Book of Common Prayer
44 Nang sumunod na Sabbath ay nagtipon ang halos buong lungsod upang pakinggan ang salita ng Panginoon.[a] 45 Nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, napuno sila ng inggit, kaya sinalungat nila ang mga sinasabi ni Pablo at nilait siya. 46 Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana kailangang ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Kaya't sa mga Hentil na kami pupunta. 47 Ganito (A) ang iniutos sa amin ng Panginoon,
‘Inilagay kitang isang ilaw sa mga Hentil,
upang ikaw ay maghayag ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’ ”
48 Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at pinarangalan ang salita ng Panginoon; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga para sa buhay na walang hanggan.
49 Kaya't lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain. 50 Subalit inudyukan ng mga Judio ang mga babaing relihiyosa at iginagalang sa lipunan, gayundin ang mga pangunahing lalaki sa lungsod. Nagsimula sila ng pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe, at sila'y pinalayas nila sa kanilang lupain. 51 Kaya't (B) ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa tagaroon, at pagkatapos ay nagtungo sa Iconio. 52 At ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Banal na Espiritu.
Ang Talinghaga ng Manghahasik(A)
4 Muling (B) nagturo si Jesus sa tabi ng lawa. Napakaraming tao ang nagtipon sa palibot niya, kaya't sumakay siya sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang mga tao nama'y nasa dalampasigan. 2 Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya sa kanila, 3 “Makinig kayo! May isang manghahasik ang lumabas upang maghasik ng binhi. 4 Sa kanyang paghahasik ang ilang binhi ay nahulog sa tabing daan. Dumating ang mga ibon at kinain ito. 5 May mga binhi namang nahulog sa batuhang may manipis na lupa. Agad sumibol ang mga binhi sapagkat ang lupa ay hindi malalim. 6 Nang sumikat ang araw, nalanta at natuyo ang mga pananim, dahil walang gaanong ugat. 7 May mga binhi namang nalaglag sa tinikan. Lumago ang mga tinik at sinakal ang binhing tumubo kaya't hindi namunga. 8 Ang ibang binhi ay nalaglag sa matabang lupa. Tumubo ang mga ito, lumago at namunga nang marami—may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-isandaan.” 9 Sinabi ni Jesus, “Ang may pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)
10 Nang nag-iisa na siya, nilapitan si Jesus ng ilang nakikinig, kasama ang labindalawa. Itinanong nila ang kahulugan ng talinghaga. 11 Sinabi niya, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng paghahari ng Diyos. Ngunit sa kanilang nasa labas, sinasabi ang lahat sa pamamagitan ng talinghaga. 12 Kaya nga (D)
‘tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita;
at makinig man nang makinig ay hindi sila makauunawa;
baka sila'y magbalik-loob at patawarin.’ ”
13 Tinanong sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang talinghaga? 14 Ang naghahasik ay naghahasik ng Salita. 15 May mga taong tulad ng binhing nahasik sa daan. Matapos silang makinig, agad dumarating si Satanas at inaagaw ang salitang inihasik sa kanila. 16 Ang iba nama'y tulad ng mga nahasik sa batuhan. Nang marinig nila ang salita, buong galak nila itong tinanggap. 17 Ngunit dahil walang ugat, sandali lamang silang nagtatagal at madali silang tumalikod pagdating ng kapighatian o mga pag-uusig dahil sa Salita. 18 Ang iba nama'y tulad ng nahasik sa tinikan. Nakinig sila sa Salita, 19 ngunit dahil sa mga alalahanin sa buhay na ito, daya ng kayamanan, at pagnanasa sa ibang bagay, nawawalan ng puwang ang Salita sa kanilang puso at ito'y hindi makapamunga. 20 Ang iba nama'y tulad ng nahasik sa matabang lupa. Nakinig sila sa Salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.