Book of Common Prayer
12 Tumahimik ang buong kapulungan at pinakinggan ang salaysay nina Bernabe at Pablo tungkol sa mga himala at kababalaghang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila. 13 Pagkatapos nila, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. 14 Ipinaliwanag na ni Simon[a] kung paanong unang dinalaw ng Diyos ang mga Hentil, upang sila rin ay maging bayan para sa kanyang pangalan. 15 Sumasang-ayon dito ang mga salita ng mga propeta, tulad ng nasusulat,
16 ‘Pagkatapos (A) ng mga ito, ako'y babalik,
at muli kong itatayo ang bumagsak na tolda ni David;
muli ko itong ibabangon mula sa pagkaguho,
17 upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon,
at ng lahat ng mga Hentil na tinatawag sa aking pangalan,
sabi ng Panginoon na gumawa ng mga ito,
18 na nagpakilala mula noong una.’
19 Kaya't ako'y humahatol na huwag na nating pahirapan ang mga Hentil na nagbabalik-loob sa Diyos. 20 Sa (B) halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng mga pagkaing pinarumi dahil ihinandog sa diyus-diyosan, huwag makiapid, at huwag kumain ng dugo at ng hayop na binigti. 21 Sapagkat noong araw pa ay ipinangangaral na ang Kautusan ni Moises sa bawat lungsod at binabasa sa mga sinagoga tuwing Sabbath.”
Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Isang Babae(A)
21 Nang muling makatawid si Jesus sa ibayo, nasa tabi pa lamang siya ng lawa ay pinalibutan siya ng napakaraming tao. 22 Dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita kay Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito. 23 Nagmakaawa si Jairo kay Jesus, “Kung maaari ay sumama po kayo sa akin. Nag-aagaw-buhay na ang aking munting anak na babae. Ipatong po ninyo sa kanya ang inyong mga kamay upang siya'y gumaling at mabuhay!” 24 Sumama naman si Jesus.
Napakaraming tao ang sumunod sa kanya, kaya't siya'y nasisiksik. 25 Kabilang sa naroon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Maraming hirap na ang kanyang dinanas dahil sa maraming manggagamot. Naubos na niya ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot. Ngunit sa halip na gumaling, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, nakipagsiksikan siya sa karamihan hanggang makalapit sa kanyang likuran, at hinawakan ang damit nito. 28 Ganito ang nasa isip niya, “Tiyak na gagaling ako mahawakan ko lang ang kanyang damit.” 29 Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo, at naramdaman niya sa kanyang katawan na magaling na siya. 30 Naramdaman naman ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't lumingon siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humawak sa damit ko?” 31 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong sinisiksik kayo ng maraming tao, bakit ninyo itatanong kung sino ang humawak sa inyo?” 32 Subalit tumingin pa rin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang humawak sa kanya. 33 Dahil alam ng babae ang nangyari sa kanya, nanginginig siya sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa sa harap niya, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Lumakad kang payapa. Tapos na ang iyong pagdurusa. Magaling ka na.”
35 Nagsasalita pa siya nang may mga taong dumating galing sa bahay ni Jairo. “Namatay na ang anak mong babae,” sabi nila. “Bakit mo pa inaabala ang Guro?” 36 Ngunit hindi pinansin[a] ni Jesus ang kanilang sinabi. Sa halip, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; basta manalig ka.” 37 Wala siyang isinama kundi sina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang makarating sila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, nakita niya ang pagkakagulo, ang mga pagtangis at pagtaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, natutulog lang.” 40 Pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat at pumasok sa silid na kinaroroonan ng bata, kasama ang ama at ina nito, pati ang mga alagad na kasama niya. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Talitha cum,”[b] na ang ibig sabihin ay “Neneng, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!” 42 Kaagad namang bumangon ang batang babae at lumakad-lakad. Siya'y labindalawang taong gulang na. Labis na namangha ang lahat. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sabihin ang pangyayaring ito kaninuman. Pagkatapos, iniutos niyang pakainin ang bata.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.