Book of Common Prayer
Sinaway ni Pablo si Pedro sa Antioquia
11 Nang dumating si Pedro sa Antioquia ay pinagsabihan ko siya nang harapan dahil sa kanyang maling ginagawa. 12 Dati kasi siyang kumakaing kasalo ng mga Hentil bago dumating ang mga isinugo ni Santiago. Ngunit nang dumating ang mga iyon ay umiwas na siya at humiwalay na sa mga Hentil dahil sa takot sa mga Judio. 13 Maging ang ibang mga kapatid na Judio ay naduwag din at gumaya sa kanya sa ganitong pagkukunwari, at natangay pa maging si Bernabe! 14 Kaya't nang makita kong ang ikinikilos nila ay lihis sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, paano mo pipilitin ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”
Naliligtas ang mga Judio at Hentil sa Pamamagitan ng Pananampalataya
15 Tayo mismo ay ipinanganak na mga Judio at hindi mga “makasalanang Hentil.” 16 Nalalaman (A) natin na walang sinumang itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Kaya't tayo'y sumasampalataya kay Cristo Jesus upang ituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang itinuturing na matuwid dahil sa pagsunod sa Kautusan. 17 Ngunit kung tayo mismo na nagsisikap na maituring na matuwid dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo ay natagpuang makasalanan, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hindi ganyan! 18 Kung ang mga winasak ko'y muli kong itatayo, pinatutunayan ko sa aking sarili na ako nga'y makasalanan. 19 Namatay na ako sa Kautusan sa pamamagitan na rin ng Kautusan, upang ako'y mabuhay para sa Diyos. 20 Namatay na akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayo'y sa pamamagitan na ng pananampalataya sa Anak[a] ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin. 21 Hindi ko pinawawalang halaga ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y ituturing na matuwid sa pamamagitan ng Kautusan, namatay si Cristo nang walang kabuluhan.
13 Nagpalayas (A) sila ng maraming demonyo, nagpahid ng langis sa maraming maysakit at nagpagaling sa mga ito.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(B)
14 Nabalitaan (C) ni Haring Herodes ang mga bagay na ito sapagkat tanyag na ang pangalan ni Jesus. Sinasabi ng iba, “Iyan si Juan na Tagapagbautismo na muling nabuhay kaya siya nakakagawa ng mga himala.” 15 Sabi naman ng iba, “Si Elias iyan.” May iba pang nagsasabi, “Siya'y propeta, tulad ng mga propeta noong una.” 16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na aking pinapugutan ng ulo!” 17 Si (D) Herodes mismo ang nagpadakip at nagpakulong kay Juan. Ginawa niya ito dahil sa kinakasama niyang si Herodias, na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 18 Laging sinasabi noon ni Juan kay Herodes, “Hindi tamang angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid.” 19 Kaya't nagtanim ng galit kay Juan si Herodias at hinangad itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawa, 20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Pinagsikapan pa ni Herodes na huwag itong mapahamak dahil alam niyang si Juan ay matuwid at banal. Nasisiyahan siya sa pakikinig kay Juan bagama't labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito. 21 Ngunit dumating ang pagkakataon nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Nagdaos ng piging si Herodes para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, bagay na nagustuhan ni Herodes at ng kanyang mga panauhin. Sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo anuman ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Nanumpa pa siya sa dalaga, “Ibibigay ko sa iyo anumang hingin mo, kahit na kalahati ng aking kaharian.” 24 Lumabas ang dalaga at itinanong sa kanyang ina, “Ano ang aking hihingin?” Sumagot si Herodias, “Hingin mo ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 25 Nagmamadaling bumalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi, “Gusto kong ibigay mo sa akin ngayon din sa isang pinggan ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 26 Labis na nanlumo ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangako at sa kanyang mga panauhin, hindi niya magawang tanggihan ang dalaga. 27 Noon di'y inutusan ng hari ang isang kawal upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan.[a] Sumunod ang kawal at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 28 Bumalik itong dala ang ulo ni Juan sa isang pinggan. Ibinigay niya ito sa dalaga, at ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.