Book of Common Prayer
4 Si Cristo ang katuparan ng Kautusan upang maging matuwid ang bawat sumasampalataya sa kanya.
Kaligtasan para sa Lahat
5 Ganito (A) ang sinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang taong gumagawa ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.” 6 Ngunit (B) ganito naman ang sinasabi ng pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’ ”—ito ay upang ibaba si Cristo. 7 “O, ‘Sino ang lulusong sa kailaliman?’ ”—ito ay upang iahon si Cristo mula sa mga patay. 8 Ngunit ano ang sinasabi nito? “Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong bibig, at nasa iyong puso.” Ito ang salita ng pananampalataya na aming ipinapangaral. 9 Sapagkat kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon, at sasampalataya ka nang buong puso na binuhay siyang muli ng Diyos mula sa kamatayan ay maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng puso tungo sa pagiging matuwid at nagpapahayag sa pamamagitan ng bibig tungo sa kaligtasan. 11 Sinasabi (C) ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” 12 Walang pagkakaiba ang Judio at Griyego, sapagkat iisa ang Panginoon ng lahat, at siya'y mapagpala sa lahat ng tumatawag sa kanya. 13 Sapagkat, (D) “Ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.” 14 Ngunit paano sila tatawag sa hindi nila sinampalatayanan? Paano naman sila sasampalataya sa hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral? 15 At (E) paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? Gaya ng nasusulat, “Napakaganda ng mga paang nagdadala ng mabuting balita!” 16 Subalit (F) hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?” 17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang naririnig ay sa pamamagitan ng pangangaral ng salita ni Cristo.[a]
29 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Ipinagtatayo ninyo ng mga libingan ang mga propeta, at pinagaganda ang mga bantayog ng mga matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung nabuhay kami noong panahon ng aming mga ninuno, hindi kami sasali sa kanila sa pagpapadanak ng dugo ng mga propeta.’ 31 Kaya't kayo na rin ang nagpapatotoo laban sa inyong mga sarili, na kayo'y kalahi ng mga pumaslang sa mga propeta. 32 Punuin na ninyo ang salop ng inyong mga ninuno. 33 Mga (A) ahas! Mga anak ng mga ulupong! Paano ninyo matatakasan ang parusa sa impiyerno?[a] 34 Tandaan ninyo, dahil dito'y nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng matatalino, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus. Ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at tutugisin sa bayan-bayan. 35 Sa gayong paraan (B) ay mabubuntong lahat sa inyo ang walang salang dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa, mula sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias, anak ni Baraquias, na inyong pinaslang sa pagitan ng dakong banal at ng dambana. 36 Tinitiyak ko sa inyo, ang lahat ng mga ito ay sasapit sa salinlahing ito.
Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem(C)
37 “Jerusalem, Jerusalem! Ang lungsod na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Ilang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo! 38 Tingnan (D) ninyo, sa inyo'y iniiwang giba ang inyong bahay. 39 At (E) sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita hanggang sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.