maria si Elizabeth
39 Hindi nagtagal at naghanda si Maria at nagmadaling pumunta sa isang maburol na lupain sa bayan ng Judea. 40 Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. 41 Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumipa ang sanggol sa kanyang sinapupunan at si Elizabeth ay napuspos ng Banal na Espiritu. 42 Sumigaw siya nang malakas, at sinabi niya, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin naman ang bunga ng iyong sinapupunan! 43 Ano ang nangyari at ako ay dinalaw ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay sumipa sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon.”
Umawit ng Papuri si Maria
46 Sinabi (A) ni Maria,
47 “Ang aking kaluluwa'y Panginoon ang dinadakila,
at sa aking Diyos na Tagapagligtas, espiritu ko'y labis ang tuwa.
48 Sapagkat (B) nilingap ang kanyang hamak na alipin.
At mula ngayo'y tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
48 Sapagkat (A) nilingap ang kanyang hamak na alipin.
At mula ngayo'y tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa akin
at banal ang pangalan niyang angkin.
50 Kanyang pagkahabag, lahat ng salinlahi ang abot
sa lahat ng sa kanya tunay na may takot.
51 Siya'y nagpakita ng lakas ng kanyang mga bisig;
pinagwatak-watak niya ang mga palalò sa mga haka ng kanilang puso at isip.
52 Ang (B) mga makapangyarihan mula sa trono'y kanyang ibinagsak,
at ang mga nasa abang kalagayan, kanya namang iniangat.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at ang mayayaman ay kanyang pinaalis na walang dalang baon.
54 Ang Israel na lingkod niya'y kanyang tinulungan,
bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
55 Ito'y (C) bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang salinlahi magpakailanman.”
56 Nanatiling kasama ni Elizabeth si Maria nang may tatlong buwan bago ito umuwi sa kanyang tahanan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.