Book of Common Prayer
Ang Kalayaan kay Cristo
5 Pinalaya tayo ni Cristo upang patuloy na tamasahin ang kalayaang ito; kaya't magpakatatag kayo at huwag na muling magpaalipin.
2 Pakinggan ninyo ito! Ako mismong si Pablo ang nagsasabi sa inyo: kung kayo'y patutuli, mawawalan ng kabuluhan sa inyo si Cristo. 3 Narito muli ang aking babala: bawat taong nagpatuli ay kailangang tumupad sa buong kautusan. 4 Kayong mga nagnanais na ituring na matuwid sa pamamagitan ng Kautusan, napalayo na kayo kay Cristo at nawalay mula sa kanyang biyaya. 5 Subalit kami ay taimtim na umaasang ituturing na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya at ng kapangyarihan ng Espiritu. 6 Sapagkat kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang pagiging tuli o di-tuli, kundi ang pananampalatayang pinatutunayan sa pamamagitan ng pag-ibig.
7 Maayos na sana ang pagtakbong ginagawa ninyo noon. Sino ang humadlang sa inyo sa pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi iyan gagawin ng Diyos na tumawag sa inyo! 9 Ang (A) kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa. 10 Nagtitiwala ako sa Panginoon na walang tututol sa akin tungkol sa mga bagay na ito. At sinumang nanggugulo sa inyo ay tiyak kong parurusahan ng Diyos. 11 Tungkol naman sa akin, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig? At kung nangangaral ako na kailangan pa ang pagtutuli, mawawala na ang katitisuran ng krus. 12 At sila na mga nanggugulo sa inyo ay hindi lamang dapat magpatuli kundi tuluyan nang magpaputol.
13 Tinawag kayo upang maging malaya, mga kapatid. Kaya lang, huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang pagbigyan ang hilig ng laman. Sa halip, maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat (B) ito ang buod ng Kautusan: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayu-kayo ang nagkakagatan at nagsasakmalan, mag-ingat kayo, baka kayo'y magkaubusan.
Ang Pagpapahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
27 Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos. Habang sila'y nasa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ako?” 28 Sumagot (B) sila, “Sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba'y si Elias, at ng iba'y isa sa mga propeta.” 29 “At kayo, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” (C) tanong niya sa kanila. Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo.”[a] 30 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.
Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)
31 Mula noo'y sinimulan niyang ituro sa mga alagad na ang Anak ng Tao ay dapat dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng matatandang pinuno, ng mga punong pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y papatayin ngunit pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay. 32 Maliwanag niyang sinabi ang mga ito sa kanila, kaya dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. 33 Ngunit lumingon si Jesus, tumingin sa mga alagad at pinagsabihan si Pedro, “Lumayas ka sa harapan ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi galing sa tao!” 34 Tinawag (E) ni Jesus ang maraming tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Sinumang nais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. 35 Sapagkat (F) sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ang pakinabang ng tao makamtan man niya ang buong sanlibutan kung mapapahamak naman ang kanyang buhay? 37 Ano ang maibibigay ng tao kapalit ng kanyang buhay? 38 Sinumang ikahiya ako at ang aking salita sa mapakiapid at makasalanang salinlahing ito, ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao pagdating niya na taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama, kasama ang mga banal na anghel.”
9 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, may ilan sa inyo rito na hindi daranas ng kamatayan hangga't hindi nila nakikita ang makapangyarihang pagdating ng kaharian ng Diyos.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.