Book of Common Prayer
49 Alalahanin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.
50 Ang inyong mga pangako ang siyang nagpapalakas,
at umaaliw sa akin sa kahirapang aking dinaranas.
51 Palagi akong hinahamak ng mga hambog,
ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong kautusan.
52 Panginoon, inaalala ko ang inyong katarungang ibinigay noong una,
at itoʼy nagbibigay sa akin ng kaaliwan.
53 Akoʼy galit na galit sa masasamang tao,
na ayaw sumunod sa inyong kautusan.
54 Umaawit ako tungkol sa inyong mga tuntunin kahit saan man ako nanunuluyan.
55 Panginoon, sa gabi ay inaalala ko kayo at iniisip ko kung paano ko masusunod ang inyong kautusan.
56 Ito ang aking kagalakan: ang sumunod sa inyong mga tuntunin.
57 Kayo lang Panginoon, ang tangi kong kailangan.
Akoʼy nangangakong susundin ang inyong mga salita.
58 Buong puso akong nakikiusap sa inyo na ako ay inyong kahabagan ayon sa inyong pangako.
59 Pinag-isipan ko kung paano ako namuhay,
at napagpasyahan kong sumunod sa inyong mga turo.
60 Agad kong sinunod ang inyong mga utos.
61 Kahit iginagapos ako ng masasama, hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
62 Kahit hatinggabi ay gumigising ako upang kayoʼy pasalamatan sa inyong matuwid na mga utos.
63 Akoʼy kaibigan ng lahat ng may takot sa inyo at sumusunod sa inyong mga tuntunin.
64 Panginoon, minamahal nʼyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
65 Panginoon, maging mabuti kayo sa akin na inyong lingkod, ayon sa inyong pangako.
66 Bigyan nʼyo ako ng kaalaman at karunungan,
dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos.
67 Nang akoʼy hindi nʼyo pa pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo,
ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.
68 Napakabuti nʼyo at mabuti ang inyong mga ginagawa.
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
69 Kahit na akoʼy sinisiraan ng mga taong mapagmataas, buong puso ko pa ring tinutupad ang inyong mga tuntunin.
70 Hindi sila nakakaunawa ng inyong kautusan,
ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos nang may kagalakan.
71 Mabuti na pinarusahan nʼyo ako,
dahil sa pamamagitan nito natutunan ko ang inyong mga turo.
72 Para sa akin, ang kautusang ibinigay nʼyo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming kayamanan.
Kamangmangan ang Pagtitiwala sa Kayamanan
49 Makinig kayo, lahat ng bansa,
kayong lahat na nananahan dito sa mundo!
2 Dakila ka man o aba,
mayaman ka man o dukha, makinig ka,
3 dahil magsasalita ako na puno ng karunungan,
at puno rin ng pang-unawa ang aking kaisipan.
4 Itutuon ko ang aking pansin sa mga kawikaan,
at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito, habang tinutugtog ko ang alpa.
5 Bakit ako matatakot kung may darating na panganib,
o kung akoʼy mapaligiran ng aking mga kaaway?
6 Sila ay nagtitiwala sa kanilang kayamanan
at dahil dito ay nagmamayabang.
7 Pero walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan,
kahit magbayad pa siya sa Dios.
8 Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay;
hindi sapat ang anumang pambayad
9 upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman,
at hindi na mamatay.
10 Nakikita nga ng lahat, na kahit ang marurunong ay namamatay,
ganoon din ang mga matitigas ang ulo at mga hangal.
At maiiwan nila sa iba ang kanilang kayamanan.
11 Ang kanilang libingan ay magiging bahay nila magpakailanman.
Doon sila mananahan,
kahit may mga lupaing nakapangalan sa kanila.
12 Kahit tanyag ang tao, hindi siya magtatagal;
mamamatay din siya katulad ng hayop.
13 Ganito rin ang kahihinatnan ng taong nagtitiwala sa sarili,
na nasisiyahan sa sariling pananalita.
14 Silaʼy nakatakdang mamatay.
Tulad sila ng mga tupa na ginagabayan ng kamatayan patungo sa libingan.[a]
(Pagsapit ng umaga, pangungunahan sila ng mga matuwid.)
Mabubulok ang bangkay nila sa libingan,
malayo sa dati nilang tirahan.
15 Ngunit tutubusin naman ako ng Dios
mula sa kapangyarihan ng kamatayan.
Tiyak na ililigtas niya ako.
16 Huwag kang mangamba kung yumayaman ang iba
at ang kanilang kayamanan ay lalo pang nadadagdagan,
17 dahil hindi nila ito madadala kapag silaʼy namatay.
Ang kanilang kayamanan ay hindi madadala sa libingan.
