Book of Common Prayer
12 Kaya nga lagi ko kayong pinaaalalahanan tungkol sa mga ito, kahit alam na ninyo ang tungkol dito at matatag na kayo sa mga katotohanang tinanggap ninyo. 13 Katunaya'y iniisip kong lagi kayong paalalahanan hangga't nabubuhay ako. 14 At alam kong hindi na magtatagal at paaalisin na ako sa katawang ito, gaya ng sinabi sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya't ginagawa ko ang lahat upang matiyak ko na kahit nasa kabilang buhay na ako ay maalala pa ninyo ang mga bagay na ito.
Mga Saksi sa Kaluwalhatian ni Cristo
16 Nang ipaalam namin sa inyo ang tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, hindi kami gumawa ng mga alamat na katha lamang ng tao. Kami mismo ay saksi sa kanyang kadakilaan. 17 Sapagkat (A) tinanggap niya mula sa Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan.” 18 At kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na mula sa langit sapagkat kasama niya kami sa banal na bundok. 19 Ang mga ito ang lalong nagpatibay ng aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta, at makabubuti kung ito'y pag-uukulan ninyo ng pansin, sapagkat ito'y tulad ng isang ilawang tumatanglaw sa dakong madilim hanggang dumating ang bukang-liwayway at sumilang ang tala sa umaga sa inyong mga kalooban. 20 Higit sa lahat, dapat ninyong malaman na walang propesiya ng Kasulatan na nahayag dahil sa pansariling pagpapakahulugan ng sinuman. 21 Sapagkat walang propesiyang dumating kailanman na nagbuhat sa kalooban ng tao; sa halip, nagsalita ang mga tao ng mga bagay na galing sa Diyos nang sila'y magpahayag sa ilalim ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(A)
54 Dinakip si Jesus, at dinala sa bahay ng Kataas-taasang Pari. Sa di-kalayuan naman ay sumunod si Pedro. 55 Ang mga tao ay nagpaningas ng apoy sa gitna ng patyo at naupong magkakasama. Nakiupo ring kasama nila si Pedro. 56 Isang babaing lingkod ang nakakita sa kanya na nakaupo malapit sa apoy. Pinagmasdan niyang mabuti si Pedro at sinabi, “Kasamahan din niya ang taong ito!” 57 Subalit itinanggi ito ni Pedro at sinabi, “Babae, hindi ko siya kilala!” 58 Hindi nagtagal at mayroon muling nakakita sa kanya at nagsabi, “Isa ka rin sa kanila.” Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi.” 59 Makalipas ang halos isang oras, iginigiit ng isa pa, “Tiyak na kasamahan niya ang lalaking ito sapagkat siya ay taga-Galilea rin.” 60 At sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko alam ang sinasabi mo.” Hindi pa siya tapos sa pagsasalita nang biglang tumilaok ang tandang. 61 Lumingon ang Panginoon at tumitig kay Pedro; at naalala ni Pedro ang mga salita ng Panginoon nang sabihin nito sa kanya, “Sa araw na ito, bago pa tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo na akong naipagkaila.” 62 Kaya lumabas siya at umiyak nang buong kapaitan.
Kinutya at Binugbog si Jesus(B)
63 Sinimulan ng mga lalaking nagbabantay kay Jesus na siya'y kutyain at bugbugin. 64 Piniringan siya at tinanong ng ganito, “Hulaan mo! Sino ang sumuntok sa iyo?” 65 Marami pang ibang panlalait ang sinabi sa kanya.
Si Jesus sa Harapan ng Sanhedrin(C)
66 Kinaumagahan, nagtipun-tipon ang mga matatandang pinuno ng bayan, mga punong pari at maging ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinala si Jesus sa kanilang Sanhedrin. 67 Sinabi nila, “Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo sa amin.” Sumagot siya sa kanila, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi naman kayo maniniwala. 68 At kung tatanungin ko kayo, hindi kayo sasagot. 69 Ngunit magmula ngayon, mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos ang Anak ng Tao.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.