Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 103

Ang Pag-ibig ng Dios

103 Pupurihin ko ang Panginoon!
    Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
Pupurihin ko ang Panginoon,
    at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
    at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
    at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
    kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.

Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
    binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
    at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
    hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
Hindi siya palaging nanunumbat,
    at hindi nananatiling galit.
10 Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan.
    Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang.
11 Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa,
    ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
    ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak,
    ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya.
14 Dahil alam niya ang ating kahinaan,
    alam niyang nilikha tayo mula sa lupa.

15 Ang buhay ng tao ay tulad ng damo.
    Tulad ng bulaklak sa parang, itoʼy lumalago.
16 At kapag umiihip ang hangin,
    itoʼy nawawala at hindi na nakikita.

17-18 Ngunit ang pag-ibig ng Panginoon ay walang hanggan sa mga may takot sa kanya, sa mga tumutupad ng kanyang kasunduan, at sa mga sumusunod sa kanyang mga utos.
    At ang kanyang katuwirang ginagawa ay magpapatuloy sa kanilang mga angkan.

19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa kalangitan,
    at siyaʼy naghahari sa lahat.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong makapangyarihan niyang mga anghel na nakikinig at sumusunod sa kanyang mga salita.
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa langit na naglilingkod sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban.
22 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa lahat ng dako na kanyang pinaghaharian.

    Purihin ang Panginoon!

Salmo 148

Panawagan sa Lahat para Purihin ang Panginoon

148 Purihin ang Panginoon!
    Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga nasa langit.
Purihin ninyo siya, kayong lahat ng kanyang anghel na hukbo niya sa langit.
Purihin ninyo siya, araw, buwan at mga bituin.
Purihin ninyo siya, pinakamataas na langit at tubig sa kalawakan.
Lahat ng nilalang ay magpuri sa Panginoon!
    Sa kanyang utos silang lahat ay nalikha.
Inilagay niya sila sa kanilang kinalalagyan,
    at mananatili roon magpakailanman, ayon sa kanyang utos sa kanila.

Purihin ang Panginoon, kayong nasa mundo, malalaking hayop sa karagatan, at lahat ng nasa kailaliman ng dagat,
mga kidlat at ulan na yelo, niyebe, mga ulap, at malalakas na hangin na sumusunod sa kanyang utos,
mga bundok, mga burol, mga punongkahoy na namumunga o hindi[a],
10 lahat ng mga hayop, maamo o mailap, mga hayop na gumagapang at lumilipad.
11 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga hari, mga pinuno, mga tagapamahala, at lahat ng tao sa mundo,
12 mga kabataan, matatanda at mga bata.
13 Lahat ay magpuri sa Panginoon, dahil siyaʼy dakila sa lahat,
    at ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa.
14 Pinalalakas niya at pinararangalan ang kanyang mga tapat na mamamayan, ang Israel na kanyang pinakamamahal.

    Purihin ang Panginoon!

Genesis 17:1-13

Ang Pagtutuli ay Tanda ng Kasunduan

17 Nang 99 na taong gulang si Abram, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Dios na Makapangyarihan. Palagi kang maging matapat sa akin at mamuhay nang matuwid. Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo; pararamihin ko ang mga lahi mo.”

Nang marinig ito ni Abram, nagpatirapa siya bilang paggalang sa Dios. Sinabi ng Dios sa kanya, “Sa ganang akin, ito ang kasunduan ko sa iyo: Magiging ama ka ng maraming bansa. Mula ngayon, hindi na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham[a] dahil gagawin kitang ama ng maraming bansa. Pararamihin ko ang mga lahi mo at magtatayo sila ng mga bansa, at ang iba sa kanila ay magiging hari. Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo at sa mga lahi mo sa susunod mo pang mga henerasyon, na patuloy akong magiging Dios ninyo. Ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman. Mga dayuhan lamang kayo ngayon sa lupain ng Canaan. Pero ibibigay ko ang buong lupaing ito sa iyo at sa mga lahi mo. Magiging inyo na ito magpakailanman, at patuloy akong magiging Dios ninyo.”

