Book of Common Prayer
Ang Pangangaral ni Pedro sa Sambahayan ni Cornelio
34 Nagsimulang magsalita (A) si Pedro at kanyang sinabi, “Nauunawaan ko na ngayong wala talagang kinikilingan ang Diyos. 35 Kinalulugdan niya ang sinuman mula sa bawat bansa na may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid. 36 Ito ang salitang kanyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Siya ang Panginoon ng lahat. 37 Alam ninyo na ipinahayag ang salitang iyon sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan: 38 kung paanong si Jesus na taga-Nazareth ay binuhusan ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan; kung paanong naglibot siya na gumagawa ng mabuti at nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos. 39 Saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng Judea, at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila sa pamamagitan ng pagbitay sa kanya sa isang punongkahoy. 40 Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw. Nakita siya, 41 hindi ng buong bayan, kundi ng mga saksing hinirang ng Diyos. Kami ang mga saksing kumain at uminom na kasalo niya matapos ang kanyang muling pagkabuhay. 42 Itinagubilin niya sa amin na mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay. 43 Nagpatotoo tungkol sa kanya ang lahat ng mga propeta na ang bawat sumasampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”
Ang Pagdating ng Banal na Espiritu sa mga Hentil
44 Habang sinasabi pa ni Pedro ang mga salitang ito, bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nakikinig.
15 Matapos mag-agahan, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit sa mga ito?” Sinabi niya kay Jesus, “Opo, Panginoon; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa.” 16 Muling nagtanong si Jesus sa ikalawang pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Opo, Panginoon; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 17 Muling nagtanong si Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil tatlong ulit na siyang tinanong ni Jesus, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo: noong bata ka pa, binibihisan mo ang iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay, at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo nais pumunta.” 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay sa paraang maluluwalhati niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”
Si Jesus at ang Minamahal na Alagad
20 (A)Lumingon si Pedro at nakita niyang sumusunod sa kanila ang alagad na minamahal ni Jesus. Siya ang nakaupo sa tabi ni Jesus noong hapunan at nagsabing, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa iyo?” 21 Nang makita siya ni Pedro, sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, paano naman siya?” 22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa pagdating ko, ano ito sa iyo? Sumunod ka sa akin!”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.