Book of Common Prayer
Ang Pinakadakila(A)
18 Nang (B) sandaling iyon ay lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” 2 Pinalapit niya ang isang munting bata at inilagay sa gitna nila. 3 At sinabi (C) niya, “Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi kayo magbabago at magiging katulad ng mga bata, hindi kayo kailanman makapapasok sa kaharian ng langit. 4 Kaya't sinumang nagpapakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.
Mga Sanhi ng Pagkakasala(D)
5 “At sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito dahil sa pangalan ko ay ako ang tinatanggap. 6 Ngunit sinumang maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mas mabuti pa sa taong iyon na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y lunurin sa kailaliman ng dagat. 7 Kaysaklap ng sasapitin ng sanlibutan dahil sa mga sanhi ng pagkakasala! Sadya namang darating ang mga sanhi ng pagkakasala. Subalit kay saklap ng sasapitin ng taong pinanggagalingan ng mga sanhi ng pagkakasala! 8 Kaya't (E) kung ang kamay mo o ang paa mo ang nagtutulak sa iyo upang magkasala, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay[a] na may kapansanan o paralitiko kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon ka sa apoy na walang hanggan. 9 At (F) kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo upang magkasala, dukutin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa may dalawa kang mata ngunit itatapon ka naman sa apoy ng impiyerno.[b]
Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa(G)
10 “Mag-ingat kayo (H) na huwag ninyong hamakin ang isa man sa maliliit na ito sapagkat, sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay palaging nakatingin sa mukha ng aking Amang nasa langit. 11 [Sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang iligtas ang napapahamak.][c] 12 Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at isa sa kanila ay naligaw. Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam sa bundok, at lumalakad siya upang hanapin ang naligaw? 13 At kapag natagpuan na niya ito, tinitiyak ko sa inyo, higit siyang matutuwa para dito nang higit kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, hindi kalooban ng inyong[d] Amang nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.
Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)
13 Dinala ng mga tao kay Jesus ang maliliit na bata upang kanyang hipuin. Ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito. Sinabi niya sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga tulad nila ang kaharian ng Diyos. 15 Tandaan (B) ninyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos tulad ng pagtanggap sa maliit na bata ay hindi maaaring pumasok doon.” 16 Kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.