Book of Common Prayer
Ang Tulong para sa mga Kapatid
16 At (A) tungkol naman sa ambag para sa mga banal: gawin din ninyo kung ano ang itinagubilin ko sa mga iglesya sa Galacia. 2 Tuwing unang araw ng linggo, ang bawat isa sa inyo ay magbukod at maglaan ng halaga ayon sa kanyang kinita, upang huwag nang magkaroon ng mga ambagan pagpunta ko. 3 At pagdating ko riyan, ang mga taong inyong mapili ay aking isusugo na may dalang mga sulat upang maghatid ng inyong kaloob sa Jerusalem. 4 Kung kinakailangan kong pumunta ay sasamahan nila ako.
Plano ni Pablo sa Paglalakbay
5 Dadalawin (B) ko kayo pagdaan ko sa Macedonia, sapagkat daraan ako roon. 6 At maaaring tumigil muna ako riyan sa inyo o kaya'y magpalipas ng taglamig, upang ako'y maihatid ninyo, saan man ako pumunta. 7 Ayaw kong maging sandali lang ang ating pagkikita; kung loloobin ng Panginoon, ibig kong magtagal-tagal diyan na kasama ninyo. 8 Ngunit (C) titigil ako sa Efeso hanggang araw ng Pentecostes, 9 sapagkat (D) nabuksan para sa akin ang isang maluwang na pintuan tungo sa makabuluhang gawain, bagama't maraming sumasalungat.
15 Subalit alam ito ni Jesus kaya't umalis siya roon. Sumunod sa kanya ang napakaraming tao, at silang lahat ay kanyang pinagaling. 16 Ipinagbilin niya sa kanila na huwag nilang ipamamalita ang tungkol sa kanya. 17 Naganap ito bilang katuparan ng sinabi sa pamamagitan ni Propeta Isaias, na nagsasaad:
18 “Masdan ninyo ang hinirang kong lingkod,
ang aking iniibig, na sa kanya ang kaluluwa ko'y nalulugod.
Ilalagay ko ang aking Espiritu sa kanya,
at sa mga bansa ang katarungan ay ipahahayag niya.
19 Hindi siya makikipag-away o sisigaw man,
at walang makaririnig ng kanyang tinig sa mga lansangan.
20 Nagalusang tambo ay hindi niya babaliin,
nagbabagang mitsa ay hindi niya papatayin,
hanggang ang katarungan ay maihatid niya sa tagumpay;
21 at magkakaroon ng pag-asa ang mga bansa sa kanyang pangalan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.