Book of Common Prayer
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, ibigin natin ang isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang sinumang umiibig ay anak na ng Diyos at nakikilala niya ang Diyos. 8 Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakikilala ang Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. 9 Sa ganitong paraan, nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin: isinugo ng Diyos sa sanlibutan ang kanyang kaisa-isang Anak upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Ganito ipinamalas ang pag-ibig: hindi dahil inibig natin ang Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at isinugo niya ang kanyang Anak bilang alay para sa pagpapatawad ng ating mga kasalanan. 11 Mga minamahal, yamang lubos tayong iniibig ng Diyos, dapat din nating ibigin ang isa't isa. 12 Walang (A) sinumang nakakita sa Diyos, ngunit kung iniibig natin ang isa't isa, nananatili ang Diyos sa atin, at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
13 Sa ganito natin nalalaman na tayo nga'y nananatili sa kanya at siya'y sa atin, na ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at kami'y nagpapatotoo na isinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. 15 Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananatili sa kanya at siya ay nananatili sa Diyos. 16 Tayo ang nakaalam at sumampalataya sa pag-ibig na iniuukol ng Diyos para sa atin.
Ang Diyos ay pag-ibig, at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya.
Ang Nagmula sa Langit
31 Siya na nanggaling sa itaas ang pinakamataas; siya na mula sa lupa ay kabilang sa lupa, at nagsasalita nang ayon sa lupa; siya na mula sa langit ang pinakamataas. 32 Nagpapatotoo siya sa kanyang nakita at narinig, ngunit walang tumatanggap ng kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang Diyos ay totoo. 34 Sapagkat ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, dahil walang hangganan ang kanyang pagbibigay ng Espiritu. 35 (A)Iniibig ng Ama ang Anak, at ibinigay ang lahat ng bagay sa kanyang kamay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; subalit ang sumusuway sa Anak ay hindi makalalasap ng buhay. Sa halip, ang poot ng Diyos ang mananatili sa kanya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.