Book of Common Prayer
11 Kaya't magsikap tayong pumasok sa kapahingahang iyon, upang walang sinumang mabuwal dahil sa pagsunod sa halimbawa ng pagsuway ng mga Israelita noon.
12 Sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy, mabisa, at higit na matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim. Tumatagos ito hanggang sa pagitan ng kaluluwa at ng espiritu, hanggang sa mga kasukasuan at utak sa buto; at may kakayahang kumilala ng mga pag-iisip at mga hangarin ng puso. 13 Walang nilalang na makapagtatago sa harapan ng Diyos na ating pagsusulitan. Sa mga mata niya ang lahat ng bagay ay hubad at hayag.
Si Jesus ang Dakilang Kataas-taasang Pari
14 Kaya nga, dahil mayroon tayong isang Dakilang Kataas-taasang Pari na pumasok na sa kalangitan, at iyon ay si Jesus na Anak ng Diyos, matatag nating panghawakan ang ating ipinahahayag. 15 Sapagkat mayroon tayong Kataas-taasang Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan. Tulad natin ay tinukso rin siya sa lahat ng mga paraan, gayunma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't lumapit tayo na may lakas ng loob sa trono ng biyaya, upang tumanggap tayo ng awa, at makatagpo ng biyaya na makatutulong sa panahon ng ating pangangailangan.
Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo
22 Pagkatapos ng mga ito, nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at doo'y nanatili siya kasama nila at nagbautismo. 23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon malapit sa Salim dahil maraming tubig doon. Maraming tao ang dumating at nabautismuhan. 24 (A)(Hindi pa nakakulong si Juan nang mga panahong ito.) 25 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't lumapit sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Rabbi, ang taong kasama mo sa kabila ng Jordan, na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo. Pumupunta sa kanya ang lahat.” 27 Sumagot si Juan, “Hindi makatatanggap ng anuman ang isang tao malibang ito ay ibinigay sa kanya mula sa langit. 28 (B)Kayo mismo ay mga saksi nang sabihin kong hindi ako ang Cristo, kundi ako ay isinugong una sa kanya. 29 Ang kasama ng kasintahang babae ay ang lalaking ikakasal. Nakatayo ang kaibigan ng lalaking ikakasal at siya'y lubos na nagagalak dahil sa narinig na niya ang tinig ng lalaking ikakasal. Dahil dito'y lubos na rin ang aking kagalakan. 30 Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.”
Ang Nagmula sa Langit
31 Siya na nanggaling sa itaas ang pinakamataas; siya na mula sa lupa ay kabilang sa lupa, at nagsasalita nang ayon sa lupa; siya na mula sa langit ang pinakamataas. 32 Nagpapatotoo siya sa kanyang nakita at narinig, ngunit walang tumatanggap ng kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang Diyos ay totoo. 34 Sapagkat ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, dahil walang hangganan ang kanyang pagbibigay ng Espiritu. 35 (C)Iniibig ng Ama ang Anak, at ibinigay ang lahat ng bagay sa kanyang kamay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; subalit ang sumusuway sa Anak ay hindi makalalasap ng buhay. Sa halip, ang poot ng Diyos ang mananatili sa kanya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.