18 Sa buhay na ito, itinuturing nila na pinagpala sila ng Dios,
at pinupuri din sila ng mga tao dahil nagtagumpay sila.
19 Ngunit makakasama pa rin sila ng kanilang mga ninunong namatay na,
doon sa lugar na hindi sila makakakita ng liwanag.
20 Ang taong mayaman na hindi nakakaunawa ng katotohanan
ay mamamatay katulad ng mga hayop.
Ang Kasamaan ng Tao
(Salmo 14)
53 “Walang Dios!”
Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
Ni isa ay walang gumagawa ng mabuti.
2 Mula sa langit, tinitingnan ng Dios ang lahat ng tao,
kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
3 Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.
4 Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
At hindi sila nananalangin sa Dios.
5 Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
sa takot na kahit kailan ay hindi pa nila nararanasan,
samantalang ikakalat naman ng Dios ang mga buto ng mga sumasalakay sa inyo.
Mailalagay sila sa kahihiyan,
dahil itinakwil sila ng Panginoon.
6 Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Dios,
kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.
Pumayag si Haring Darius sa Muling Pagpapatayo ng Templo
6 Kaya nag-utos si Haring Darius na saliksikin ang mga kasulatang nakatago sa lalagyan ng mga kayamanan doon sa Babilonia. 2 Ngunit sa matatag na lungsod ng Ecbatana, na sakop ng lalawigan ng Media, nakita ang isang nakarolyong kasulatan na may nakasulat na:
3 “Ang kasulatang ito ay nagpapaalala na sa unang taon ng paghahari ni Cyrus, nag-utos siya na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem kung saan iniaalay ang mga handog. Dapat matibay ang pundasyon nito. At dapat 90 talampakan ang taas at 90 talampakan din ang luwang nito. 4 Ang bawat tatlong patong ng malalaking bato nito ay papatungan ng isang troso. Ang lahat ng gastos ay kukunin sa pondo ng kaharian. 5 Ang mga kagamitang ginto at pilak sa templo ng Dios na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ibalik sa lalagyan nito sa templo ng Jerusalem.”
6 Kaya nagpadala si Haring Darius ng mensahe kay Tatenai, na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates, kay Shetar Bozenai, at sa mga kapwa nila opisyal sa lalawigang iyon:
7 “Lumayo kayo riyan sa templo ng Dios. Huwag na ninyong pakialaman ang pagpapatayo nito. Pabayaan nʼyo na lang ang gobernador at ang iba pang mga tagapamahala ng mga Judio sa pagpapatayo nito sa dati nitong kinatatayuan.
8 “Iniuutos ko rin na tulungan nʼyo ang mga tagapamahala ng mga Judio na mabayaran agad ang lahat ng gastusin para hindi maabala ang pagtatrabaho nila. Kunin nʼyo ang bayad sa pondo ng kaharian na nanggagaling sa mga buwis ng lalawigan ninyo. 9 Dapat nʼyong bigyan araw-araw ang mga pari sa Jerusalem ng mga pangangailangan nila gaya ng batang toro, lalaking tupa, at batang lalaking tupa bilang handog na sinusunog para sa Dios ng kalangitan,[a] pati na rin trigo, asin, katas ng ubas, at langis. Dapat hindi kayo pumalya sa pagbibigay, 10 para makapag-alay sila ng mga handog na makakalugod sa Dios ng kalangitan, at maipanalangin nila ako at ang mga anak ko.
11 “Iniuutos ko rin na ang sinumang hindi tutupad nito ay tutuhugin ng kahoy na tinanggal sa bahay niya, at ang bahay niya ay gigibain hanggang sa wala nang bahagi nito ang maiwang nakatayo.[b] 12 Nawaʼy ang Dios na pumili sa Jerusalem bilang lugar kung saan siya sasambahin, ang siyang lumipol sa kahit sinong hari o kayaʼy bansa na hindi tutupad sa utos na ito at gigiba ng templong ito sa Jerusalem.
“Ako, si Darius, ang nag-utos nito. Dapat itong tuparin.”
Itinalaga ang Templo
13 Tinupad nila Tatenai na gobernador, Shetar Bozenai, at ng mga kasama nila ang utos ni Haring Darius. 14 Kaya patuloy na nagtrabaho ang mga tagapamahala ng mga Judio habang pinapalakas sila ng mga mensahe ng mga propeta na sina Hageo at Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang templo ayon sa utos ng Dios ng Israel na ipinatupad nina Cyrus, Darius, at Artaserses, na magkakasunod na mga hari ng Persia. 15 Natapos ang templo nang ikatlong araw ng ika-12 buwan, na siyang buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Darius.
