Book of Common Prayer
Ang Gawain ni Pablo sa Tesalonica
2 Alam ninyong lahat mga kapatid na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. 2 Alam ninyong pinahirapan kami at hinamak sa Filipos, ngunit ang Diyos ang nagbigay ng lakas ng loob sa amin na ipahayag sa inyo ang kanyang ebanghelyo sa kabila ng maraming pagtutol. 3 Ang pangangaral namin sa inyo ay hindi nagmumula sa masamang layunin at hangad na manlinlang o kaya nama'y nais namin kayong dalhin sa kamalian. 4 Dahil minarapat ng Diyos na sa amin ay ipagkatiwala ang ebanghelyo, nangangaral kami hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na nakasisiyasat ng aming puso. 5 Alam ng Diyos at alam din ninyo na hindi kami gumamit ng pakunwaring papuri sa aming pangangaral, o ginamit ang aming pangangaral bilang balatkayo ng anumang sakim na hangarin. 6 Hindi kami naghangad ng papuri ng sinumang tao, kahit mula sa inyo, 7 bagaman bilang mga apostol ni Cristo ay may katwiran kaming humingi ng tulong sa inyo. Naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang anak. 8 Dahil sa laki ng aming pananabik sa inyo, buong kagalakang ibinahagi namin sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming buhay, dahil napamahal na kayo sa amin. 9 Tiyak na naaalala pa ninyo, mga kapatid, ang mga pagod at hirap namin; kung paano kami nagsikap araw at gabi upang hindi kami maging pasanin ninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos. 10 Kayo at ang Diyos ang aming saksi kung paano naging dalisay, matuwid, at walang-kapintasan ang aming pakikitungo sa inyong mga mananampalataya. 11 Alam ninyo kung paano kami naging tulad ng isang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas ang inyong loob at hinikayat na mamuhay na karapat-dapat sa Diyos na tumatawag sa inyong makibahagi sa kanyang paghahari at luwalhati.
Ang Talinghaga ng mga Magsasaka sa Ubasan(A)
9 At sinimulan niyang isalaysay ang talinghagang ito sa mga taong-bayan: “Isang tao ang nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Ipinagkatiwala niya iyon sa mga magsasaka at siya ay nangibang-bayan nang mahabang panahon. 10 Nang panahon na ng anihan, nagsugo siya ng alipin sa mga katiwala upang mabigyan siya ng parte niya mula sa ubasan. Ngunit binugbog ng mga katiwala ang kanyang sugo at pinauwing walang dala. 11 Muli siyang nagsugo ng isang alipin; ngunit ito man ay binugbog, hinamak, at pinauwing walang dala. 12 Ipinadala niya ang ikatlong sugo, ngunit kahit ito'y kanilang sinugatan at ipinagtabuyan. 13 Kaya't sinabi ng may-ari ng ubasan, ‘Ano ang gagawin ko? Isusugo ko ang aking mahal na anak. Baka naman siya'y igalang na nila.’ 14 Ngunit nang makita na ng mga katiwala ang anak ng may-ari, nag-usap-usap sila, at sinabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 15 At inilabas nila sa ubasan ang anak at doon pinatay. Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan? 16 Pupunta siya doon at papatayin ang mga katiwalang ito, at ibibigay ang ubasan sa iba.” Nang marinig ito ng mga tao, sinabi nila, “Huwag nawang loobin iyan ng Diyos!” 17 Tinitigan sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan nito na nasusulat:
‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo
ang siyang naging batong-panulukan’?
18 Ang bawat mahulog sa batong ito ay magkakadurug-durog, at dudurugin nito ang sinumang kanyang mabagsakan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.