Book of Common Prayer
4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan—isandaan at apatnapu't apat na libo ang tinatakan, mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel:
5 Sa lipi ni Juda, 12,000;
sa lipi ni Ruben, 12,000;
sa lipi ni Gad, 12,000;
6 sa lipi ni Aser, 12,000;
sa lipi ni Neftali, 12,000;
sa lipi ni Manases, 12,000;
7 sa lipi ni Simeon, 12,000;
sa lipi ni Levi, 12,000;
sa lipi ni Isacar, 12,000;
8 sa lipi ni Zebulun, 12,000;
sa lipi ni Jose, 12,000;
sa lipi ni Benjamin, 12,000.
Ang Makapal na Bilang ng Tao mula sa Bawat Bansa
9 Pagkatapos nito ay tumingin ako, at naroon ang napakakapal na bilang ng taong hindi kayang bilangin ng sinuman, mula sa bawat bansa, mula sa lahat ng lipi, mga bayan, at mga wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, nakasuot ng puting damit at may hawak-hawak na mga sanga ng palma. 10 Sumisigaw sila na nagsasabi,
“Ang kaligtasan ay buhat sa ating Diyos na nakaupo sa trono at sa Kordero!”
11 At lahat ng anghel ay tumayo sa paligid ng trono, sa paligid ng matatanda, at ng apat na buháy na nilalang. Nagpatirapa sila sa harap ng trono at sinamba ang Diyos, 12 na nagsasabi,
“Amen! Sa aming Diyos ang kapurihan,
kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat,
karangalan, kapangyarihan at kalakasan
magpakailanpaman! Amen.”
13 Isa sa matatanda ang nagtanong sa akin, “Sino ang mga ito na nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?” 14 Sinabi ko sa kanya, “Ginoo, (A) ikaw po ang nakaaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa matinding kapighatian; hinugasan nila at pinaputi ang kanilang mga damit sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.
15 Dahil dito, sila'y nasa harap ng trono ng Diyos,
at naglilingkod sa kanya araw-gabi sa kanyang templo,
at sila'y kukupkupin ng nakaupo sa trono.
16 Hindi (B) na sila magugutom ni mauuhaw man;
hindi na sila sasaktan ng sikat ng araw,
o ng anumang nakapapasong init;
17 sapagkat (C) ang Korderong nasa gitna ng trono ang kanilang magiging pastol,
at kanyang aakayin sila tungo sa mga bukal ng tubig ng buhay,
at papahirin ng Diyos ang luha sa kanilang mga mata.”
Ang Talinghaga tungkol sa Binhi ng Mustasa(A)
31 Naglahad siya sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: Kumuha ang isang tao ng isang butil na binhi ng mustasa, at inihasik sa kanyang bukirin. 32 Pinakamaliit man ito sa lahat ng mga binhi, pagtubo nito ay siya namang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging isang puno, kaya't ang mga ibon sa himpapawid ay dumadapo roon at nagpupugad sa kanyang mga sanga.”
Ang Talinghaga tungkol sa Pampaalsa(B)
33 Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa ng tinapay na kinuha ng isang babae, at inihalo sa tatlong takal ng harina, hanggang sa mapaalsa nito ang buong masa.”
Propesiya tungkol sa mga Talinghaga(C)
34 Ang lahat ng mga ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Wala siyang sinabi sa kanila kundi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Ito (D) ay katuparan ng sinabi sa pamamagitan ng propeta,[a]
“Sa pagbigkas ng mga talinghaga, bibig ko'y aking bubuksan,
sasabihin ko ang mga nakatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.