Book of Common Prayer
19 Pagkatapos niyang kumain ay nanumbalik ang kanyang lakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.
Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco
20 Agad ipinangaral ni Saulo sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos. 21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang lalaki na noong nasa Jerusalem ay pumuksa sa mga tumatawag sa pangalan ni Jesus?” tanong nila. “Hindi ba't naparito siya upang sila'y dalhing bihag sa harap ng mga punong pari?” 22 Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo. 23 Pagkalipas (A) ng maraming araw, may mga Judio na nagbalak na siya'y patayin. 24 Kaya't binantayan nila ang mga pintuang-bayan araw at gabi sa pag-aabang kay Saulo upang patayin siya. Ngunit ang kanilang balak ay nalaman ni Saulo. 25 Kinagabihan, kinuha siya ng kanyang mga alagad, inilagay siya sa isang tiklis at ibinaba sa kabila ng pader.
Si Saulo sa Jerusalem
26 Nang siya'y dumating sa Jerusalem, sinikap niyang makisama sa mga alagad. Ngunit silang lahat ay takòt sa kanya sapagkat hindi sila makapaniwalang isa na siyang alagad. 27 Kaya't iniharap siya ni Bernabe sa mga apostol, at isinalaysay nito sa kanila kung paanong nagpakita at nakipag-usap kay Saulo ang Panginoon noong siya'y nasa daan papuntang Damasco. Sinabi rin nito kung paanong si Saulo ay buong tapang na nangaral sa Damasco sa pangalan ni Jesus. 28 Mula noo'y kasa-kasama na nila si Saulo sa Jerusalem, 29 at buong tapang na nangangaral sa pangalan ng Panginoon. Nakipag-usap at nakipagtalo rin siya sa mga Helenista kaya't siya'y pinagsikapan nilang patayin. 30 Nang malaman ito ng mga kapatid, inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinapunta sa Tarso. 31 Sa gayo'y naging mapayapa ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria. Tumatag ito at lumaganap sa patnubay ng Banal na Espiritu, at namuhay na may takot sa Panginoon.
Ang Kamatayan ni Jesus(A)
44 Noon ay magtatanghaling-tapat na,[a] at ang buong lupain ay nabalot ng dilim hanggang ikatlo ng hapon.[b] 45 Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng templo ay nahati sa dalawa. 46 Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa iyong mga kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito'y nalagutan siya ng hininga. 47 Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” 48 At nang makita ng lahat ng mga taong nagkakatipon doon ang nangyaring ito ay umuwi silang matindi ang kalungkutan. 49 Ngunit ang lahat ng mga kakilala niya, kabilang ang ilang kababaihan ay nakatayo sa di-kalayuan at pinagmamasdan ang mga pangyayari.
Ang Paglilibing kay Jesus(B)
50 May isang lalaking mabuti at matuwid na ang pangalan ay Jose, na bagama't kabilang sa Sanhedrin, 51 ay hindi sang-ayon sa kanilang kapasyahan at ginawa. Siya ay taga-Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at naghihintay siya sa paghahari ng Diyos. 52 Lumapit ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Ibinaba niya ang bangkay, binalot sa telang lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Doon ay wala pang naililibing. 54 Noon ay araw ng Paghahanda at malapit na ang Sabbath. 55 Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay. 56 Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira. Nang dumating ang Sabbath ay nagpahinga sila ayon sa Kautusan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.