Sinabi pa niya kay Abraham, “Ingatan mo ang kasunduan nating ito, at ganoon din ang dapat gawin ng mga lahi mo sa susunod pang mga henerasyon. 10 At tungkol sa kasunduang ito, dapat ninyong tuliin ang lahat ng lalaki. 11 Ito ang magiging palatandaan ng kasunduan ko sa inyo. 12-13 Mula ngayon hanggang sa susunod pang mga henerasyon, ang lahat ng lalaking ipapanganak ay dapat tuliin pagsapit nang ikawalong araw mula nang isilang ito. Tuliin din ninyo ang mga aliping lalaki na isinilang sa tahanan ninyo at pati ang mga aliping binili ninyo sa mga taga-ibang lugar. Ito ang palatandaan sa katawan ninyo na magpapatunay na ang kasunduan ko sa inyo ay magpapatuloy hanggang wakas.

Genesis 17:15-16

15 Sinabi pa ng Dios kay Abraham, “Tungkol naman sa asawa mong si Sarai, hindi mo na siya tatawaging Sarai, kundi mula ngayon ay Sara[a] na ang itatawag mo sa kanya. 16 Pagpapalain ko siya at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Magiging ina siya ng maraming bansa, at ang iba niyang mga lahi ay magiging hari.”

Colosas 2:6-12

Si Cristo ang Dapat Nating Sundin

Dahil tinanggap nʼyo na si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo nang karapat-dapat sa kanya. Patuloy kayong lumago at tumibay sa kanya. Magpakatatag kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at maging mapagpasalamat din kayo.

Mag-ingat kayo nang hindi kayo madala ng walang kabuluhan at mapandayang pilosopiya. Mga tradisyon lang ito at mga pamamaraan ng mundo, at hindi mula kay Cristo. Kaya huwag kayong padadala, dahil ang kapuspusan ng Dios ay nananahan sa katawan ni Cristo. 10 At naging ganap kayo sa pakikipag-isa nʼyo sa kanya, na siyang pangulo ng lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.

11 Dahil sa pakikipag-isa nʼyo kay Cristo, tinuli na kayo. Ang pagtutuli na ito ay hindi pisikal kundi espiritwal – ang pag-aalis ng masasamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo. 12 Inilibing kayong kasama ni Cristo nang bautismuhan kayo. At dahil nakay Cristo na kayo, muli kayong binuhay na kasama niya, dahil nananalig kayo sa kapangyarihan ng Dios na bumuhay sa kanya.

Juan 16:23-30

23 “Sa araw na iyon, hindi nʼyo na kailangang humingi sa akin[a] ng kahit ano. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon ay wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo at makakatanggap kayo, para malubos ang inyong kagalakan.

Napagtagumpayan ni Jesus ang Kapangyarihan ng Mundo

25 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito sa pamamagitan ng mga talinghaga, pero darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang ganito. Sa halip, tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw ding iyon, kayo na mismo ang hihingi sa Ama sa pamamagitan ng aking pangalan. Hindi na kailangang ako pa ang humingi sa Ama para sa inyo. 27 Sapagkat kayo mismo ay minamahal ng Ama, dahil minamahal nʼyo ako at naniniwala kayo na nagmula ako sa Dios. 28 Galing ako sa Ama at naparito ako sa mundo. Pero ngayon ay aalis na ako at babalik na sa Ama.”

29 Sinabi ng mga tagasunod niya, “Ngayon poʼy nagsasalita na kayo sa amin nang malinaw at hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 30 Ngayon alam na namin na alam nʼyo ang lahat ng bagay, dahil kahit hindi namin kayo tinatanong, alam nʼyo kung ano ang itatanong namin. Kaya naniniwala kami na galing kayo sa Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®