Book of Common Prayer
5 Bawat Kataas-taasang Pari ay pinili mula sa mga tao at itinalaga upang mangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos para sa kanilang kapakanan—ang maghandog ng mga kaloob at ng mga alay para sa mga kasalanan. 2 May kakayanan siyang makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, dahil siya mismo ay mayroon ding kahinaan. 3 Dahil (A) dito ay kailangan niyang maghandog para sa kanyang sariling mga kasalanan, kung paanong kailangan din niyang maghandog para sa kasalanan ng taong-bayan. 4 Hindi (B) maaaring kunin ng sinuman sa kanyang sariling kagustuhan ang karangalan ng pagiging Kataas-taasang Pari malibang siya ay tinawag ng Diyos tulad ni Aaron.
5 Gayundin (C) si Cristo; hindi niya pinarangalan ang kanyang sarili upang maging Kataas-taasang Pari. Sa halip, siya ay itinalaga ng Diyos na nagsabi sa kanya,
“Ikaw ang Anak ko,
Ako, sa araw na ito, ang nagsilang sa iyo.”
6 Sinabi (D) rin niya sa ibang bahagi ng Kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
7 Noong (E) nabubuhay pa si Jesus dito sa lupa,[a] kalakip ang malakas na pagtangis at pagluha ay naghandog siya ng mga panalangin at mga pakiusap sa Diyos na may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang banal na pagpapasakop. 8 Kahit na siya'y Anak, natutunan niya ang pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis. 9 Nang siya ay naging ganap, siya ang pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya; 10 yamang siya'y itinalaga ng Diyos bilang Kataas-taasang Pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Si Jesus at ang Babaing Taga-Samaria
4 Nang malaman ni Jesus na narinig ng mga Fariseo na siya ay nakahihikayat ng mas maraming alagad at nagbabautismo ng mas marami kaysa kay Juan— 2 bagama't hindi naman si Jesus ang nagbabautismo kundi ang kanyang mga alagad,— 3 umalis siya ng Judea at nagtungo muli sa Galilea. 4 Kailangan niyang dumaan sa Samaria, 5 (A)kaya nakarating siya sa Sicar, isang bayan ng Samaria, malapit sa bukirin na ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose. 6 Naroon ang balon ni Jacob, kaya't nang mapagod si Jesus mula sa kanyang paglalakbay, umupo siya sa tabi niyon. Magtatanghaling tapat[a] na noon 7 nang may isang Samaritanang dumating upang sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pahingi nga ng inumin.” 8 (Ang kanyang mga alagad ay nakaalis na noon patungong bayan upang bumili ng pagkain.) 9 (B)Sinabi ng Samaritana sa kanya, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka humihingi ng tubig sa akin na isang Samaritana?” (Dahil ang mga Judio ay hindi nakikitungo sa mga Samaritano.) 10 Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos at kung sino itong nagsasabi sa iyo, ‘Pahingi ng inumin,’ ikaw pa ang hihingi sa kanya, at bibigyan ka niya ng tubig ng buhay.” 11 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon; saan ka kukuha ng tubig ng buhay? 12 Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Jacob na nagbigay ng balon sa amin, at siya mismo'y uminom mula rito, pati na rin ang kanyang mga anak at mga hayop?” 13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang sinumang uminom sa tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 subalit, ang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na kailanman mauuhaw. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging bukal ng tubig sa kanya patungo sa buhay na walang hanggan.” 15 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito nang hindi na ako mauhaw at hindi na rin pumarito para mag-igib.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Humayo ka at tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.” 17 Sumagot ang babae, “Wala akong asawa.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tama ka sa iyong sinabing wala kang asawa, 18 dahil nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.” 19 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, sa tingin ko'y isa kang propeta. 20 Sumamba sa bundok na ito ang aming mga ninuno; ngunit kayong mga Judio'y nagsasabing sa Jerusalem dapat sumamba.” 21 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, maniwala ka sa akin, na darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama hindi sa bundok na ito, ni sa Jerusalem. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala; kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio. 23 Ngunit ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, kung saan ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat ganito ang hinahanap ng Ama na sasamba sa kanya. 24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” 25 Sinabi ng babae sa kanya, “Alam kong darating ang Mesiyas, siya na tinatawag na Cristo; sa pagdating niya, ipaliliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.” 26 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako mismong nagsasalita sa iyo ang tinutukoy mo.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.