Book of Common Prayer
17 Ang katulad ng mga taong ito'y mga bukal na walang tubig at mga ulap na itinataboy ng malalakas na hangin. Matinding kadiliman ang naghihintay sa kanila. 18 Mga kayabangang walang kabuluhan ang lumalabas sa kanilang bibig, at pinupukaw nila ang masasamang pagnanasa upang akitin pabalik sa kahalayan ang mga taong bahagya pa lang lumalayo sa mga taong namumuhay sa pandaraya. 19 Nangangako sila ng kalayaan sa mga hinihikayat nila gayong sila mismo'y mga alipin ng kabulukan, sapagkat alipin ang sinuman ng anumang nananaig sa kanya. 20 Kung ang mga nakatakas na sa karumihan ng sanlibutan dahil sa kanilang pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo ay muling maakit at nagpadaig sa kasamaan, mas masahol pa sa dati ang magiging kalagayan nila. 21 Mas mabuti pang hindi nila nalaman ang daan ng katuwiran, kaysa matapos nila itong makilala ay talikdan nila ang banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Angkop (A) na angkop sa kanila ang kawikaang, “Bumabalik ang aso sa kanyang sariling suka,” at, “Mas nais ng baboy ang maglublob sa putik kahit nahugasan na.”
2 Nang mabalitaan ni Juan, na noon ay nasa bilangguan, ang tungkol sa mga gawa ng Cristo, nagsugo siya ng kanyang mga alagad, 3 at ipinatanong, “Ikaw na ba ang darating, o maghihintay pa kami ng iba?” 4 Sumagot si Jesus sa kanila, “Pagbalik ninyo kay Juan ay sabihin ninyo sa kanya ang inyong mga naririnig at nakikita. 5 Nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga paralitiko, nagiging malinis ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, binubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. 6 Pinagpala ang sinumang hindi natitisod dahil sa akin.” 7 Habang sila'y umaalis, nagsimulang magsalita si Jesus sa napakaraming tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang inyong makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin? 8 Ngunit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga mamahaling damit? "Nasa mga palasyo ng mga hari ang mga nagsusuot ng magagarang kasuotan." 9 At ano nga ba ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, at sinasabi ko sa inyo, higit pa sa isang propeta. 10 Siya ang tinutukoy ng nasusulat,
‘Tingnan ninyo, isinusugo ko ang aking sugo, na mauuna sa iyo,
na maghahanda ng iyong daraanan.’
11 Tinitiyak ko sa inyo, sa mga isinilang ng mga babae ay wala pang lumitaw na mas dakila kay Juan na Tagapagbautismo. Gayunman, ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. 12 Mula pa sa kapanahunan ni Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay dumaranas ng karahasan at sapilitang kinukuha ng mga taong marahas. 13 Sapagkat ang lahat ng mga propeta at ang Kautusan ay nagsalita ng propesiya hanggang kay Juan, 14 at kung nais ninyong tanggapin, siya ay si Elias na darating. 15 Makinig ang mga may pandinig!
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.