Book of Common Prayer
17 Kaya, noong ninais ng Diyos na ipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang layunin, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa. 18 Hindi maaaring magsinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. At dahil sa dalawang bagay na ito na di-mababago, tayong nakatagpo ng kanlungan ay magkaroon ng lakas ng loob na panghawakan ang pag-asang nasa ating harapan. 19 Taglay (A) natin ang pag-asang ito bilang tiyak at matibay na angkla ng ating kaluluwa, isang pag-asa na umaabot sa Kabanal-banalang Dako sa kabila ng tabing ng Templo. 20 Doon (B) ay nauna nang pumasok si Jesus alang-alang sa atin, yamang siya’y naging Kataas-taasang Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Ang Pagkapari ni Melquizedek
7 Ang (C) Melquizedek na ito, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ay sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari, at siya’y binasbasan nito. 2 Sa kanya ibinigay ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una sa lahat, si Melquizedek ay hari ng katuwiran; ito ang kahulugan ng kanyang pangalan. At dahil hari siya ng Salem, siya ay hari din ng kapayapaan. 3 Walang binanggit na ama o ina o talaan ng kanyang angkan o maging tungkol sa kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya ay nanatiling pari magpakailanman.
4 Masdan ninyo kung gaano kadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagkaloob sa kanya ng ikasampung bahagi ng kanyang mga nasamsam mula sa labanan. 5 Ang (D) mga pari mula sa angkan ni Levi ay itinatakda ng Kautusan na tumanggap ang ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. 6 Ngunit si Melquizedek, bagamat hindi mula sa lahi ni Levi, ay tumanggap ng ikasampung bahagi mula kay Abraham. At binasbasan ni Melquizedek si Abraham na siyang pinangakuan ng Diyos. 7 Walang alinlangan na ang mas mababa ay tumatanggap ng basbas mula sa mas nakakataas. 8 Sa isang banda, ang mga pari na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay namamatay; sa kabila naman, ang tumanggap ay pinatutunayang nanatiling buháy. 9 Maaari pang sabihin na maging si Levi na tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham, 10 sapagkat nang siya’y salubungin ni Melquizedek, si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong Abraham.
27 Dumating ang kanyang mga alagad at nagtaka sila dahil nakikipag-usap siya sa isang babae, ngunit wala ni isa mang nagtanong sa babae, “Anong gusto mo?” o kay Jesus, “Bakit kayo nakikipag-usap sa kanya?” 28 Pagkatapos ay iniwan ng babae ang kanyang sisidlan ng tubig at umalis papuntang lungsod, at sinabi niya sa mga tao, 29 “Halikayo, tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na nga kaya ang Cristo?” 30 Kaya't sila'y lumabas ng lungsod at nagpunta kay Jesus. 31 Samantala, pinilit siya ng mga alagad niya at sinabi, “Rabbi, kumain po kayo.” 32 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Mayroon akong pagkaing hindi ninyo alam.” 33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “Wala namang nagdala sa kanya ng pagkain, hindi ba?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko'y gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin, at tuparin ang kanyang gawain. 35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan na lang at anihan na?’ Sinasabi ko sa inyo, imulat ninyo ang inyong mga mata at tingnan ninyo ang mga bukirin at handa na ang mga iyon para anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran, at nagtitipon ng bunga tungo sa buhay na walang hanggan. Sa gayon, ang nagtatanim at ang umaani ay magkasalong magagalak. 37 Dahil dito, totoo nga ang kasabihan, ‘Iba ang nagtatanim, at iba naman ang nag-aani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran. Iba ang nagpagod, at kayo'y umaani sa kanilang pinagpaguran.” 39 Maraming taga-Samaria mula sa lungsod na iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa patotoong ito ng babae: “Sinabi niya ang lahat ng ginawa ko.” 40 Kaya noong pumunta sa kanya ang mga taga-Samaria, hiniling nila kay Jesus na manatili sa kanila. Dalawang araw siyang nanatili roon. 41 At marami pa ang sumampalataya dahil sa salita ni Jesus. 42 Sinabi nila sa babae, “Hindi na dahil sa mga salita mo kung bakit kami sumasampalataya, sapagkat kami mismo ang nakarinig sa kanya. Nalalaman naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.