16 Masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng templo ng Dios ang mamamayan ng Israel – ang mga pari, mga Levita, at ang iba pang bumalik galing sa pagkabihag. 17 Sa pagtatalagang ito ng templo ng Dios, naghandog sila ng 100 toro, 200 lalaking tupa, at 400 batang lalaking tupa. Naghandog din sila ng 12 lalaking kambing bilang handog sa paglilinis[c] ng bawat lahi ng Israel. 18 Itinalaga nila ang mga pari at mga Levita sa kani-kanilang tungkulin sa templo ng Jerusalem ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises.
Ang Pista ng Paglampas ng Anghel
19 Nang ika-14 na araw ng unang buwan, nang sumunod na taon, ipinagdiwang ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 20 Nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili para maging karapat-dapat sila sa pangunguna nila sa mga seremonya. Pagkatapos, kinatay ng mga Levita ang mga tupang handog sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Ginawa nila ito para sa lahat ng bumalik galing sa pagkabihag, para sa mga paring kamag-anak nila, at para sa sarili nila. 21 Ang mga handog na ito ay kinain ng mga Israelitang bumalik galing sa pagkabihag at ng ibang mga taong nakatira roon na tumalikod na sa mga ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Tumalikod sila sa mga bagay na ito para sambahin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 22 Sa loob ng pitong araw ipinagdiwang nila nang may kagalakan ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Sapagkat binigyan sila ng Panginoon ng kagalakan nang binago niya ang puso ng hari ng Asiria para tulungan sila sa paggawa ng templo ng Dios, ang Dios ng Israel.
Ang Kasulatan at ang Tupa
5 Pagkatapos nito, nakita ko ang nakarolyong kasulatan na hawak-hawak ng nakaupo sa trono sa kanang kamay niya. May nakasulat sa magkabilang panig nito, at may pitong selyo[a] para hindi mabuksan. 2 At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na sumisigaw, “Sino ang karapat-dapat na magtanggal ng mga selyo at nang mabuksan ang kasulatang ito?” 3 Pero walang isa man sa langit, sa lupa o sa ilalim ng lupa na makapagbukas ng kasulatan upang mabasa ang nakasulat doon. 4 Umiyak ako nang labis dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at bumasa ng kasulatang iyon. 5 Sinabi sa akin ng isa sa mga namumuno, “Huwag kang umiyak dahil si Jesus na tinaguriang Leon mula sa lahi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay at karapat-dapat siyang magtanggal ng pitong selyo upang mabuksan ang kasulatan.”
6 Pagkatapos, nakita ko ang isang Tupa[b] na mukhang pinatay, pero nakatayo na sa pagitan ng mga namumuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buhay na nilalang. Mayroon itong pitong sungay at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Dios[c] na isinugo sa lahat ng lugar sa mundo. 7 Lumapit ang Tupa sa trono at kinuha niya ang kasulatan sa kanang kamay ng nakaupo roon. 8 Nang kunin niya iyon, lumuhod sa harap ng Tupa ang apat na buhay na nilalang at ang 24 na namumuno at sumamba sa kanya. Ang bawat isa sa kanila ay may hawak na gintong sisidlan na puno ng insenso, na siyang panalangin ng mga pinabanal.[d] May alpa[e] rin silang tinutugtog, 9 at umaawit sila ng bagong awit na ito:
“Kayo po ang karapat-dapat na kumuha ng kasulatan at magtanggal ng mga selyo nito,
dahil kayo ay pinatay, at sa pamamagitan ng inyong dugo ay tinubos nʼyo ang mga tao para sa Dios.
Ang mga taong ito ay mula sa bawat angkan, wika, lahi, at bansa.
10 Ginawa nʼyo silang mga hari at mga pari upang maglingkod sa ating Dios.
At maghahari sila sa mundo.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(A)
10 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa pagtuturo sa mga tao?” 11 Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios,[a] pero hindi ito ipinagkaloob sa iba. 12 Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng higit na pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya. 13 Kaya nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, dahil tumitingin sila pero hindi nakakakita, at nakikinig pero hindi naman nakakaunawa. 14 Sa kanila natupad ang sinabi noon ni Isaias:
‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa.
Tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita.
15 Dahil matigas ang puso ng mga taong ito.
Tinakpan nila ang kanilang mga tainga,
at ipinikit ang kanilang mga mata,
dahil baka makakita sila at makarinig,
at maunawaan nila kung ano ang tama,
at magbalik-loob sila sa akin,
at pagalingin ko sila.’[b]
16 Ngunit mapalad kayo, dahil nakakakita kayo at nakakaunawa. 17 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maraming propeta at matutuwid na tao noon ang naghangad na makakita at makarinig ng nakikita at naririnig ninyo ngayon, pero hindi ito nangyari sa kanilang panahon.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®